Inday TrendingInday Trending
Huy Yaya, Mahal Kita!

Huy Yaya, Mahal Kita!

Kung mayroon sigurong reyna ng kamalasan, si Erika na iyon. Pabalang na pinahid niya ang luhang tuloy tuloy na dumadaloy sa kanyang mga mata, tapos ay nakatungong pumasok sa barung-barong nila.

“Yan, yan ang sinasabi ko sayo. Hindi mo kasi tinandaan ang mga bilin ko eh, nagpadala ka sa puso mo. Aber, Erika, kailan pa may nangyaring nainlove ang prinsipe sa alipin?” mataray na wika ng kanyang bestfriend na si Anita.

Kanina pa pala ito naghihintay sa kanilang salas, bagamat nang makita nitong napahagulgol na siya ay bigla namang napalitan ng awa ang ekspresyon. Kasunod nito ang kanyang ina na mabilis rin siyang niyakap.

“Anak, pasensya kana. Kung hindi dahil sa amin, hindi ka magdurusa ng ganyan.” wika ng ginang, dinalahit pa ng ubo pagkatapos.

“Hindi Nay. Ako ang may kasalanan nito, trabaho lang naman talaga dapat ang ipinunta ko sa mansyon ng mga Fuentabella. Naging ambisyosa rin ako para mainlove at maniwala na ang kaisa-isa nilang anak ay umiibig rin sa akin. Nagpadala ako sa matatamis na salita ni Edward.” humihikbi pang wika niya.

Nang mahimasmasan siya nang kaunti ay kinuha niya ang maletang kinalalagyan ng iilan niyang damit.

Isa isa niyang tinanggal ang laman noon, habang nagbabalik tanaw.

Mababait ang mga Fuentabella, sina Ma’am Ramoncita at Sir Calixto. Ang mga ito nga ang kasalukuyang nagpapaaral sa kanya sa kolehiyo at upang makabawi man lang, para na rin may dagdag na kita ay nagtrabaho siya bilang kasambahay sa mga ito pag walang klase.

Smooth na sana eh, okay na ang lahat. Ang lintik na puso niya lang ang pahamak- umibig sa unico hijo ng mga ito! Ang gwapo, matalino at edukadong si Sir Edward. Paano naman kasi, nagsimula iyon sa mga simpleng kusa nito na turuan siya sa assignment niya. Hanggang hindi niya namalayang nahulog na pala siya. Naniwala na sa fairy tale ang gaga niyang puso.

Akala niya ay happy ending na, bigla na lamang sumulpot si Scarlet. Ang nagpakilalang nobya ni Sir Edward, nang mahalata ng babae na may namamagitan sa kanila ng binata ay sinet up siya nito. Pinalabas nitong nagnanakaw siya ng kwintas ni Ma’am Ramoncita.

Nagkagulo sa mansyon at namalayan niya na lamang na sinisigawan na siya ni Scarlet na lumayas, nakatulala lamang si Edward sa kanya pati ang mabait na mag asawa. Paano siya tatanggi kung nakita mismo sa bag niya ang may dyamanteng kwintas?

“Gaga ka kasi! Gaga, gaga, gaga!” halos sampalin niya ang sarili. Wala na nga siyang trabaho, baka hindi pa siya makatuloy sa pag-aaral. Syempre wala na siyang mukhang maihaharap sa pamilya Fuentabella matapos ang nangyari.

Makalipas ang ilang araw, problemado si Erika dahil mauubos na ang naipon niyang pambaon sa eskwela. Naaawa na rin siya sa kanyang ina na kahit may sakit ay napipilitang magtinda ng isda.

“Eka! Dali ka, buksan mo ito!” sabi ni Anita, sunud-sunod ang pagkatok sa pinto nila.

“Teka muna! Baka magiba ang pinto namin loka ka,” natataranta na ring sabi niya.

“Eka, Diyos ko Eka!” masayang sabi nito, niyakap pa siya. Nagtatakang napatingin ang dalaga sa kaibigan.

“Ano ba iyon? Aatakihin ako sa puso sa ginagawa mong iyan! Reveal mo na!”

“May bagong bukas na factory sa bayan, hindi kailangan ng experience at may mataas na pinag aralan. Basta masipag at mabait, ma-tyaga..pwede na! Naging kaibigan ko iyong may ari, inirekomenda kita!”

Napatakip sa kanyang bibig si Erika, mahal pa rin talaga siya ng Diyos!

“T-Talaga? Teka muna kailan raw ang simula? Ano ang isusuot ko? May uniform ba iyan? Alam ba nila na pumapasok rin ako sa eskwela? Tsaka, may interview ba?” sunud-sunod niyang tanong.

