Inday TrendingInday Trending
Mahal Kita, Aarte Ka Pa?

Mahal Kita, Aarte Ka Pa?

Likas na palabiro si Robert sa kanilang baryo. Kapag kasali na siya sa tumpukan ay siguradong halakhak ang tanging maririnig mo sa bibig ng mga nakikinig sa kanya. Kaya minsan ay parang ang hirap paniwalaan ng mga sinasabi niya.

“Hi Mary,” nakangiting bati ni Robert kay Mary.

“Hello,” tipid niyang sagot.

Kung minsan ay kay hirap makipagsabayan dito lalo na kung isa kang tahimik na tao dahil maaari ka niyang tirahin sa mga biro niya. Gwapo si Robert, malayo nga ang panlabas nitong anyo sa pagiging palabiro nito. Kung hindi mo ito kilala ay aakalain mong masungit at snob ito.

“Mary, bakit ang tipid mong sumagot? May pinag-iipunan ka ba?” banat nito dahilan upang magsalubong ang kilay niya.

“Ano?”

“Biro lang iyon Mary. Nais ko lang naman na mapansin mo ako,” pormal nitong sambit sabay ngumiti ng kay tipid-tipid.

“Alam mo Robert, hindi ako mahilig makipagbiruan. Kaya huwag nalang ako ang pag-tripan mo.”

“Ha! Sino bang nakikipagbiruan sa’yo Mary? Sayo nga lang ako nagiging seryoso e,” anito sabay kindat.

Sa bawat reaksyon ng mukha nito ay duda talaga si Mary kung alin ang totoo, dahil kung titignan ito’y hindi naman ito mukhang seryoso.

“Ewan ko sa’yo Robert! Maghanap ka ng makakausap mo,” wika niya saka nilampasan ang lalaki. Mas maigi na iyong iwasan na lamang niya ito kesa patulan pa ang mga pinagsasabi nito.

Mahirap maniwala, malay niya kung trip lang siya nito.

“Oy! Robert dumaan na si Mary ang iyong future wife.” rinig niyang wika ng kasama nitong nagba-basketball.

“Ano Robert, natahimik ka d’yan. Nadali kana siguro sa ganda ng iyong crush ‘no.” kantyaw pa ulit ng isa.

Naiinis man sa mga naririnig na kantyaw ay wala naman siyang balak na patulan ang mga ito.

Kinabukasan ay nakita niyang nakaabang na si Robert sa dadaanan niya. Nais man niyang umiwas at maghanap nalang ng ibang malalakaran. Wala naman ibang malilikuan ang eskinitang kanyang tinatahak ngayon, kaya walang magawang ipinagpatuloy niya ang kanyang lakad. “Hi Mary para pala sa’yo.” may iniabot itong isang pulang rosas.

“Ano ‘to? Wala namang patay sa’min kaya bakit mo ako binibigyan nito?”

Pagak itong ngumiti. “Hindi naman para sa patay iyan, para talaga ‘yan sa’yo. Atsaka ang bulaklak para sa patay ay kalachuchi, hindi rosas. Mahirap naman kung bibigyan kitang kalachuchi,” anito na kinainis niya.

Tunay na pilosopo talaga ang lalaki. “Gano’n ba? Hala ito na ang rosas mo. Maghanap ka ng pagbibigyan niyan at huwag ako!” gigil niyang wika atsaka ito nilampasan.

Walang magawang naiwan itong nakanganga. Hindi niya alam kung para saan ang ginagawa nito pero naaasar siya rito, lalo na kanina.

Araw-araw yata ay nais nitong buwisitin ang araw niya dahil lagi itong nakaabang sa eskinitang wala siyang malulusutan. Katulad nalang ngayon.

“Mary, para sa’yo. Sana naman tanggapin mo na,” anito at inabot ang isang box ng chocolate.

“Para saan na naman ito?”

“Syempre para sa’yo. Bakit saan ba dapat? Alangan naman ibibigay ko ‘yan doon sa may Cavite e nasa Recto lang naman nakatira ang nais kong bigyan niyan,” bahagya itong ngumiti. Ngiting animo’y nahihiya.

“Hindi karin naman pilosopo ano?”

“Sabi mo kasi saan? ‘Di ba nga kapag saan, lugar iyon?”

“Ewan ko s–”

“Oops! Pwede bang huwag mo na akong talikuran? Lagi mo nalang kasi akong nilalampasan sa t’wing kinakausap kita. Kapag binanggit mo na ang salitang ‘ewan ko sa’yo’ ang kasunod niyan ay walk-out na.”

“Kasi wala kang kwentang kausap.”

“Ouch!” anito na umakto pang nasaktan. “Ang sakit mo talagang magsalita, Mary.”

“Sinasabi ko lang naman ang katotohanan, Robert. Kaya kung wala kang sasabihing maganda ay mas maiging umalis kana sa harapan ko,” aniya.

“Teka lang naman. Ilang gabi ko nang pinaghandaan ang lahat ng sasabihin ko sa’yo e,” wika pa ni Robert. “Ilang gabi na akong parang siraulong hindi makatulog sa kakaisip kung paano ba kita makakausap nang matino.”

“Ha-ha. Patawa, talagang nanggaling sa’yo ang salitang matino? Ikaw nga hindi ko nga malaman kung kailan ka nagiging seryoso, kasi lahat naman dinadaan mo sa biro. Kaya mga ang hirap magtiwala kung totoo ba itong mga sinasabi mo,” wika niya.

“Oo! Aaminin ko na talagang palabiro ako at masayahing tao. Mahilig mangantyaw, pero pagdating sa’yo seryoso ako. Nahihiya lang ako sa’yo kay dinadaan kita minsan sa biro. Pero ngayon Mary, hindi mo ba nakikitang seryoso na ako? Mag-e-effort ba akong bilhan ka ng rosas, ng chocolate kung hindi ako seryoso? Magti-tiyaga ba akong abangan ka sa eskinitang ito kung hindi ako nagsasabi ng totoo?”

Sa tagal niyang nakilala si Robert ay ngayon lang niya nakitang naging seryoso ito.

“Mahal kita Mary, hindi mo ba nakikita iyon? Mahal kita at gusto kitang ligawan. Kaya kita inaabangan dito. Hindi mo ba ako naririnig? Mahal kita, bakit ba umaarte ka pa?”

“Anong sinasabi mo?”

“Mahal kita.”

“Iyong huli.”

“Mahal kita, bakit aarte ka pa. Kasi para kang bingi. Parang gusto mo pa yatang ipagsigawan ko dito na mahal na mahal kita.”

“Kung nanliligaw ka nga, bakit dito ka nanliligaw sa eskinita? Anong akala mo? Sa eskinita lang ako pinanganak ng mama ko!”

“Ha? Hindi naman sa gano’n Mary. Hayaan mo bukas sa bahay niyo na ako didiretso. Syempre ito ang first move ko kasi nga magpapaalam muna ako sa’yo.”

“Ewan ko sa’yo,” nakangiti niya iting nilampasan. Kahit kailan ay pasaway talaga ang lalaki.

Tinupad nga ni Robert ang sinabi nitong panliligaw. Nagustuhan naman ng mga magulang niya ang lalaki dahil likas na palabiro ito at magaling makisama sa pamilya niya. Kaya ilang buwan lang ay sinagot na niya si Robert. Tunay na mas nakaka-inlove ang ugaling taglay ng isang tao.

Ngayon ay masaya na silang namumuhay kasama ng kanilang dalawang anak. Sino ang mag aakalang nagsimula sa biro ang lahat?

Images courtesy of www.google.com

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement