Labis na Depresyon ang Naramdaman ng Isang Bagong Panganak na Ina, Kung Kaya naman Sa Anak Niya Naituon ang Galit sa Asawa
Hindi na natapos ng kolehiyo si Mercy dahil nabuntis siya noon ng kanyang nobyo na ngayon ay kanya ng asawa na si Ramon. Hindi naiiba ang kwento ng buhay niya sa isang teleserye na araw -araw niyang inaabangan at sinusubaybayan.
Maaga rin siyang namulat sa kahirapan ng buhay. Halos lahat na ata ng hirap ay naranasan niya sa piling ng asawa. Nariyang gutumin siya nito noong nagdadalang-tao pa lamang siya. Madalas kasi itong umalis na hindi man lang siya nito iniiwanan ng pagkain.
Mabuti nga at mababait ang kapitbahay nila sa kanya. Halos araw-araw na nga siguro ay sa mga ito nanggagaling ang kanyang kinakain. Kung mayroon lamang siyang malapit sana na pamilya na mahihingan ng tulong ay mas makakagaan para sa kanya. Dahil nahihiya na rin siya sa mga kapitbahay niya.
Kung minsan naman ay uuwi ang asawa niya nang lasing na lasing pagkatapos ay pagmumurahin pa siya nito at sasaktan ng pisikal.
“Mercy!” malakas na tawag nito sa labas ng bahay nila.
Mabilis siyang bumangon para pagbuksan ng pinto ang asawa.
“Ano bang ginagawa mo at hindi mo agad ako mapagbuksan ng pinto?!” pagalit na turan nito sa kanya.
Sa laki ng tiyan niya ay ika-ika na rin siyang maglakad.
“Alam mo namang kapanganakan ko na eh. Hindi mo ba ako nakikitang nahihirapan ng maglakad?” nagngingitngit niyang wika sa asawa.
Pero tila bingi ito na walang pakialam kung siya ba ay nahihirapan na. Utos dito, utos doon pa rin ang ginawa sa kanya ng asawa.
“Ano pang ginagawa mo? Ipaghain mo na ako at nagugutom ako!”
“Eh Ramon wala ka namang iniwang pera sa akin,kaya wala tayong pagkain.”
Kanina pa nga rin siya gutom na gutom kung kaya hindi siya makatulog.
“Wala ka talagang kwentang asawa! Wala kang kadiska-diskarte sa buhay,” padabog pa nitong sabi.
Sa isip-isip niya, siya dapat ang nagsasabi noon sa kanyang asawa.
“Makaalis na nga lang!” wika ni Ramon sabay alis ng bahay.
Sa sama ng loob ay bigla na lamang sumakit ang tiyan niya. Tinawag niya si Ramon,subalit tila wala itong narinig at tuluyan siyang iniwan nito. Hindi man lang nito naisip nito ang kalagayan niya. Hindi na nawala ang pananakit ng tiyan niya.
Kaya naman sumigaw na lamang siya at humingi ng tulong, para marinig ng mga kapitbahay. Maya maya’y nagpuntahan na ang ilan sa kanyang mga kapitbahay.B uti na nga lamang ay isang kumadrona si Aling Clarita at iyon na ang nagpaanak sa kanya. Ligtas niyang naisilang ang sanggol sa tulong ni Aling Clarita at iba pang kapitbahay. Nagpapasalamat siya sa mga ito dahil hanggang sa huli ay hindi siya pinabayaan ng mga ito. Nang mga oras na iyon, ang tanging nasa isip niya ay ang mga magulang na niloko niya simula nang magbuntis siya. Alam kasi ng mga ito na hanggang ngayon ay nag-aaral siya.
“Mercy, lalaki ang anak mo,” ika ni Aling Clarita. “Higit mong mahalin ang sarili mo at anak mo. Kung minsan ay kailangan mo ring unahin ang sarili mo at magising sa katotohanan.”
Ngunit tila naging bingi at bulag siya sa mga sinasabi ng mga kakilala niya. Patuloy siyang nagpabulag sa asawang si Ramon. Mahal na mahal niya talaga kasi ito. Hanggang ngayon ay hindi niya talaga mapagtanto kung gaano kawalang-kwentang tao nito.
Kaya sa tuwing nag-aaway sila ng asawa at nilalayasan siya ay hindi niya sinasadyang sa anak niya matuon ang galit. Madalas ay natatapik niya ito at nasisigawan sa tuwing inis na inis siya. Sa isip-isip niya ay sumasailalim siya sa depresyon na nararanasan ng mga bagong-panganak na babae.
Kung minsan dahil sa sobrang depresyon matapos nilang mag-away mag-asawa ay sinadya niya ring gutumin at hindi padedein ang kanyang anak, “Magutom ka d’yan! Iyak ka nang iyak! Hindi pa rin ako kumakain, akala mo ba?! Yang bwisit mong ama, nilayasan na naman tayo!”
Madalas niyang sigawan ang bata na tila ba naiitindihan na siya nito sa mga problema niya.
Nang gabing iyon dahil sa gutom ay bigla na lamang tumirik ang mata ng kanyang anak. Taranta siya sa nakikita sa anak kung kaya naman tumakbo siya sa kanyang mga kapitbahay upang humingi ng tulong.
Sinugod nila sa ospital ang kanyang anak. Iyak siya nang iyak at labis ang paninisi sa sarili dahil sa nangyari dito, “Anak gumaling ka lang, aalagaan na kita at iaalay ang buong-buhay ko para sayo.”
Tila milagro naman ang nangyari dahil nang gabing iyon ay gumaling rin ang kanyang anak. Samantalang ang asawa niya ay wala pa rin na tila ba hanggang ngayon ay wala pa ring kaalam-alam sa nangyari.
Kaya naman nang makalabas sila ng ospital ay agad siyang nagpatulong sa mga kapitbahay nila upang maghakot ng mga gamit niya. Nagdesisyon siyang umuwi at umamin na lamang sa mga magulang sa nagawang kasalanan. Mas nanaisin na niyang tanggapin ang galit ng mga ito kaysa patuloy na gutumin at pahirapan ang kanyang anak dahil sa walanghiya niyang asawa.