Excited pumasok sa trabaho si Johnny. Ang totoo, mas gusto niya ang byahe kaysa sa mismong pagpasok sa opisina. Alas-singko ng umaga ang lagi niyang pag-alis sa bahay, upang makarating kaagad sa himpilan ng FX na malapit sa kanila. Ang dahilan? Makasasabay na naman niya ang kursunada niyang babae na si Lorraine.
Si Lorraine, na isang nurse sa pampribadong paaralan, ay nagtataglay ng mga matang singkit subalit nangungusap. Maputi at makinis ang kanyang balat, mahaba ang buhok, hindi katangkaran subalit naiiba ang tindig at karisma.
Matagal na niyang gustong makipagkilala sa kanyang natitipuhang babae, subalit wala siyang lakas ng loob upang gawin iyon. Natotorpe siya. Tila ba umuurong ang kanyang dila.
May kung ilang beses na rin niyang tinangkang i-add ito sa Facebook at Instagram, subalit sa tuwing pipindutin niya ang “Add” button, dumadaan ang daga sa kanyang dibdib. Ewan ba niya, pakiramdam niya’y hindi siya karapat-dapat para dito. Hindi siya nagagwapuhan sa kanyang sarili, kahit maraming nagsasabi na kamukha niya si Eric Fructuoso.
Hindi lang siya sigurado kung saan nakatira ang babae. Ngunit iisa lamang ang tiyak niya: magkalugar lamang sila. Una niyang nakita si Lorraine sa himpilan ng FX kung saan din siya sumasakay, dahil lagi niya itong nakakasabay.
Lagi itong umuupo at pumupwesto sa bandang gitna, habang siya, si “Torpe”, ay sa likuran naman. Kontento na siyang sulyap-sulyapan ang simpleng kagandahan ng dalaga mula sa malayo.
Araw-araw ngang nakakasabay ni Johnny ang dalaga. Subalit ni isa sa mga araw na iyon ay hindi niya tinangkang makipagkilala. Natatakot kasi siya na baka tanggihan siya nito. Traumatic para sa kanya ang rejection, lalo na’t mismong ama niya ang gumawa nito sa kanilang mag-ina. Pinalaki siya ng isang single mom.
Hanggang sa isang araw ay tinangka niyang maglakas-loob na makipagkilala kay Lorraine. Bigla lang niyang naisip. Bahala na, usal niya. Wala namang mawawala kung susubukin niya. Hindi naman siguro makakabawas sa pagkalalaki niya kung hindi siya nito papansinin.
Subalit ang pagtatangkang makipagkilala kay Lorraine ay tuluyang naglaho, nang isang umagang pumasok ito sa trabaho ay may kasamang isang batang lalaki, estudyante, na nasa anim na tanong gulang. Hindi lang siya sigurado kung sino ito sa buhay ni Lorraine. Kapatid? Pamangkin? O anak? May asawa na kaya siya?
Tuluyan nang nailang si Johnny sa planong pakikipagkilala kay Lorraine. Isinantabi na niya ito. Winaksi niya sa sarili. Naisip niya rin, sa ganda nito, maaaring may boyfriend na ito, o kaya’y asawa. Hindi niya pa ito lubos na kilala. Maaaring nasa malayo ang boyfriend nito, o may asawang OFW.
Isang umaga, nagulat na lamang sila dahil wala ang mga FX sa terminal. Tigil-pasada pala sila bilang bahagi ng kanilang welga. Hindi siya pwedeng mahuli. Minabuti na lamang ni Johnny na mag-book ng sundo sa Grab. Nang dumating ang kinuhang sasakyan, nasulyapan niya si Lorraine na nakatingin sa kanya. Naabala na rin ito dahil madalang ang sasakyan sa kanilang lugar.
Lakas-loob niyang kinausap ang dalaga.
“M-miss, gusto mo bang sumabay sa akin? Dadaan kami sa Quirino Highway. Doon din ang daan mo diba?” alok ni Johnny kay Lorraine. Alam niya kung saan ito bumababa.
“Pwede ba, kuya? Pasensya na. Wala kasi akong internet ngayon kaya hindi ako makapagpa-book,” sagot ni Lorraine.
“Oo naman. Walang kaso, Miss.”
Sumakay na sina Johnny at Lorraine sa loob ng sasakyan. Kumakabog ang dibdib ni Johnny. Hindi siya makapaniwalang sila lamang ni Lorraine ang nasa loob ng sasakyan, wala ang ibang mga pasahero, at magkatabi sa upuan.
Habang namamaybay na sa kahabaan ng daan ang Grab, binasag ni Lorraine ang katahimikan.
“Grabe yung nangyari ngayon no? Ang laking abala. Buti na lang kuya nariyan ka. Lorraine nga pala,” saka inilahad ang kanyang kamay.
Nanlalamig man ang kamay, nakipagdaupang-palad si Johnny sa dalaga. Para siyang mahihimatay sa kilig at kaba!
“Johnny pala.”
“Salamat, Johnny ah? Madalas kitang nakakasabay, hindi ba?”
“Oo, madalas nga,” tugon ni Johnny. Dahil sa napakagandang ngiti ni Lorraine, nawala ang kanyang kaba. Halos tumagal din ang kanilang pag-uusap, hanggang sa makarating na sila sa Quirini Highway kung saan pareho silang bababa.
“Ako na muna ang magbabayad since ako naman ang kumuha ng Grab,” sabi ni Johnny.
“Naku nakakahiya naman. Pero sige, para makabawi ako sa iyo at mabayaran kita, can we talk over coffee this Sunday? Off ko,” aya ni Lorraine.
Halos lumundag ang puso ni Johnny sa narinig. Totoo ba ito, Diyos ko? Nananaginip ba ako?
Syempre, hindi iyon pinalagpas ni Johnny. Nagkita sila. At nagkasunod-sunod ang kanilang mga pagkikita. Lagi na rin silang magkatabi sa FX. Hindi nagtagal, inamin ni Johnny ang kanyang nararamdaman kay Lorraine. Nagulat si Johnny, dahil inamin naman ni Lorraine na matagal na din pala niyang gusto si Johnny.
Dahil pareho naman ang kanilang nararamdaman, nagkaroon sila ng relasyon, at biniyayaan ng dalawang anak. Napagtanto ni Johnny na kung ang dalawang tao ay para sa isa’t isa, tadhana ang gagawa ng paraan upang mapaglapit sila, mga paraang minsan ay hindi sasagi sa iyong isipan. Tiwala lang!