Inday TrendingInday Trending
Kumot Mo sa Tuwing Malamig ang Gabi

Kumot Mo sa Tuwing Malamig ang Gabi

“Aalis ka ulit, Kuya Benjie?” tanong ni Arya, nakababatang kapatid ni Benjie.

“Oo eh, doble-kayod ako ngayon.”

“Bakit? Ano ba mga trabaho mo?”

“Alam mo naman na crew ako sa isang kainan, at kargador din ako sa ibang araw.”

“Bakit ang tagal bago ka maka-uwi?”

“May inaasikaso pa ako Arya. Matulog ka na, uuwi rin ako mamaya.”

“Okay, ingat ka kuya!”

Sa isang tahanan sa Tondo ay naninirahan ang magkapatid na sina Arya at Benjie, kasama ang kanilang tito. Wala na ang kanilang magulang, kaya kung hindi sa tito nila, kay Benjie umaasa ang tatlo at sa kanyang trabaho. Hindi nakatapos ng pag-aaral si Benjie dahil dumiretso agad siya sa mundo ng paghahanapbuhay. Madalas kasing umuuwing lasing ang kanilang tito kaya sa murang edad ay kumakayod na ang binata.

Hatinggabi na madalas umuuwi si Benjie. Hindi na niya naaabutang gising ang kanyang kapatid. Madaling ginawin si Arya kaya tuwing pag-uwi ni Benjie ay ibinibigay niya ang kumot niya kay Arya. Lubos namang natutuwa si Arya sa ginagawa ng kanyang kuya. Ngunit, kathang-isip pa rin kay Arya kung anong rason sa sobrang gabing pag-uwi ng kanyang kapatid.

“Kuya! Papasok na ako!” masiglang sigaw ni Arya kinabukasan.

“Sandali lang, ihahatid na kita.”

“Okay!” nakangiti ang bata.

“Kumain ka ba nang marami kanina?”

“Opo! Ikaw kuya?”

“Siyempre. Marami ulit akong gawain mamaya, kaya kailangan ko ng lakas.”

“Ohhh… at ano naman aasikasuhin mo ulit?”

“Basta, malalaman mo rin.”

“Kuya, huwag ka gagamit ng ipinagbabawal na gamot ha? Masama ‘yun.”

“Hoy hindi ah! Hindi ako gumagawa ng ganoon!” sabay natawa si Benjie.

Inihatid na ni Benjie ang kanyang kapatid sa eskwelahan, at dumiretso na ang binata sa kanyang trabaho. Nag-aalala lagi si Arya sa kalagayan ng kanyang kuya araw-araw. Naiisip niya baka kung saan-saan napapadpad si Benjie. Hindi na lang muna inisip ni Arya ang kalagayan ng Kuya niya, kailangan niyang magsipag sa pag-aaral.

Habang nasa eskwelahan ay nagkaroon ng isang aktibidad ang klase nila Arya. Ito’y pagpapakilala ng sarili sa harapan sa kahit anong paraan na nais ng mag-aaral. Kakasimula lang ng pasukan ngayong taon kaya nasasabik si Arya na magkaroon ng mga bagong kaibigan.

“Ako ay si Arya Ferrer. Nakatira po ako sa Tondo. Sampung taong gulang na po ako ngayong taon. Wala na akong mga magulang, pero okay lang. Nandito naman lagi si Kuya Benjie para tulungan ako. Nice to meet you!” masiglang wika ni Arya sa harap ng klase.

“Wala ka nang magulang, Arya? Anong nangyari sa kanila?” tanong ng guro kay Arya.

“Naaksidente po si mama at hindi na po siya nagising, at umalis na lang po si papa at hindi na po siya bumalik,” sagot ni Arya.

“Oh…ganun ba?” biglang nag-iba ang mood ng klase sa bukambibig ni Arya tungkol sa pamilya niya?

“Opo teacher. Huwag po kayong mag-alala, hindi naman po ako malungkot. Nasanay na po kami,” at naglabas ng malaking ngiti si Arya.

Marami sa mga kaklase ni Arya ang hindi mapinta ang kanilang mga mukha, lalo na sa guro ni Arya. Umupo na muli si Arya. Nagpakilala na ang ilang mga mag-aaral at bumalik muli ang sigla sa klase. May mga kaklase si Arya na lumapit sa kanya at nakipagkaibigan. Kumpleto ang araw ni Arya at masayahing bata siya ngayon.

Uwian na at sinundo si Arya ng kanyang Kuya Benjie. Kasabay ni Arya ang dalawa niyang bagong kaibigan, si Thea at Aira. Nakita rin ng dalawa ang kuya ni Arya at kinumusta nila si Benjie. Matapos ay naghiwalay na sila ng daan pauwi. Napansin ni Benjie ang hindi matanggal na ngiti ni Arya.

