Nagsisimula palang ang pasukan sa kolehiyong napiling pasukan ni Kiel. Ito ang pinaka kilalang unibersidad sa kanilang lugar. Halos lahat ng nag-aaral dito ay puro mayayaman. Pero hindi naman lahat, gaya niya na isang iskolar doon.
Ordinaryong tao lamang si Kiel. Simple, ika nga ng iba. Tahimihik lamang siya at madalas makitang may hawak na libro at nasa library, kaya naman madalas siyang matawag na weirdo o suplado.
Hindi siya mahilig makipag-usap sa ibang tao kaya naman wala rin siyang kaibigan. Pero ayos lang yun sa kanya, kasi hindi niya din naman ugaling gugulin ang oras niya sa mga walang kwentang bagay tulad ng pakikipagkilala kung kani-kanino.
Maaring napaka-importante ng bagay na iyon sa ibang tao, ngunit hindi para kay Kiel. Para sa kanya, pag-aaksaya lamang ng oras iyon. Nakabuhos kasi lahat ng kanyang atensyon sa pag-aaral. Wala nang ama sila Kiel kaya naman bilang nakatatandang anak, siya na lang ang inaasahan ng kanyang ina at mga nakababatang kapatid na susuporta sa kanila pagdating ng panahon. Hindi siya pwedeng mabigo.
Nagsimulang magbago ang mundo ni Kiel nang niya si Misha. Ang makulit at maingay na presidente ng kanilang department.
Ito ang masasabing kabaliktaran talaga ni Kiel. Tahimik at hindi umiimik si Kiel, samantalang si Misha naman ay minsan mo lang makikitang tahimik, dahil palagi itong nakatawa. Suplado at hindi marunong makisama ang binata, napaka palakaibigan naman at halos lahat ay gusto ang dalaga.
Maganda, matalino at nanggaling sa kilalang pamilya si Misha. Napakabait, palakaibigan at aktibo sa lahat ng mga aktibidades sa kanilang paaralan. Kaya naman hindi nakapagtataka na sikat at gusto siya ng lahat. Pero sa kabila ng taglay niyang magagandang katangian, hindi siya kailanman nagmalaki.
Noong unang beses na magkasama, nakaramdam si Kiel ng pagkairita sa dalaga, dahil hindi siya nito tinatantanan at pilit na pinapasali sa isang kaganapan sa paaralan. Isa daw kasi siya sa mga napili nitong magrerepresenta sa kanilang departamento.
At dahil nga para kay Kiel, pag-aaksaya lang ng oras ang mga ganyang bagay, ilang beses niya itong tinanggihan. Pero pinaglihi ata sa kakulitan ang dalaga at talaga namang hindi marunong makaintindi ng salitang “hindi”. Hindi talaga siya nito tinatantanan hanggang sa mapapayag din siya.
Araw-araw ay sinusundan siya ng dalaga kung nasaan man siya para kulitin, kaya naman nagsisimula na silang tuksuin ng kanilang mga kaklase na talaga namang nagpapairita sa kanya. Isang araw ay hindi na nakayanan pa ng binata at nasigawan niya si Misha.
“Ano ba?! Hindi ka ba talaga marunong makaintindi ng hindi?” sigaw ni Kiel sa dalaga. Napaatras naman si Misha sa gulat dahil sa biglaang pagsigaw ng binata.
“Pwede ba? Layuan mo na ako! Sobrang nakakairita ka na!” galit na asik pa ni Kiel bago tuluyang iniwan si Misha sa labas ng classroom nila.
Sobrang nagulat si Misha sa ginawang pagsigaw si Kiel sa kanya. Buong buhay niya ay ngayon lamang siya nasigawan. Napatingin siya sa likod niya at nakitang pinagtitinginan siya ng mga kaklase nila. Naiiyak na siya sa naghahalong hiya at sakit na nararamdaman.
Matapos ang pangyayaring iyon ay hindi na kinulit pa ni Misha si Kiel. Iniwasan niya talaga ito. Hindi naman alam ni Kiel kung bakit pero parang hinahanap-hanap niya na ang pangungulit ng dalaga. Nakokonsensya din siya sa nagawa dito at gustong humingi ng tawad kaso ay napangungunahan siya ng takot at hiya.
Dumating ang araw ng kompetisyon, laking gulat nalang nilang lahat nang makitang dumalo doon si Kiel. Hindi siya kinausap ni Misha at diretso lamang umakyat sa stage para irepresenta ang kanilang departamento.
Sa kabutihang palad, nanalo ang kanilang departamento sa patimpalak. Pagkababa ng entablado, agad na hinanap ni Kiel si Misha.
Nakita niya itong natayo sa may gilid ng stage na may malaking ngiti sa labi. Tumakbo ang dalaga papalapit sa kanya at sabay yumakap ng mahigpit na siya namang ikinagulat ng binata.
“Thank you! Thank you! Sabi ko na nga ba, hindi ako nagkamali sayo,” mangiyak-ngiyak na saad ng dalaga habang nakayakap pa sa gwapong binata.
“So, pinapatawad mo na ako?” tanong niya sa dalaga. Bimitaw naman agad ang dalaga sa yakap at napatingin sa kanya.
“Ha? Nag sorry ka ba? Parang wala naman akong narinig,” sagot naman ni Misha sa binata. Nagulat naman ulit ang dalaga ng hawakan ng binata ang kanyang mga balikat at pinaharap siya rito.
“Ito na yun. Ito na ang sorry ko,” biglang may kakaibang naramdaman si Misha sa sinabing iyon ng binata habang nakatingin sa kanyang mga mata.
“Pero just in case gusto mo talagang marinig, here goes. Misha, I’m sorry,” sinserong paghingi ng paumahin ni Kiel.
“Yieee! Get a room!”
“OMG, I can’t breathe!”
“Kakilig oh!” kantyaw ng mga kamag-aral nila.
Nagkumpulan ng tukso ang mga kaklase nila na kanina pa pala sila pinapanood. Bigla namang nailang ang dalawa at agad na napaatras palayo sa isa’t isa. Di tuloy nila magawang magkatinginan.
Simula ng araw na iyon ay mas napalapit ang dalawa sa isa’t isa. Naging ganap na magkaibigan sila at parati na silang magkasama. Unti-unting nagbago si Kiel. Natuto na siyang makipagkaibigan at makisalamuha sa ibang tao.
Di rin nagtagal, nahulog ang loob nilang dalawa sa isa’t isa. Masaya sila at hindi man nila lantarang aminin, alam nilang dalawa na umiibig sila sa isa’t isa.
Dumating ang araw ng pagtatapos at sa harap mismo ng mga magulang ni Misha, hiningi ni Kiel ang basbas ng mga magulang ng dalaga para pormal na ligawan ito. Tumagal ng ilang buwan ang panliligaw ni Kiel na kinalauna’y sinagot ng matamis na matamis na “oo.”
Lumipas pa ang ilang taon at pagkatapos ng napakaraming pagsubok, kinasal din ang dalawa at biniyayan ng tatlong anak. Nakapagpatayo sila ng kanilang sariling kompanya at namuhay ng maginhawa.