Palibhasa’y lumaki sa marangyang buhay at sanay na pinagsisilbihan ng mga tao sa kanyang paligid, kaya lumaking matapobre si Samantha. Mapangkutya at nang-aalispusta sa mga taong mas nakakababa ang antas ng pamumuhay sa kanya.
Isang kilalang negosyante ang kanyang mga magulang sa buong Asya. Napakarami nilang nakatayong negosyo sa food industry. Magmula sa mga prinosesong pagkain hanggang sa mga malalaking restawran. Kaya naman sobrang yaman talaga ng kanilang pamilya.
“Oh ito, labhan mo itong damit ko kasi kailangan ko yan bukas din,” itinapon ni Samantha ang kanyang hawak na damit sa mismong mukha ng katulong.
Napapikit naman si Monica nang dumapo sa kanyang mukha ang maruming damit. Sa tahanang iyon na lumaki si Monica kasama ang kanyang inang si Aling Tina. Tinulungan sila ng mag-asawang Lily at James, mga magulang ni Samantha noon wala na silang mapuntahan, dahil tinakasan nila ang kanyang tatay. Wala na kasing ginawa ito kundi uminom at bugbugin sila ng kanyang ina. Kaya naman nang hindi na nila makayanan, tumakas na sila.
Mabuti na lamang at nakita sila ni Ma’am Lily na kababata pala ng Nanay Tina niya. Hindi rin galing sa marangyang pamilya si Ma’am Lily. Pareho lang silang nakatira sa may Tondo noon ng kanyang Nanay Tina.
Ang pinagkaiba nga lang ay agad na nag-asawa ang kanyang ina. Samantalang nagsumikap naman si Lily hanggang sa nakapagtapos ito at sinuwerte sa asawang negosyante.
Matalino at madiskarte si Lily, siya ang sekreto kung bakit lumago ang mga negosyo ng kanyang asawa. Siguro dahil galing din sa kahirapan, kaya mabait at marunong rumespeto si Lily sa kanyang mga kapwa.
Hindi siya tumitingin sa estado ng pamumuhay ng isang tao. Pantay-pantay niya kung ituring ang lahat sa kanyang paligid. Kaya naman ay tunay na hinahangaan ni Monica si Ma’am Lily.
Ngunit, kabaliktaran naman nito ang kanyang nag-iisang anak na si Samantha. Hindi mawari ni Monica kung bakit ganun na lamang ang pinagkaiba ng mag-ina. Napakasama kasi ng ugali ng dalaga, matapobre at mapang-alipusta ito sa mga taong mas mababa ang estado sa buhay.
Ganunpaman, hindi na lamang ito pinapatulan ni Monica. Bilang pagtanaw na rin ng utang na loob sa mga magulang nito sa ginawang pagtulong at pagkupkop sa kanila.
At isa pa, medyo naaawa din siya sa dalaga dahil halos hindi nito nakikita ang sariling mga magulang dahil parati itong mga abala sa pag-aasikaso sa kanilang mga negosyo sa loob at labas ng bansa. Kaya siguro lumaking ganun si Samantha, dahil kulang sa atensyon at pagmamahal ng sariling mga magulang.
“Mommy, kailangan niyo ba talagang umalis? Birthday ko na sa isang araw. Ano iyon mag-isa lang ako sa birthday ko? Uunahin niyo na naman ni Dad yung mga negosyo niyo kaysa nag-iisa niyong anak?” nagtatampong saad ni Samantha sa inang si Lily. Kaarawan niya na kasi sa isang araw pero aalis pa rin ang kanyang mga magulang para magtungo sa Amerika dahil plano nilang magtayo rin doon ng panibagong restawran.
“Anak, wag ka ng magtampo. Pangako, hahabol kami sa birthday mo. Babalik kami sa mismong birthday mo at sama-sama tayong magce-celebrate,” niyakap naman siya mahigpit ng kanyang ina.
“Mahal, tara na at baka maiwan pa tayo ng eroplano,” tawag ni James niya sa kanyang asawa. Lumapit sa kanya ang mga magulang at saka yumakap.