“Walang uniform, oo alam nilang napasok ka kaya flexible ang oras mo tsaka.. wala nang interview. Tanggap kana girl!”

Nagyakap silang dalawa.

“Salamat Anita, hindi mo alam kung gaano ko talaga iniisip ang bagay na iyan. Ang galing mo naman, paano mo naging kaibigan ang may ari?”

Sasagot pa sana ang kaibigan niya nang sumulpot ang kanyang ina. Ibinahagi niya sa ginang ang magandang balita at maging ito ay napatalon sa tuwa.

Mabilis lumipas ang panahon, isang Linggo na lamang ay gagraduate na si Erika. Nagtatrabaho pa rin siya sa factory.

“Ma’am Jane,” tawag niya sa supervisor isang hapon bago sumapit ang uwian sa factory. Abala na nag-aayos ng inventory ang babae.

“Yes, Erika?”

“Itatanong ko lang po sana Ma’am kung kailan po dadalaw ang owner nitong factory? Kasi po, ang laki laki po ng utang na loob ko sa kanya. I mean..part time job lang naman talaga dapat diba? Pero binibigyan pa ako ng financial assistance na malaking tulong talaga sa pag aaral ko.

Ga-graduate na ako Ma’am, hindi ko pa napapasalamatan ng personal iyong may ari. Sa inyo lang po lagi ipinadadaan. Kung.. kung sobrang busy po sila ay pwede namang ako na ang sumadya sa bahay nila, magluluto ang nanay ko ng biko.” wika niya.

“Alam mo kasi Erika, wait-actually ayan yata siya.” biglang sabi nito, napalingon sila pareho sa isang magarang kotseng tumigil sa labas ng factory. Tanaw nila iyon mula sa opisina ng supervisor.

Excited na lumabas si Erika. Nakatayo lang siya sa isang gilid, hinihintay na bumaba ng kotse ang may ari.

Isang magandang babae ang kanyang nasilayan na nagbukas ng pinto ng kotse, ang tangkad nito at nakasuot ng pulang dress. Grabe, ang yaman tingnan!

Pero ang hindi inasahan ni Erika ay nang bumaba ang kasama nitong nagmamaneho. Matagal na panahon ang lumipas pero hindi nagbago ang kagwapuhan, lalo na ang epekto sa kanya. Kay lakas pa rin ng tibok ng puso niya nang makita ang pamilyar na mukhang iyon.

Si Edward.

“I told you bubuksan ko ang pinto ng kotse, kasi isa kang binibini,” biro nito sa babae. Ah, ang baritono nitong boses.

“Cut it off Ed, wag kang aligaga. Mababawasan ang kagwapuhan mo niyan.” balik naman ng dalaga.

Ilang segundong natulala si Erika, bakit ang sakit?

Hindi pala si Scarlet ang nakatuluyan nito, mukhang mas mabait at syempre ay mas maganda ang kasama ni Edward ngayon. Malayong malayo sa kanya, Lord, lalo siyang nagmukhang basahan.

Tatalikod na sana siya hanggang hindi pa siya nakikita ng dalawa nang maramdaman niya ang isang kamay sa kanyang balikat.

Anak ng pitong tupa, katabi niya na ang supervisor na si Ma’am Jane! Lagot!

“Sir, ito po ang isa sa tauhan natin na gusto raw magpasalamat sa inyo.”

Parang bumagal ang oras, gusto ni Erika na maghukay nalang at ibaon ang sarili sa lupa kaysa masdan ang unti unting pagbalik ng ulo ni Edward patungo sa direksyon ng kinatatayuan niya.

“Ama Namin sumasalangit Ka sambahin ang ngalan Mo..” bulong ni Erika sa sarili.

1..2..3…BOOM.

Nagtama ang kanilang mga paningin.

May kung anong emosyon sa mata ni Edward na hindi niya mabasa, nabasag ang katahimikan nang magsalita ang babaeng katabi nito.

“Oh, siya ba?”

Sobra ang kaba sa puso ni Erika, lalo nang maglakad palapit sa kanya ang dalawa. Hindi niya alam ang gagawin, hindi niya kayang pakiharapan ang mga ito kaya isa na lamang ang naisip niya.

Patawarin siya ng Diyos sa pagsisinungaling niyang ito at sana ay gabayan siya ng mga yumaong magagaling na artista.

“Oh my God!” sigaw ng magandang babae nang bigla na lamang tumumba si Erika at nagkikisay. Nakangiwi pa siya at nakatirik ang mata.

Naramdaman niya na lamang ang matitigas na braso ni Edward, binubuhat na siya nito.

Ang lapit lapit ng mukha nito sa kanya at nasasamyo niya ang mabango nitong amoy.

