Inday TrendingInday Trending
Anak, Pwede Bang Makipaglaro?

Anak, Pwede Bang Makipaglaro?

Dahan-dahang idinilat ng anim na taong gulang na si Norman ang kanyang mga mata, medyo napangiwi pa siya dahil sakto sa kanyang mukha ang sikat ng araw na nagmumula sa bintana ng kwarto. Agad niyang dinampot ang laruang elepante na regalo ng kanyang daddy noong huling birthday niya.

Importante sa kanya ang laruang iyon, minsan lang kasi sila makapaglaro ng kanyang mga magulang dahil parehong busy sa trabaho ang mga ito. Manager ang mommy niya habang in demand na architect naman ang kanyang ama.

Ang sabi nga ng mga kaklase niya, swerte siya kasi nabibili niya lahat ng toys. Hindi alam ng mga ito na siya pa nga ang naiinggit sa iba dahil walang oras ang kanyang mga magulang kahit na ma-kwentuhan man lang siya. Tanging si Yaya Meding lamang ang kanyang kalaro maghapon.

Paglabas niya ng kwarto ay nakita niya ang ina na nagluluto sa kusina, wow, hindi pumasok ang kanyang mommy?! Bago ito!

“Goodmorning Mommy!” masayang bati niya pero hindi siya pinansin ng babae, tila may kausap kasi ito sa telepono.

“Yes, I know. I-eextend ko sana ang vacation ko eh. Please understand, hindi naman ako laging nagli-leave sa office. Ngayon ko nga lang magagamit eh, this is such a hard time for me,” sabi nito sa kausap.

Napaisip si Norman, masaya sana kasi mahaba ang bakasyon ng kanyang ina. Kaya lang mukha namang may problema.

“Si daddy po ba, hindi rin pumasok?” sabi niya, pero muli, nagawi lang sa direksyon niya ang paningin nito at hindi siya kinibo.

Hindi na nagsalita pa si Norman, alam niyang magagalit ang kanyang ina kapag inistorbo niya ito. Ganoon naman lagi eh, natatandaan niya nga ang isang beses na kinulit niya itong tingnan ang tatlong star sa kamay niya. Naku, napagalitan siya at napapasok sa kanyang kwarto. Iyak nga siya nang iyak noon eh.

Mukhang matagal pa matatapos ang tawag ng mommy niya kaya nagpunta nalang siya sa salas. Narinig niyang naglilinis si Yaya Meding sa taas, mamaya niya na lamang yayayaing makipaglaro. Siya na lamang ang mag-isang dumampot ng kanyang laruang kotse.

“Beep beep, red car!” masayang wika niya. Napasulyap siya sa isa pang laruang truck, pag pinindot ang gilid noon ay tumutunog at umiilaw ang unahan.

Regalo iyon sa kanya ng kanyang mommy.

“Big monster truck!” wika niya, tapos ay pinindot nang paulit ulit ang truck kaya iyon tumunog at umilaw.

Maya-maya ay narinig niyang naglalakad palapit ang kanyang mommy, tuloy lang siya sa paglalaro at sa pagpindot sa truck.

Wala nang kausap ang kanyang ina, mukhang malungkot ito at natigilan pa nang mapasulyap sa gawi niya. Tinitigan nito ang truck na sige lang sa pagtunog at pag ilaw.

Bumuntong hininga ang babae, tapos ay aburidong nasabunutan ang sarili.

“Norman..” sabi nito.

Naalarma ang bata, naku magagalit ang mommy niya kasi naistorbo niya. Masyado yatang maingay ang truck!

“Mommy sorry po! Nagpe-play lang naman po ako,” nakatungong paliwanag niya.

Bago pa makasagot ang babae ay bumaba na ang kanyang Yaya Meding, may bitbit itong isang malaking kahon.

“Yaya, tara nalang po sa kwarto. Baka po pagalitan ako ni Mommy kasi maingay ang truck ko.” bulong niya rito. Pero hindi siya nilingon ng kanyang yaya, nakatingin lang ito sa direksyon ng pinto kung saan naroon pala ang kanyang daddy.

Teka, wala rin itong pasok?! Ang swerte naman!

“Ma’am nandito na po lahat,” sabi ng kanyang yaya.

Napasulyap ang bata sa laman ng kahon na dala nito. Naroon ang kanyang mga damit.

“Yaya! Kasya pa po sa akin ang sandong blue ko na yan! Favorite ko yan eh, ipapamigay nyo po?” malungkot na tanong niya.

Nagsalitang bigla ang kanyang ina, nakatingin pa rin sa truck.

“Norman, patawarin mo sana kami ng daddy kung wala kaming time sayo noon. Kung inuna namin ang trabaho, patawarin mo kami kung hindi namin naipadama noon kung gaano ka kahalaga sa amin, mas mahalaga pa sa materyal na bagay. Mas mahalaga pa sa kinikita namin dahil ikaw ang buhay namin ni daddy,”

“Okay lang po iyon mommy, mahal na mahal ko rin po kayo,” masayang wika ng bata.

“Anak, pwede na tayong maglaro ngayon. Pwede ka bang makalaro? Please?” wika muli ng kanyang ina, naiiyak na ito.

Na-excite si Norman, lumapit sa kanyang ina at niyakap ito nang mahigpit.

“Oo naman po! Matagal ko nang gusto po yan!”

Kaya lang medyo nagtaka siya, kasi pumayag na nga siyang makipaglaro ay umiiyak pa rin ang mommy niya. Napaupo pa ito sa sahig, nang sulyapan niya si Yaya Meding ay umiiyak na rin ito.

“Anak, Norman, maglaro na tayo please? Please anak? Forgive mommy.. please anak maglaro nalang tayo..” hagulgol na sabi nito.

Hinawakan ito ng kanyang daddy sa balikat at niyakap, umiiyak na rin ang lalaki.

Noon lang nakita ng bata ang kanyang larawan sa ibabaw ng mesa, may nakatirik na dalawang kandila roon.

Isang buwan na ang nakararaan nang mabangga ang school bus na sinasakyan ni Norman. Isa siya sa mga nasawi, todo ang sisi ng kanyang mga magulang dahil malaki ang naging pagkukulang nila sa anak.

Ngayon, magleave man sila sa trabaho ay huli na. Hinding hindi na nila makakapiling pa si Norman.

Umiiyak na rin ang bata nang makatanaw siya ng isang nakasisilaw na liwanag. Kasunod noon ay nagsalita ang isang makapangyarihang boses.

“Norman, anak, sumama kana sa Ama. Maglalaro tayo rito..” wika nito.

“Sige po!” biglang sabi ng bata, himalang nawala ang lahat ng lungkot na nadarama.

Bago siya tuluyang sumama sa liwanag ay muli niyang nilingon ang mga magulang.

“Mommy, Daddy, Yaya Meding, wag na po kayong malungkot. Mahal ko po kayong lahat,” wika niya.

Laging tandaan na ang pera ay madaling kitain. Pero ang oras kasama ng ating minamahal ay hindi na maibabalik pa, bawat segundo ay mahalaga kaya wag nating sayangin. Wag nating hintaying mahuli ang lahat bago natin maisipang iparamdam ang kahalagahan ng ating pamilya.

Advertisement