“Wag kang mag-alala anak, babalik kami sa mismong kaarawan mo,” wala namang nagawa si Samantha kundi umasa at maghintay. Nananalangin na sana matupad ng mga magulang ang pangakong binitawan.
Dumating ang araw ng kaarawan ni Samantha ngunit hindi nakadating ang kanyang mga magulang. Masamang-masama ang loob ni Samantha dahil napako na naman ang mga pangako nito.
“Sam! Sam!” Tawag ni Monica sa kanya habang malakas na kumakatok sa kanyang kwarto.
“Ano ba?! Ngayon ka lang ba nakakita ng pinto at ganyan ka kumatok?! Kahit kailan talaga ang b*bo mo!” sigaw ng dalaga sa kawawang katulong.
Sanay na si Monica na mapagsalitaan ng ganun kaya naman hindi niya na ito pinansin at nagpatuloy sa paghatid ng masamang balita.
“Sam, wag kang mabibigla,” saad niya sa dalaga. Tinaasan lang siya ng kilay ni Samantha. Huminga muna siya ng malalim bago sabihin dito ang masamang balitang dala.
“Naaksidente ang eroplanong sinasakyan nila Ma’am Lily at Sir James. Bumagsak ito mga anim na oras na ang nakakalipas, at nasa listahan ng mga hindi nakaligtas ang mga magulang mo,” mangiyakngiyak na saad ni Monica kay Samantha.
Para namang nabingi bigla si Samantha sa narinig. “Ano? Pakiulit nga ng sinabi mo? Baka naman nagkamali lang ako ng dinig,” hindi makapaniwalang tanong niya kay Monica.
“Wala na sila Ma’am at Sir, Sam!” niyakap siya ni Monica at humagulhol ng iyak. Hindi alam ni Samantha kung bakit pero hindi niya magawang maniwala. Masamang biro ba ‘to? Tanong niya sa loob-loob niya. Kaarawan niya ngayon tapos ganito?
Dumating ang iba pang mga kamag-anak ni Samantha at kinompirma nga ang pagkawala ng kanyang mga magulang. Hindi ito matanggap ng dalaga at walang humpay na umiiyak araw-araw.
Sinisisi kasi ng dalaga ang kanyang sarili kung bakit nawala ang kanyang mga magulang. Kung sana hindi niya kinulit ang mga ito na umuwi sa kanyang kaarawan ay sana ay buhay pa ang mga ito.
“Lumayas kayo! Magsilayas kayo!” pinagtatapon ni Samantha ang mga gamit nila Monica at Aling Tina sa labas ng kanilang bahay.
“Parang awa mo na Sam, patawarin mo ako. Hindi sinasadya ni nanay na matapunan ka ng kape. May sakit pa si nanay kaya please, wag mong gawin sa amin ito, parang awa mo na,” pagmamakaawa ni Monica sa dalaga. Ngunit ngumiti lamang ito.
“Pasensya na rin pero hindi ako marunong maawa sa mga basura. Magsilayas kayo! Guards! Palabasin nga ang mga hampaslupang ito!” pagtataboy ni Samantha sa mag-ina.
Lumipas ang ilang taon at unti-unting nalugi ang mga negosyong itinayo ng mga magulang ni Samantha. Naghirap si Samantha at kinakailangang maghanap ng trabaho.
Hindi sanay sa magtrabaho ang dalaga kaya naman parati itong pumapalpak at nasisisante sa trabaho. Dun naranasan ni Samantha ang masigawan, mapagsalitaan ng masama at mamura. Wala naman siyang magawa dahil kailangan niyang magtrabaho kundi sa kalsada siya pupulutin.
Hanggang sa isang araw ay nag-aplay siya sa isang kilalang kompanya. Nagbabakasali lang naman siya at baka matanggap siya doon. Pagkatapos ng ilang interviews, pina-akyat siya sa mismong oposina ng may-ari ng kompanya. Kinakabahan tuloy siya.
Pagkarating niya doon ay agad naman siyang pinapasok ng sekretarya sa loob.
