Nakakatakot ang Kakayahan Niyang Taglay, Madalas ay Ito ang Nagpapahamak sa Kaniya; Tulungan Niya Kaya ang Batang Humihingi sa Kaniya ng Hustisya?
Kasunod ang kaibigang si Evelyn, pinili ni Mau na manatiling nasa likuran lamang nito. Hindi n’ya kaano-ano ang nagluluksang pamilya, ani Evelyn kanina’y kamag-anak daw nito ang batang pumanaw. Ayaw nga sana niyang sumama, kaso’y mapilit ang kaibigan. Naiilang daw kasi ito sa sariling kamag-anak, baka daw mainip ito kapag walang kaibigang makausap.
“Condolence, Tito Manny,” malungkot na sabi ni Evelyn sa lalaking halata ang labis na lungkot sa mukha.
Marahang tumango ang lalaki at saka inakbayan ang kaibigan. Naiilang man si Mau, pinili pa rin niyang sundan ang dalawa hanggang sa may kabaong. Nag-uusap ang mag-tiyuhin nang may napansin si Mau na batang nakatayo sa tabi nito.
“Ang bata-bata pa po ni Joyce para mawala sa mundong ito, tito,” malungkot na wika ni Evelyn.
“Baka hindi na talaga niya kinaya ang kanyang kalagayan, Evelyn,” mangiyak-ngiyak na wika naman ng tiyuhin nito.
Kanina, habang papunta sila dito’y nasabi na ni Evelyn na may iniindang karamdaman ang bata, ilang taon na nga itong pabalik-balik sa ospital, hanggang sa dumating ang araw na bumigay na ito’t hindi na kinaya pang lumaban. Ngunit sino ang batang nakatayo sa tabi ngayon ng mag-tiyuhin?
Kaysa pansinin ang kakaibang bata ay pinili na lamang ni Mau na ibaling sa ibang direksyon ang kaniyang paningin at dumungaw sa loob ng kabaong upang tingnan ang mukha ng pinsan ni Evelyn. Ngunit nang mapagsino ang nasa loob ay agad na nagtaasan ang balahibo ni Mau sa nakita at wala sa loob na agad niyang nilingon ang batang hanggang ngayon ay nakatayo pa rin sa tabi ng tiyuhin ni Evelyn. Mariin niyang ipinikit ang mga mata at baka namamalikmata lamang siya.
“May problema ka ba, Mau?” nag-aalalang tanong ng kaibigan nang mapansin ang kakaiba niyang kilos.
“H-Ha? Ah, wala naman,” aniya. “May banyo ba rito? Pwede ba akong makigamit?” aniya. Pilit iniiwasan ang nakakaasiwang tingin ng batang mukhang siya lamang talaga ang nakakakita.
Agad namang itinuro ng tiyuhin ni Evelyn kung nasaan ang banyo. Nangininig man sa kaba ay pinilit ni Mau na maging pormal. Ngunit iyon ang akala niya, dahil hanggang sa loob ng banyo ay sinundan siya nito at pilit na kinakausap. Ayaw sana niyang pansinin ito at panindigan ang pagpapanggap na hindi niya ito nakikita ngunit na-intriga siya sa huli nitong sinabi.
“Anong sinabi mo?!” gulat niyang tanong sa batang tila nagmumulto.
Bata pa lang siya’y alam na niyang may kakaiba siyang taglay sa sarili. Noon pa man ay nakakakita na siya ng mga kakaibang nilalang na hindi lahat ng tao’y nakikita. Ngunit mas madalas ay hindi niya pinapansin ang mga ito, dahil madalas ay napagkakamalan siyang may kakaibang pag-uugali dahil tila nakikipag-usap siya sa hangin. Alam niyang hindi siya normal, ngunit hindi ibig sabihin noon ay wala na siya sa maayos na katinuan.
May mangilan-ngilan na rin siyang natulungan, at may mga pangyayari pa ngang muntikan na siyang napapahamak, kaya niya iniiwasan ang mga ganitong tagpo, ngunit mukhang hindi na naman siya makakaiwas sa pagkakataong ito.
“Sa kwarto ko, ate, may mahalagang bagay akong inilagay roon bago ako mawala, iyon ang magpapatotoo sa lahat ng sinabi ko sa’yo,” malungkot na wika ni Joyce.
“P-Pero papaano naman ako makakapasok sa kwarto mo? Baka pagdudahan nila ako,” aniya.
“Tutulungan kitang makapasok sa kwarto ko, ate. Pakiusap, tulungan mo akong malaman ni papa ang katotohanan, sa ganoong paraan ay mas magiging tahimik ang paglalakbay ko,” anito.
Malalim na napabuntong-hininga si Mau at biglang nanakit ang kaniyang sintido sa problemang biglang dumating sa kaniya. Gusto niya man itong hindian ay hindi niya magawa. Paano kung totoo nga ang sinabi nito sa kaniya? Pero bahala na kung ano ang kahihinatnan ng misyon niyang ito, buo na ang isip niya. Tutulungan niyang maging payapa ang pagkawala ng bata.
Hindi naging madali ang pagpasok at paglabas niya sa silid ni Joyce. Halos panawan siya ng ulirat nang muntikan nang may makapansin sa kaniya, mabuti na lang at abala ang lahat, kaya wala masyadong pumapansin sa kaniya.
Isang kamera ang sinasabi ni Joyce, ang bilin nito ay ibigay niya ang bagay na iyon sa ama nito at iyon naman ang kaniyang ginawa.
“Kay Joyce ang kamerang ito. Paano ito napunta sa iyo?” takang tanong ng lalaki.
Labis din ang pagtataka sa mukha ni Evelyn, ang alam nito kanina ay magbabanyo lamang siya, hindi nito inaasahan na sa saglit na oras niyang pagkawala’y hawak na niya ang kamera ng batang kanilang nilalamayan.
“H-Hindi ko alam kung paano ipapaliwanag ang lahat, pero wala po akong masamang binabalak, sir. May nakisuyo lang sa’kin at ibinigay ang bagay na iyan. Gusto niyang mapanuod mo ang nilalaman ng kamerang iyan,” paliwanag niya.
Nagtataka man ang lalaki’y hindi naman ito nag-atubiling sundin ang pakiusap niya. Ilang minuto ang lumipas ay tahimik itong umiiyak sa napanood na bidyo. Hindi rin alam ni Mau kung ano ang nilalaman ng kamerang iyon, basta lamang niya iyong kinuha at ibinigay sa lalaki, ngunit hindi na siya nagulat sa naging reaksyon nito, dahil nasabi na iyon sa kaniya ni Joyce.
Nilingon niya ang batang gaya ng ama nito’y tahimik na lumuluha. Ayon sa kwento kanina ni Joyce, may mahalagang bagay siyang inilagay sa silid upang magpatunay sa nangyari sa kaniya. Nilagyan niya ng sikretong kamera ang silid upang makakuha ng ebidensya sa kalagayan niya bago siya mawala. At ngayon, sa tulong ni Mau, nailahad na ang katotohanang iyon.
Dahil sa pangyayari, nagkaroon ng maayos na kinalabasan ang lahat. Labis naman ang pasasalamat ni Manny kay Mau. Nanatili namang lihim sa lahat kung paanong nangyaring napunta kay Mau ang kamera ni Joyce, kahit sa kaibigan ay hindi sinabi ni Mau ang totoong nangyari. Ang mahalaga ay payapa na si Joyce kung saan man ito naroroon ngayon.
Minsan may maganda ring naidudulot ang pagiging kakaiba, iyon nga lang, madalas ay nahuhusgahan ka’t nasasabihan na may kakaibang pag-uugali. Ngunit kahit ganoon ay masaya si Mau, lalo na’t alam niyang nakatulong siya sa simpleng paraan, hindi sa mga normal na tao kung ‘di sa mga hindi matahimik na kaluluwa.