Inday TrendingInday Trending
Ang Suwerteng Hatid Kay Lyka

Ang Suwerteng Hatid Kay Lyka

Maagang pumasok sa trabaho si Lyka kahit pa namumugto ang kanyang mga mata dahil kalalabas lang niya sa ospital. Nang nagdaang gabi ay isinugod niya doon ang kanyang anak dahil inatake na naman ito ng matinding hika. Mabuti na lamang at naging mabuti na ang kalagayan nito kaya nakapasok siya sa araw na iyon. Sayang din kasi ang kikitain niya sa restaurant na pinagtatrabahuhan. Pinakiusapan muna ni Lyka ang kanyang ina para bantayan ang anak.

Habang nagpe-prepara para sa pagbubukas ng restaurant ay tinawag sila ng kanilang supervisor at may sinabi ito sa kanila.

“Makinig kayo, may bagong empleyado kayong makakasama ngayon kaya kayo na ang bahala sa kanya. Turuan niyo siya kung paano ang mga gawain dito sa restaurant. Naiintindihan niyo ba?” tanong nito.

“Okay po sir!” sabay-sabay na sagot ng mga empleyado kasama si Lyka.

Mayamaya ay nilapitan siya ng kasamahan niyang si Janet.

“Mabuti naman at nagdagdag sila ng tauhan dito, para mabawas-bawasan naman ang trabaho natin,” bulong nito sa kanya.

“Oo nga e. Pero may ideya ka na ba kung sino ang bagong empleyado?” aniya.

Umiling ang babae. “Hindi pa nga, e! Naririnig ko lang na isa siyang lalaki pero hindi ko alam kung ano ang pangalan pero sana guwapo para magkaroon naman ako ng inspirasyon habang nagtatrabaho. Puro gurang at napaglipasan na kasi ng panahon ang mga lalaking empleyado dito, e,” wika ng babae.

“Ikaw talaga, basta guwapo diyan ka magaling!” natatawang sabi ni Lyka sa kasama.

Alas otso ng umaga nang ipakilala sa kanila ng supervisor ang bago nilang makakasama.

“Mga kasama, narito na siya. Siya si Dino ang bago niyong kasama dito.”

“Nariyan na siya friend! P-pero bakit may edad na? Buti at tinaggap pa iyan ni Sir Jobert,” wika ni Janet.

Matapos ipakilala ang bagong tauhan ay tinawag ng supervisor si Lyka.

“Lyka, Lyka halika muna rito!” anito.

“Bakit po sir?”

“Gusto kong turuan mo itong si Dino sa lahat ng mga dapat niyang matutunan dito sa restaurant. Dapat ay makapasa tayo sa evaluation para walang maalis sa atin,” sabi ni Janet.

Nabalitaan kasi nila na magbabawas daw ng empleyado ang may-ari ng kumpanya.

“H-huwag po kayong ma-alala at ako ang bahala rito kay Kuya Dino,” nakangiting wika ng dalaga.

Nang makaalis ay agad niyang itinuro sa lalaki ang mga gagawin nito sa araw-araw ngunit imbes na makinig ay nakipagkuwentuhan ito sa kanya.

“Bago tayo magsimula ng mga gagawin, napansin ko lang na parang mayroon kang dinaramdam? Masama ba ang pakiramdam mo?” pag-uusisa nito sa kanya nang mapansin nito ang kanyang pananamlay.

Dahil panatag at magaan ang loob niya sa bagong empleyado ay hinayaan niya ang sariling magkuwento.

“Nagkasakit po kasi ang anak ko, e. Isinugod ko siya kagabi sa ospital dahil sinumpong na naman siya ng hika. Dapat nga po ay hindi ako papasok ngayon, gusto ko pong alagaan sa bahay ang anak ko. Kaso hindi ako pinayagan ng supervisor natin,” aniya sa kausap.

“Kumusta naman ang pamamalakad ni Mr. Cirilo bilang supervisor?” kasunod na tanong lalaki.

“Okay naman siyang makisama pero pagdating sa simpleng hiling ng kanyang mga nasasakupan ay hindi man lang niya mapagbigyan. Kaya po iyong ibang empleyado ay kusa na lang umaalis sa restaurant. Kung ako naman ang tatanungin ay ayokong umalis dito. Natatandaan ko po kasi na ito lang ang tanging tumanggap sa akin at nagbigay sa akin ng hanapbuhay noong mga panahon na hirap na hirap akong makahanap ng mapapasukan mula nang magsara ang dati kong pinagtatrabahuhan. Kaya po hangga’t kaya ko pang magtrabaho at pagsilibihan ang restaurant na ito ay hinding-hindi ako kailanman aalis,” hayag ni Lyka.

“Napakasuwerte naman ng may-ari ng restaurant na ito dahil mayroon kagaya mo na mahal ang kanyang trabaho. Hayaan mo at mabibiyayaan din ang mga sakripisyo mo,” wika ng lalaki.

Nang sumunod na araw ay ipinatawag siya ng kanyang supervisor dahil gusto raw siya nitong makausap.

“Magandang araw, Ms. Centeno. Narito ako dahil gusto kong malaman mo na pinatatawad na kita sa ginawa mong pagsusumbong sa akin kay boss. Ang akala ko ay magagalit siya sa akin ngunit kinausap lang niya ako na sa uulitin ay huwag na akong maging mahigpit sa inyo,” bunyag ng supervisor.

“P-paano niyo nalaman ang tungkol doon?” gulat niyang tanong rito.

“Ang totoo niyan ay ang ipinakilala ko sa inyo kahapon na bagong empleyado na si Dino ay hindi talaga totoong empleyado at hindi rin Dino ang pangalan niya, siya si Mr. Charles Buenaflor at siya ang may-ari nitong restaurant. Siya ang ating boss.,” bunyag ng kausap.

“Ugali na niya ang magpanggap at makihalubilo sa mga empleyado na may matinding determinasyon sa trabaho kaya gusto kong ipaalam sa iyo na ikaw ang napili niyang tulungan. Mula sa araw na ito ay hindi ka na pangkaraniwang empleyado dahil na-promote ka bilang Assitant Manager. Nirebyu namin ang performance mo ng buong taon at nakapagdesisyunan namin na bigyan ka na ng mas mataas na posisyon,” pahabol pa ni Mr. Cirilo.

Hindi makapaniwala si Lyka na ang taong pinaghingahan niya ng sama ng loob ay siya palang may-ari ng restaurant. Napagtanto niya na napakalaki pala ng puso ng kanilang boss sa mga kagaya niyang simpleng manggagawa.

Advertisement