Nagsawa ang Misis sa Lasenggong Asawa, Nilayasan Niya Ito at sa Huli’y Kakaiba ang Naging Pagbabago Nito
Binata pa lamang noon si Marlon ay lasinggero na ito. Kahit saang inuman ata ay dinarayo nito. Hanggang makilala niya ang asawang si Monica. Si Monica ay nakilala niya sa inumang pinuntahan nila ng kumpare niya.
“Pare, ipakilala mo naman ako sa mga magagandang dilag na kasama natin ngayon,” agresibong wika ni Marlon sa kaibigan niya.
“Walang problema pare!” wika nito kay Marlon.
“Monica, kaibigan ko nga pala si Marlon. Marlon, si Monica kaibigan ko,” pagpapakilala ni Berto sa mga ito.
Simula ng gabing iyon hindi na tinigilan ni Marlon si Monica.
“Kelan mo ba talaga ako sasagutin?” tanong ni Marlon mula sa kabilang linya
“Sabi ko naman sayo diba? Pag iisipan ko pa,” wika naman ni Monica sa kabilang linya.
Makalipas ang ilang buwan ay sinagot na rin sa wakas ng dalaga ang makulit na si Marlon. Maalaga kasi ito, mabait at ramdam niyang mahal na mahal naman siya. Hanggang sa inalok na ni Marlon si Monica na magsama sila. Noong una silang magsama ay maayos pa ang pakikitungo nito sa kanya. Subalit habang tumatagal silang nagsasama ay saka naman lumabas ang tunay na kulay nito. Lalo na noong magkaroon sila ng anak at humina ang trabaho ni Marlon. Halos hindi ito umuwi ng bahay kakainom ng alak.
“Marlon, saan ka na naman ba galing ha!?” pagalit na tanong niya dito. “Halos magdamag ka ng hindi umuwi ah!”
Napakamot ng ulo si Marlon dahil sa pagkairita, “Bakit ka ba tanong ka ng tanong ha? Mabuti nga ay umuwi pa ako! Hainan mo na nga lang ako para may silbi ka naman sa bahay na ‘to!”
Palagi kasing sinusumbat sa kanya ng lalaki na wala siyang trabaho. Samantalang hindi nito alam ang hirap niya sa pag-aalaga ng anak nila. Siya rin ang dumidiskarteng mangutang kapag kinakapos ng bigay si Marlon. Kung minsan pati paglalaba ay pinapasok niya, may maipambili lang ng diaper at gatas ng anak nila.
“Ano pa bang tinatanga-tanga mo d’yan? Kilos na!”
Dali dali namang kumilos si Monica sa takot niya sa asawa. Habang nasa kusina ay naisip niyang bakit hindi niya nakita ang ganitong ugali niya ng lalaki habang nililigawan siya nito? Bagaman hindi siya nito pinagbubuhatan ng kamay, ang pagiging lasenggo naman nito ang madalas nilang pagtalunan. Maayos naman ito kapag hindi nakakainom, subalit madalang lamang ang araw na iyon.
Kakambal na ata ng katawan nito ang alak na kapag wala ito ay hindi ito mabubuhay. Minsan ay nag-inom ito malapit sa kanila. Tinawag niya ito at pinauwi para mananghalian.
“Marlon, tumayo ka muna riyan at mananghalian ka muna,” mahinanong tawag niya sa asawa.
Subalit imbes na ito ay matuwa, nagalit pa ito sa kanya. Sapagkat kinantiyawan ito ng mga kaibigan na under daw sa misis.
“Umalis ka na nga! Umuwi ka na!” taboy nito sa asawa. “Bakit ba ang kulit kulit mo, ha?!”
Tila pahiyang pahiya na si Monica sa paligid ng pinag-iinuman nito. Kaya naman umuwi siya nang umiiyak. Hindi na niya talaga masikmura ang ugali ng asawa kaya nagdesisyon na siyang layasan ito kasama ng anak niya. Mabilis niyang inempake ang mga damit nilang mag-ina. Iiwan na nila si Marlon, ang asawa niyang walang ginawa kundi ang ipahiya siya at alilain siya. Buo na talaga ang loob niya, wala na siyang pakialam na lumaking walang ama ang anak niya. Ang importante ay malayo sila sa mala-impiyernong buhay nila sa kamay nito.
Pansamantalang silang nanirahan muna sa kaibigan sa kabilang baryo. Hindi naman iyon alam ng kanyang asawa kaya sigurado siyang hindi sila masusundan nito.
“Monica! Monica!” tawag ni Marlon sa asawa pag-uwi niya ng bahay na lasing na lasing pa.
Nang kusang bumukas ang pinto. Pumasok ito ng bahay na sumisigaw. Hinintay niyang lumabas si Monica mula sa kwarto subalit kahit anong sigaw niya ay walang lumalabas. Bigla siyang nakaramdam ng kaba, kaya naman tinungo niya ang kuwarto nila at wala ring nakita ni anino ng mag-ina niya.
Labis-labis na pagsisisi ang naramdaman ni Marlon nang mapagtantong tuluyan na siyang iwan ng kanyang mag-ina. Iyak siya nang iyak nang sa bawat sulok ng kanyang tahanan ay tila naiimagine niya ang pag-iyak ng kanyang sanggol na anak at mga malulutong na tawa ng kanyang misis.
Ilang buwan niya ring hinanap ang kanyang misis. Kasabay noon ay ang pag-ayos niya sa sarili. Naghanap siya ng matinong trabaho at hindi na kailanman sinubukang uminom ng alak.
Nagkataon pa na sa kumpanyang inapplyan niya ay doon niya rin muling nakita ang kanyang misis. Ilang araw na palang nagtatrabaho doon. Halos lumuhod siya dito at magmakaawa bumalik lamang sa kanya.
“Ayoko na munang maniwala sa mabulaklak mong mga salita, Marlon.” matatag na ika ni Monica. “Kung gusto mo talaga kaming bumalik sayo ng anak mo, ipakita mong talagang nagbago ka na.”
Dahil doon ay mas nagpursige pa si Marlon na muling mabuo ang kanyang pamilya. Hindi niya rin alam kung bakit tila bigla siyang nawalan ng gana sa alak. Tila sinusuka niya na kahit ang amoy nito. Dahil doon ay nakita ni Monica ang tunay na pagbabago ng asawa. Kung kaya naman muli niyang napagtagumpayan ang pagbuo ng kanyang pamilya.