Inday TrendingInday Trending
Ang Tunay Na Ako

Ang Tunay Na Ako

Ipinikit-pikit pa ni Mau ang kanyang mga mata para tiyaking hindi siya namamalikmata. Hindi siya maaaring magkamali at kahit pa labinlimang taon na ang nagdaan, kabisado pa rin niya ang maamong mukhang nasa harap ng kanyang mesa, si Yam iyon na kababata niya.

“Ikaw pala ang pumalit kay Jessie, Yam Vergara,” kinakabahang sabi ni Mau na hindi pa rin makapaniwala sa mga nangyayari. Si Jessie ang kanang kamay niya sa kumpanya at kailan lamang ay nag-resign na ito sa trabaho dahil nagkasakit ang ina nito at kailangan ng mag-aalaga.

“Oo, ako nga Sir Mau Benitez,” matabang na tugon ni Yam na wari bang sinadyang bigyang diin ang salitang ‘sir’.

“Heto na nga pala yung naiwang trabaho ni Jessie, maaari ka ng magsimula,” wika ni Mau para matapos na ang makalaglag-pusong eksenang iyon. Butil-butil ang pawis ni Mau ng makaalis na ang dalaga. Batid niyang hanggang ngayon ay galit pa rin ito sa kanya. Parang ipo-ipo sa bilis ng pagbalik ng mga alaala sa kanya labinlimang taon na ang nakakalipas. Malinaw pa sa kanyang alaala ang paulit-ulit na sinabi ni Yam sa kanya.

“Manloloko ka! Manloloko ka!,” habang tuloy-tuloy ang pag-agos ng masaganang likido sa mga mata nito.

Nagmula sa mayamang pamilya sina Mau at Yam. Nasa ika-unang grado sa hayskul sila ng una silang magkakilala. Pareho sila ng suot na uniporme, nakapalda, pareho din hanggang balikat ang buhok at kapwa mailap sa iba. Batid ni Mau ang tunay niyang katauhan kaya’t mailap siya sa iba habang si Yam naman ay kulang sa kalinga ng mga magulang na nagdulot ng pagiging mailap din niya sa iba. Ang mga pagkakatulad na ito ang naging daan upang maging matalik na magkaibigan ang dalawa. Pagmamay-ari ng pamilya ni Mau ang eskwelahang pinapasukan nila ni Yam at iyon ay eskwelahan para sa mga babae lamang. Nag-iisang anak si Mau at ganoon din si Yam. Pangarap ng ina ni Mau na magka-anak ng babae at kahit ‘menopausal baby’ na ang dumating sa kanilang mag-asawa ay sabik na sabik pa rin siyang maging babae ito. Gayon na lamang ang paninibugho ni Ginang Benitez nang lalaki ang sa kanila’y ipinagkaloob. Nahirapan siyang tanggapin ito at upang hindi masayang ang lahat ng kanyang pag-asa ay binihisan niyang parang babae ang anak.

Isang mainit na pagtatalo noon ang nangyari sa sala ng pamilya Benitez.

“Por Dios Por Santo, Rosario hindi maaaring mag-aral ang ating anak sa eskwelahang nilaan para sa mga babae lamang. Hindi ka ba naawa sa anak mo? Lalaki ang anak natin at hindi babae at lalong hindi binabae,” naghihimutok na pagtutol ni Ginoong Benitez sa asawa.

“Romeo, ayokong mamulat sa maagang pagbabarkada ang ating anak at ipinaliwanag ko na sa anak natin na pulos away lamang ang kakaharapin niya kapag nagkaroon siya ng mga kaklaseng lalaki at nauunawaan ng anak natin iyon. Pabayaan mo na ako Romeo, isa pa mas matitignan natin siyasa kanyang pag-aaral lalo’t ikaw ang punong-guro sa eskwelahan. Lahat ng mga guro ay kausapin mo at tiyak kong papayag sila sapagkat napakabuti mo sa kanila,” pamimilit pa ni Ginang Benitez sa asawa.

“Ewan ko ba sa iyo, Rosario! Gumagawa ka ng kahihiyan!” Biglang balik ng eksena sa isipan ni Manuel ng minsan silang dumalaw sa doktor.

“Ginang Benitez ang maipapayo ko lamang ay ibayong pang-unawa sa inyong asawa dahil sa mga panahong ito, siya ay sumasailalim sa in-denial stage na nangyayari talaga sa mga may-edad na ng nagkaanak at hindi pa natupad ang kanyang hinahangad,” paliwanag ng doktor.

“Hanggang kailan po ito, dok?” tanong ni Ginang Benitez.