Ayan ka na naman gaga, langit iyan at lupa ka! sigaw ng isip niya.

Nangangalay na siya kakikisay ay buhat pa rin siya nito kaya nagkunwari naman siyang nahimatay. Basta siya lumupaypay.

“May pulso ba?Somebody check!” kinakabahang sigaw ni Edward. Kinapa ni Ma’am Jane ang kanyang pulso.

“Meron naman Sir, ang lakas nga po eh!”

Inilapag siya ni Edward sa clinic ng kanilang factory. Chineck siya ng doctor roon at sinabing baka nahimatay lang siya sa pagod. Hindi makadilat si Erika upang masilip kung may tao pa dahil mahirap na, baka mabuking pa siya. Pinanindigan niya na ang pagtutulug-tulugan.

“Let her rest, pagod ang batang ito. Ang alam rin namin dito ay bukod sa pagtatrabaho, graduating student siya.” narinig niyang sabi ng doctor.

Sumang ayon naman ang mga tao at isa-isang lumabas. Nang marinig ni Erika na wala nang yabag at sumara na ang pinto ay doon siya nagdilat ng mata.

“Hay salamat, Lord naman eh-” pero di niya na naituloy ang sasabihin nang makita kung sino ang nakatayo sa gilid ng kama at titig na titig sa kanya.

Si Edward!

Hindi pala lumabas ito!

“Ano ang gagawin mo, mangingisay ka ulit? Kung alam ko lang, hinalikan nalang sana kita.” sabi nito na pinipigil ang tawa.

Hindi alam ng dalaga ang isasagot, ibinaling niya na lamang sa ibang direksyon ang paningin. Napapitlag pa siya nang biglang hawakan ni Edward ang kanyang kamay.

“Ed- mali. Sir Edward, hindi kita pipiliting maniwala pero alam ko sa sarili ko na wala akong kinukuha sa inyo. W-Wag ho kayong mag alala, hindi naman rin ako naniniwalang minahal ninyo ako kaya wala akong hahabulin tungkol sa relasyon kuno natin. Basta gusto ko lang sana, malinis ang pangalan ko.” wika niya.

“Alam kong wala kang kinukuha, dahil bukod sa kilala kong hindi ka ganoon- na ikaw ang pinakamabuti at mapagmahal sa pamilya na taong kilala ko, may CCTV sa bahay namin. Kitang kita namin nina mama at papa na wala kang kinuha. Ipinamukha namin iyon kay Scarlet.

Nalungkot nga ang dalawa dahil hindi kana bumalik.” wika nito. Hinimas himas pa ang kanyang palad.

Biglang tumayo si Erika nang maalalang may kasama nga pala ito! Binawi niya ang kamay sa pagkakahawak ng binata.

“P-Pero hindi ibig sabihin ay pwede ninyo na akong hawakan ng ganyan! Hindi ninyo na ako katulong, hindi ninyo na ako mapaglalaruan at mapapaniwala sa peke mong pag ibig.” matapang na sabi niya.

Bumuntong hininga si Edward, “Erika. Nang umalis ka sa amin noong gabing iyon ay nasaktan ako. Mahirap isipin pero minahal kita talaga. Kaya lang, alam kong marami kang pangarap at ang nagmamahal ay umuunawa. Hell, Erika, hindi ko naman kailangan itong factory na ito pero ipinatayo ko para lang mapalabas ko sayo na may trabaho ka at hindi kana namamasukan sa amin.

This is my way of helping you. Kinasabwat ko si Anita, para sabihin na tanggap kana. Para makapagtapos ka at matupad ang gusto mo sa buhay, hinintay kita. Nagtiis akong tumatanaw mula sa malayo. Erika, ngayon ba, nagdududa kapa sa pag ibig ko?”

Nandilat ang mata ng dalaga, hindi niya akalain na gagawin nito iyon para sa kanya! Nang hindi siya sumagot ay laglag ang balikat ni Edward na tatalikod na sana.

“E-Edward, eh sino iyong kasama mo?” nakangusong wika niya.

Pagkarinig noon ay nagliwanag ang mukha ng binata at mabilis siyang nilapitan, tapos ay niyakap.

“Ang baby ko, selosa. Hindi ba nabanggit ni mama at papa na may ate ako sa Amerika?” natatawang wika nito. Hindi na nakapagsalita pa si Erika dahil hinalikan na siya ng lalaki.

Tama si Edward, ang tunay na pag ibig ay naghihintay at umuunawa. Hindi maramot, hindi naiinggit. Hindi mapag-imbot.

Ngayon ay kasal na sila at masayang namumuhay kasama ng dalawa nilang anak.

Advertisement