“Uhm… Good morning po,” bati niya sa nakatalikod na babae sa kanyang harapan. Humarap naman ito ng marinig ang boses niya. Laking gulat ni Samantha ng makilala kung sino ang babaeng ito. Si Monica! Ang dati niyang katulong na si Monica!
“So, Samantha Ramirez, long time no see,” hindi makitaan ng emosyon ang mukha ni Monica habang nakatingin sa mata ni Samantha. Para namang naparalisa si Samantha sa gulat.
“M-Monica?” nauutal niyang tawag sa dating katulong. Ngumiti naman si Monica at nilapitan ang dating amo.
“Ako nga. Ang dati mong katulong na pinalayas mo,” walang emosyong pahayag ni Monica. Biglang nakaramdam ng kaba si Samantha sa mga sinabi ng kaharap. Parang nakaramdam siya ng takot.
“K-kumusta? S-si Aling Tina, k-kumusta din?” nauutal na sagot ni Samantha. Biglang nagdilim ang mukha ni Monica.
“Si nanay? Wala na siya? Binawian siya ng buhay sa kalsada ilang araw matapos mo kaming palayasin dahil lamang sa natapunan ka ng kape ng kawawa at may sakit kong ina,” wala pa ring emosyong saad ni Monica sa kanya. Nanlamig bigla si Samantha sa kanyang nalaman. Umupo naman si Monica sa kanyang upuan bago nagpatuloy sa pagsasalita.
“Nawala ang aking ina dahil sayo. Dahil sa walang kwentang dahilan ng galit mo,” kinakain na ng konsenya niya si Samantha. Gusto niyang humingi ng tawad sa mag-ina.
“P-patawarin mo ako Monica, hi-hindi ko alam,” nauutal at nanginginig na paghinigi ng tawad ni Samantha kay Monica. Tumango-tango lamang si Monica sa sinabi ni Samantha.
“Wag kang mag-alala Samantha, hindi ka pa man humihingi ng tawad, pinatawad ka na ng nanay ko. Sa katunayan, hanggang sa huling pagkakataon ay ikaw ang iniisip niya,” nagulat si Samantha ng biglang ngumiti si Monica.
“Nangako ako sa nanay ko na sa oras na magtagpo ulit ang ating mga landas at kailanganin mo ang tulong ko, buong puso kong ilalahad ito. Bilang ganti sa tulong na ibigay ng iyong yumaong mga magulang sa amin noong mga panahong kinakailangan din namin ng tulong,” paliwanag ni Monica.
“Hindi ko maintindihan. Bakit? Hindi ba dapat ay kinakasuklaman mo ako?” Naguguluhang tanong niya kay Monica.
“Aaminin ko, noong una ay puro galit at suklam ang nararamdaman ko para sayo. Pero ipinangako ko sa aking ina na ano man ang mangyari ay hindi ako magtatanim ng galit o suklam sa puso ko.
Hindi ako magpapaalipin sa paghihigante. Hindi ko ikukulong ang sarili ko sa galit dahil lamang sa mga bagay sa nakaraan. Wala na rin naman tayong magagawa kundi tanggapin na lamang ito. Kaya pinili kong magpatawad,” tiningnan niya si Samantha sa kanyang mga mata at sinserong sinabi,”Pinili kong patawarin ka.”
Bigla namang tumulo ang mga luha sa mga mata ni Samantha. Hindi siya makapaniwala sa kabutihang loob ng dating katulong na inaalipusta niya. Nilapitan siya ni Monica at niyakap habang siya ay umiiyak.
At bilang pagtupad sa pangako niya sa yumaong ina, tinulungan ni Monica si Samantha na makaahon sa buhay. Naging matalik silang magkaibigan at naging magkaramay sa buhay. Pinili na lamang nilang kalimutan ang nakaraan at nagsimulang muli.
Ang tanging sikreto sa matagumpay at masayang buhay ay ang matutong magpatawad sa mga nagawa kasalanan sa’tin ng ibang tao. Minsan, galit lamang ang siyang dahilan kung bakit nagiging mabigat at matagal ang ating pag-usad.
Image courtesy of www.google.com