“Mukhang maganda araw mo ngayon ineng?” tanong ni Benjie.

“Opo Kuya! Marami akong bagong nakilala at ang babait nila sa akin, lalo na sina Thea at Aira.” sagot ni Arya.

“Wala namang umaway sa’yo?'”

“Wala naman po, at nandito ka naman kung may mag-aaway sa akin!”

Masaya si Arya na nakipagkwentuhan sa kanyang kuya. Pagka-uwi nila’y muling umalis si Benjie para sa kanyang pangalawang trabaho. Muling nanumbalik ang lungkot at pangamba ni Arya. Saan na naman kaya pupunta si Kuya, tanong ni Arya ni sarili. Ginawa na lamang ni Arya ang kanyang mga takdang-aralin, at kumain na ng hapunan. Umulit muli na hatinggabi na naka-uwi si Benjie. Kunyaring natutulog si Arya at minamasdan niya ang bawat pagkumot sa kanya ni Benjie bago matulog.

Kinabukasan ay hindi na natiis ng mga kaklase ni Arya. Tinanong nila si Arya kung sino raw ang sumundo sa kanya. Sabi ni Arya ay si Kuya Benjie niya ang sumusundo sa kanya. Sa ganitong pagkakataon ay hindi na naiwasang mapintasan si Benjie ng mga kalalakihang kaklase ni Arya.

“Arya, nakita ko kuya mo kagabi, mukhang masama kinikilos sa eskinita malapit sa amin. Gumagamit ba siya ng ipinagbabawal na gamot?” biglang tawa ng mga nanlalait.

“Hindi gumagamit ng bawal na gmaot ang kuya ko. May mga trabaho siya!” halata ang pagka-inis sa mukha ni Arya.

“Talaga ba? Sa hitsura niya kagabi, kahit sino mapagkakamalan siyang masama. Sumuko na siya kamo!”

Hindi na napigilan ni Arya ang galit at nasuntok sa mukha ang kanyang kaklase. Hindi nakapalag ang nang-aasar sa kanya. Bigla na ring nagkagulo sa hallway ng kanilang pinag-aawayan. Hindi tumagal at may lumapit agad na guro at pinigilan ang away nila. Parehas silang pinapunta sa punong-guro, at pinatawag ang kuya ni Arya.

Agad namang nakapunta si Benjie, nag-aalala sa kalagayan ng kapatid. Sa gulat niya’y mas naging kawawa ‘yung lalaking naka-alitan ni Arya at walang bahid ng dungis o sugat si Arya. Humingi ng paumanhin si Benjie sa kaklase ng kapatid at pati na rin sa punong-guro.

“Bakit mo naman nagawa iyon sa kaklase mo?” tanong ni Benjie kay Arya noong tapos na ang klase.

“Sinasabi kasi niya, masama ka raw na tao. Gumagamit ka raw ng bawal na gamot,” sagot ni Arya.

“Hindi ka naman masama ‘di ba, Kuya?”

“Ikaw, ano sa tingin mo Arya?”

“Hindi ka masama! Mabuti ka, inaalagaan mo kami…lagi…”

“Arya, gusto mo bang sumama mamaya sa akin? May ipapakita ako sa’yo.”

“Saan tayo pupunta Kuya?”

“Malalaman mo rin, magtiwala ka lang sa akin.”

Matapos makauwi ay agad ginawa ni Arya ang kanyang mga aralin. Agad siyang umalis ng bahay kasama ang kuya niya. Gabi na noong nagbiyahe sila at natatakot si Arya sa mga lugar na kanilang dinaanan. Tagong lugar ang kanilang pinuntahan at lugmok sa kahirapan ang mga kapitbahay sa lugar.

“Arya, narito na tayo.”

At nakita na rin sa wakas ni Arya ang pinagkaka-abalahan ng kanyang Kuya. Isang bahay ampunan ang pinupuntahan ni Benjie gabi-gabi. Kilala si Benjie sa bahay ampunan at siya rin ang kuya-kuyahan nila. Pinakilala ni Benjie si Arya sa mga batang naroon. Ang sobrang naipon ni Benjie ay napupunta rin sa bahay ampunan, kaya malaking pasasalamat ang binibigay ng mga nangangalaga at ng mga bata kay Benjie.

Laking gulat ni Arya sa nakita niya. Gipit na nga sila ng kanyang kuya at labis pa ang malasakit ni Benjie sa mga kabataan. Laking tuwa ni Arya sa kabaitang dulot ng kanyang kuya. Hindi pala isang masamang tao si Benjie. Pag-uwi nila ay may isang hiling si Arya kay Benjie, ayun ay huwag magsawa si Benjie sa pagtulong at pagmamahal sa kanya. Ramdam ni Arya ang labis na kabaitan ng kanyang kuya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement