Nakadampot ng Kwintas ang Batang Basurero; Hindi Niya Inaasahang Ito ang Babago sa Buhay Niya
Sa murang edad ni Eric ay natuto na siyang magbanat ng buto sa pamamagitan ng pangangalakal para lamang malamnan ang kanyang tiyan. Ang tatay niya ay labas-pasok sa preso dahil sa kasong may kinalaman sa ipinagbabaswal na gamot habang ang nanay niya naman ay sumama na sa ibang lalaki. Bumabalik rin naman ang babae pero pag nakakita ng bagong makakasama ay iiwan na naman siya nito.
Kaya naman ang lola nya na lang ang kasama nya sa buhay. Hindi na masyadong makakilos ang matanda at wala talagang ibang aasahan kundi si Eric. Minsan, kapag maganda ang panahon at malakas ang lola niya ay namamalimos ito sa ilalim ng overpass.
Buti na lang, sa hirap ng buhay ay katuwang ng musmos ang kaibigan niyang si Luis. Makulit nga lang ang bata at pilyo pero masaya naman itong kasama.
“Eric? Eric! Tao po!” tawag ni Luis sa kanilang barung-barong isang umaga. Palagi itong maagang nagigising, maagap upang di maunahan ng ibang nangangalakal.
“Saglit lang! Kakapakain ko lang kay Lola, hintayin moko dyan sa labas,” sabi ni Eric. Bago siya lumabas ay hinalikan niya pa sa noo ang matanda.
“Alis na po ako,” masuyong sabi niya sa matanda.
“Eric, dun tayo sa sinasabi nina Badok. Yung subdivision,” sabi ni Luis.
Medyo nag-isip naman si Eric. Hindi pa kasi nya nasusubukang mag-ikot sa isang subdivision. Kadalasan kasi ay itinataboy sila ng gwardya dahil sa masamang imaheng iniwan ng ibang mangangalakal, nagnanakaw ang mga ito ng gamit sa garahe ng mayayaman.
“Wag na kaya? Dun nalang tayo sa barangay 6 maraming bote dun lagi eh. Malapit sa may factory.” sabi ni Eric.
“Dun nalang, maniwala ka. Tropa ko na yung manong na gwardya, maawain yun eh. Basta raw wag tayong magnanakaw.” proud na sabi nito.
Ilang sandali pa ay malapit na ang dalawa sa subdivision. Napanganga ang bata sa laki ng mga bahay. Sa buong buhay niya ay di pa siya nakapasok sa ganoon kalaking mga palasyo. At alam niya, napakaliit ng tsansa na magkaroon siya noon. Pero wala namang masama sa mangarap diba? Nais niya ring mabigyan ng maginhawang buhay ang lola niya.
“Maghiwalay tayo para sigurado. Dito ako, dyan ka sa may paliko,” sabi ni Eric kay Luis. Tumalima naman ang dalawa, mukhang makakarami sila ngayong araw. Ilang sandali pa ay pinuntahan na rin ni Luis ang kaibigan, walang masyadong kalakal sa pinuntahan niya.
Si Eric naman ay nakatulala sa nakita nito, isang gintong kwintas. Hindi sila pareho marunong tumingin ng totoong alahas, pero alam naman nilang may halaga iyon kahit na paano.
“Tiba-tiba tayo Eric!” masayang sabi ni Luis.
Napailing naman ang bata, “Katukin kaya natin itong malaking bahay? Sigurado akong walang magtatapon ng ganito kagandang kwintas,” sabi ng bata. Maisip niya pa lang ang lola niya ay nakukunsensya na siya. Palagi kasi siyang pinangangaralan nito na huwag magnanakaw. Hindi man niya ninakaw ay pakiramdam niya ganoon na rin iyon.
“Nababaliw kana ba? Hindi na tayo makakakita ulit ng ganyan! Tsaka mamaya, pagbintangan ka pa na ninakaw yan.” sabi ng kaibigan niya pero di nagpatinag si Eric. Pinindot niya ang doorbell sa gate, buti na lang napapanood niya sa teleserye kung ano ang silbi ng doorbell kaya alam niyang gamitin iyon. Kahit kasi mapatid ang litid niya kasisigaw ay di siguro siya maririnig ng nasa loob.
“Tao po!” sigaw niya, kasabay ng sunud sunod na pagpindot sa doorbell. Ilang sandali pa ay lumabas ang isang may edad na lalaki.
“Mangongolekta ng basura?” tanong nito.
“Hindi ho, ibabalik ko lang ho ito. Sa inyo yata,” sabi niya at iniangat ang kwintas. Nanlaki naman ang mata nito nang makita ang hawak niya.
“Anak ng! Paano napunta sa inyo iyan?!” galit na sabi nito.
“Naku ser nakuha ko lang ho dito sa labas!” tarantang sabi ni Eric.
“Malalaman natin yan. Pagod na pagod na kami sa mga magnanakaw!” sabi ng matandang lalaki at pinapasok sila sa loob ng gate, sobrang kabado naman ng dalawa.
“Sabi ko sayo dapat hindi mo na binalik eh, napasama pa tayo ngayon.” bulong sa kanya ni Luis.
“Mabuti naman ang intensyon natin, siguro hindi nya mamasamain.” sabi ni Eric.
Ang laki-laki ng bahay, pumasok sila sa isang kwarto na may malaking telebisyon. Ang sama ng tingin sa kanila ng mga kasambahay. Ipinlay sa telebisyon ang record ng CCTV nung mga nakaraan. Kitang-kita kung paanong nalaglag sa bag ng isang babae ang kwintas, ilang minuto pa ay dumating ang dalawang bata at napulot iyon.
Napabuntong hininga ang matandang lalaki, “Pasensya na kayo sa inasal ko kanina. Kita nyo naman, ang babaeng yan ay kasambahay namin na pinagkatiwalaan, ninakaw ang lahat ng mamahaling alahas namin. Ang pinakamahalaga ay ang kwintas na ito, pamana pa ng lola ko.” sabi nito.
Naunawaan ng dalawang bata kung bakit ganoon nalang ang reaksyon nito.
“Kung tutuusin ay maari na kayong tumakbo pero mas pinili pa ninyong katukin ako para ibalik ‘to. Salamat.” nakangiting sabi ng matandang lalaki.
Di akalain ni Eric na ang kabutihan nila sa matanda ay magdudulot ng napakalaking pagbabago sa kanyang buhay. Inako na kasi nito ang pag-aaral niya hanggang makatapos siya ng kolehiyo. Binibigyan rin siya nito ng allowance kada buwan.
Di naman niya sinayang ang pagkakataon at pinagbutihan niya ang pag-aaral. Ngayon ay may maganda na siyang trabaho at malaki rin ang kanyang sweldo. Noong isang taon lang ay pumanaw na ang kanyang lola pero alam ni Eric na maligaya itong tumawid sa kabilang buhay dahil natupad niya ang mga pangarap nito para sa kanya.