“Panahon lamang ang makapagsasabi,” Iyon nga ang nangyari, nasunod pa rin ang babae sa napagkasunduan, tanging mga guro lamang ang nakaalam ng katotohanan. At ngayon nasa ika-limang grado na sina Mau at ang naging matalik niyang kaibigan, si Yam. At kahit pa matagal na silang magkaibigan, hindi alam ni Yam ang katotohanan. Natatakot din kasi si Mau na baka hindi na siya kaibiganin pa nito kapag nalaman nito ang lihim sa kanyang pagkatao.

Nagulat na lamang si Mau sa pagsigaw ni Yam. Nasa bahay kasi sila nito at gumagawa ng proyekto nang tumili ang kaibigan.

“Yam! Bakit ka sumisigaw sa banyo ha?”

“Kadiri, Mau! May dugo na ako. . . ’’ sagot nito.

“Ano’ng dugo? May sugat ka ba? Saan? Patingin…” nag-aalalang tanong ni Mau sa kaibigan.

“Ano ka ba? Wala akong sugat, buwanang dalaw ito. Ibig sabihin ay dalaga na ‘ko!” paliwanag ng dalagita.

“Ganoon ba?” sagot na lamang ni Mau at nagkibit balikat.

“Ikaw kaya girla? Kailan ka magiging dalaga?” Nasamid na lamang si Mau sa sinabi ng kaibigan. Ginabi na sila bago matapos ang kanilang proyekto at ipinasya ng mga magulang ni Yam na doon na matulog si Mau at tatawagan na lamang ang mga magulang ng dalaga. Hindi mapakali si Mau sa kama ng gabing iyon. Pabaling-baling siya sa kama at hindi makatulog. Katabi niya si Yam at mahimbing na ang tulog nito. Panay ang dasal ni Mau. Batid niyang nagkakasala na rin siya sa kaibigan. Kanina ay napilit siya nitong sabay silang maligo dahil pareho naman daw silang babae. Tawa pa nga ng tawa ito kanina dahil hindi niya hinubad ang shorts niya ng maligo sila at kung anu-anong dahilan na lamang ang sinabi niya. Ang bilis ng panahon, nasa huling antas na sila sa pinapasukang eskwelahan. Unti–unting napapansin ni Mau ang pagtamlay ni Yam. Hindi na ito nakatiis at tinanong ang kaibigan.

“Pakiramdam ko po kasi, tomboy ata ako,” mangiyak-ngiyak na sagot nito. Ayoko sanang ipaalam sa’yo dahil baka layuan mo ako dahil iba ako,” madamdamin pang dugtong nito. Kinagabihan, hindi na naman nakatulog si Mau at para bang pinagbagsakan siya ng langit at lupa.

“May iba pala siyang gusto at ang masakit, tomboy pala siya,” pagka-wika noon ay nakatulog na din si Ginang Benitez. hanggang sa sumpit ang Araw ng pagtatapos nila sa eskwelahan, at may mahalaga daw na ipagtatapat ang prinsipal. Iyon na pala ang katapusan ng lahat. Ipinagtapat na ng prinsipal ang katauhan ni Mau sa lahat. Hindi naman ito dinibdib ng karamihan maliban sa isa, si Yam. Sinubukan ni Mau na magpaliwanag dito ngunit sinampal lamang siya nito.

“Itinuring kitang kaibigan! Ikaw lamang ang nagpahalaga sa akin pero hindi pala totoo! Hindi na nga ako pinapahalagahan ng magulang ko, niloko mo pa ako! Manloloko ka! Manloloko ka!” umiiyak na nagtatakbo ang dalaga palayo. Simula noon ay hindi na nakita ni Mau si Yam. At ngayon, heto at nakita na ulit ang dalawa, ang kanyang secret first love. Naalala na naman niya nang aminin nitong tomboy ito. Iyon ang una niyang pagkabigo sa pag-ibig.

“Puso nga naman talaga! Engineering din pala ang kinuha niyang kurso, tomboy nga talaga,” bulong ni Mau sa sarili.

Mabilis na Lumipas ang araw at buwan at isang taon na niyang kasama sa trabaho si Yam at isang taon na din siyang naguguluhan at nasasaktan. Uwian na sa trabaho at halos si Mau na lamang at tatlo pang kasamahan ang natitira sa opisina. Pauwi na sana siya nang may makaagaw sa kanyang pansin at nasa ilalim iyon ng mesa ni Yam. Isa iyong talaarawan na magbabago sa lahat.

“Hindi na ako galit sa kanya, ang totoo, galit ako sa sarili ko dahil inakala ko noon na umiibig ako sa kapwa ko babae gayong hindi naman pala siya babae. . . kung ‘di tunay na lalaki” ang nilalaman ng talaarawan ni Yam.

Isang malapad na ngiti ang gumuhit sa mga labi ni Mau. Bigla siyang nabuhayan ng loob at nagkaroon ng panibagong pag-asa kay Yam.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement