Inday TrendingInday Trending
Isang Kahig, Isang Tuka

Isang Kahig, Isang Tuka

Lumaki sa hirap si Jerome. Nakatira lamang sila ng kanyang pamilya sa isang maliit na bahay-kubo. Tricycle driver lang ang kanyang ama at wala namang trabaho ang kanyang ina. Pangatlo siya sa kanilang walong magkakapatid.

Mabuti na nga lang at may maliit silang lupain na kahit papaano ay napagtataniman nila ng mga gulay. Dito nila kinukuha ang kanilang inuulam at bumibili nalang ng bigas gamit ang perang naiiuwi ng amang si Mang Hector. Kulang kasi talaga ang kinikita nito sa araw-araw para sa kanilang mag-anak.

Minsan, kapag hindi nakakapagpasada si Mang Hector at wala din silang maani sa kanilang mga pananim, nangungutang na lamang sila sa tindahan nila Aling Nina.

At dahil nga sa hirap ng buhay nila ay kinakailangan niyang tumigil sa pag-aaral at magtrabaho para makatulong sa kanyang pamilya. Pero kahit papaano ay nakapagtapos din naman siya ng high school.

Nag-apply bilang isang security guard sa isang kompanya si Jerome. Malaki naman ang katawan at malakas din siya dahil sanay sa pagbabanat ng buto, kaya naman agad siyang natanggap sa kompanyang ina-applyan.

Hindi nagtagal ay may nakilalang dilag si Jerome na nagtratrabaho din sa kompanyang kanyang pinagtratrabahuan. Maganda at mabait si Denny kaya naman ay nahumaling sa kanya ang binata. Ilang buwan ding niligawan ni Jerome si Denny na kalaunan ay sinagot din naman agad ng dilag.

Makalipas lamang ang ilang buwan, nabuntis ni Jerome si Denny. Agad silang nagpakasal at nagsama bilang mag-asawa. Masaya silang dalawa kahit na mahirap lang ang buhay nila. Pinatigil na ni Jerome si Denny sa pagtratrabaho dahil malapit na rin ang kabuwanan nito. Plano niya ding siya nalang ang kakayod para sa kanyang pamilya.

Dumating ang buwan ng Hulyo at nanganak na nga ang asawa ni Jerome na si Denny. Napakasaya nila ng makita ang kanilang unang anak.

“Ipinapangako ko sayo anak, hindi mo mararanasan ang hirap na dinanas ko. Gagawin lahat ng tatay para mabigyan ka ng maginhawang buhay,” puno ng emosyong saad ni Jerome habang pinagmamasdan ang anak.

Handang gawin ni Jerome ang lahat para mabigyan ng maginhawang buhay ang kanyang asawa at anak. Ayaw niyang mararanasan na hindi kumain sa isang araw gaya nilang magkakapatid noon. Magsusumikap siya para sa kanyang pamilya.

Naisipan ni Jerome na sumubok mag-apply sa isang call center. Tumatanggap naman daw ito ng mga high school graduates kaya naisipan niyang subukan ang kanyang swerte.

Hindi man ganun katalino si Jerome, pero sobrang sipag at madiskarte naman siya. Sinubukan niyang mag-apply sa iilang BPO Company pero hindi siya pinapalad. Pero hindi siya pinaghinaan ng loob, mas lalo pa siyang nagpursigi.

Inaral niya talagang magsalita ng inggles, nagbasa siya ng ilang libro at pilit na ginaya ang mga idolong banyaga sa Amerika bago sumabak ulit sa pag-aaplay. Handang gawin lahat ni Jerome mabigay lamang niya ang pangakong buhay sa asawa’t anak. Wala siyang balak na sumuko hanggang sa marating niya ang tagumpay.

Matapos lamang ang isang buwan, sinubukan ulit ni Jerome na mag-aplay. Alas-nuwebe na nang gabi pero hindi pa rin tinatawag ang kanyang pangalan. Kanina pa siyang mga ala-sais natapos sa kanyang huling interbyu. Hindi niya maiwasang panghinaan ng loob. Ngunit kahit na ganun ay umaasa pa rin siya. Hindi siya susuko. Tatatagan niya ang kanyang loob para sa kanyang pamilya.

Makalipas ang ilang sandali ay tinawag na nga ang kanyang pangalan.

“Mr. Jerome Cruz?” tawag ng isang babae sa pangalan niya. Agad namang tumayo si Jerome at lumapit dito.

“Yes, ma’am?” sagot ni Jerome sa babae.

“Congratulations! Can you start next week?” nakangiting pahayag ng babae kay Jerome habang inilalahad ang kamay nito at binigyan siya ng mga papeles.

“Of course ma’am. Thank you!” tuwang-tuwang pasasalamat ni Jerome sa babae. Umuwing masaya si Jerome dahil sa dalang magandang balita. Pagkarating niya sa bahay nila ay tulog na ang kanyang mag-ina.

Tumabi naman siya sa asawa at hinalikan ito sa noo. Ganun din sa kanyang munting anghel. Napakasaya niya talaga dahil pakiramdam niya ay ito na ang simula ng pagtupad niya sa kanyang mga pangako sa kanyang mag-ina.

Makalipas ang isang linggo ay nagsimula na ngang pumasok sa kompanyang pinagtratrabahuan si Jerome. Pinagbutihan niya talaga ang trabaho kaya naman makalipas lamang ang isang taon ay agad din naman siyang na-promote. Natupad niya ang pangakong binitawan sa kanyang mag-ina. Guminhawa ang kanilang buhay dahil na rin sa patuloy na pagsisikap ni Jerome.

Kailanman ay wala tayong magagawa kung sino o ano tayo paglabas natin dito sa mundo. Hindi natin makokontrol kung ipapanganak tayong mayaman o mahirap. Pero hindi ibig sabihin nun, wala na tayong magagawa sa kinabukasan natin. Pakakatandaan na hawak natin ang ating kapalaran.

Gaya na lamang ni Jerome na hindi nagpatalo sa pagsubok ng buhay at pinilit na umahon sa hirap para sa kanyang pamilya. Nawa’y huwag tayong panghinaan ng loob at wag sana tayong mawalan ng pag-asa. Sapagkat habang may buhay, may pag-asa.

Advertisement