Inday TrendingInday Trending
Kinupkop ng Babae ang mga Anak ng Kabit ng Mister Niya sa Ibang Lalaki; Suwerte pa Pala ang Hatid ng mga Ito sa Kaniya

Kinupkop ng Babae ang mga Anak ng Kabit ng Mister Niya sa Ibang Lalaki; Suwerte pa Pala ang Hatid ng mga Ito sa Kaniya

Paos na ang boses ni Chona kakasigaw sa kalsada mailako lang ang panindang kakanin. Tagaktak na rin ang pawis niya sa mukha pero kahit nahihirapan na sa araw-araw na pagtitinda ay tinitiis niya para sa kanyang tatlong anak na pare-parehong nasa elementarya na.

Ang mister niyang si Luisito na construction woker ay matagal nang hindi umuuwi sa bahay nila matapos na sumama sa kabit nitong tindera ng isda sa palengke. Sa tuwing naaalala niya ang ginawa ng walang kwenta niyang asawa ay nagngingitngit siya sa galit. Ipagpalit ba naman siya ng g*go sa amoy hasang?

Kahit bigo siya sa pag-ibig ay masuwerte naman siya sa mga anak niya na mababait at matatalinong bata, kaya nga hindi niya alintana ang pagod sa pagbabanat ng buto mapag-aral lang ang mga ito.

Bukod sa paglalako ay umeekstra rin siyang tiga-plantsa ng mga damit ng kapitbahay niyang nakakaangat sa buhay na si Mrs. Fabian tuwing araw ng Sabado.

Isang hapon, tInawag siya ng babae habang abala siya sa pagpaplantsa.

“Chona, nasa labas ‘yung panganay mong anak,” may sasabihin daw sa iyo,” wika ng mabait na ginang.

Inihinto niya ang ginagawa at nagpaalam muna rito.

“Saglit lang po ako, Mrs. Fabian. Kakausapin ko lang po ang anak ko. Pasensya na po kung pumarito pa ang batang iyon,” magalang niyang sabi.

“Sige lang, hija. Ayos lang naman, baka may sasabihing importante ang bata,” anito.

Agad siyang lumabas at nakita nga niya ang anak na si Obet na tahimik at parang tuliro.

“O, bakit? ‘Di ba sabi ko sa iyo ikaw na muna ang magbantay sa mga kapatid mo? Ang dami ko pang paplantsahin sa loob,” sabi niya na pinamewangan pa ang anak.

Napabuntong-hininga muna ang bata bago nakasagot.

“I-inay, dumating po si itay at nasa bahay po siya ngayon,” tugon ni Obet

Tinaasan niya ng kilay ang tinuran ng anak at nakaramdam siya ng pag-iinit ng ulo.

“Ang magaling na lalaking iyon? Anong dahilan at nagbalik pa ang walang kwenta mong ama?” tanong niya.

“H-hindi lang po siya ang nasa bahay, inay…m-may mga k-kasama po siya…”

Napasimangot siya.

“Eh, sinong kasama niya?” tanong niya ulit.

“M-may kasama po siyang b-babae at dalawang bata,” sagot nito.

“A-ano?”

Sa sinabi ng anak ay bigla siyang kinabahan at namanhid ang buo niyang katawan. Nagpaalam siya sandali kay Mrs. Fabian at pumayag naman ito na umalis na muna siya.

Pagdating sa bahay ay naabutan niya roon ang mister na si Luisito kasama ang kabit nitong si Joana. Ang mas malala pa ay bitbit ng babae ang dalawa nitong anak sa una nitong asawa.

Sa sobrang galit ay kinompronta niya ang mga ‘di inaasahang bisita.

“Ang kapal din naman ng mukha mo! Bumalik ka pa at isinama mo pa dito sa pamamahay ko ang malandi mong kabit!”

“Chona, patawarin mo kami. Alam namin na napakalaki ng kasalanan namin sa iyo, pero nagpunta kami rito para sabihin na may taning na ang buhay ni Joana. Malala na ang k*nser niya sa obaryo. Makikiusap sana kami na kung maaari ay dito na tumira ang dalawa niyang anak sa oras na mawala siya. Wala na siyang ibang pamilya na mapag-iiwanan sa dalawa niyang anak at matagal nang inabandona ng dati niyang asawa ang mga bata. Huwag kang mag-alala, tutulungan kita sa mga gastusin. Magpapadala ako sa iyo ng pera habang nagtatrabaho ako sa Maynila,’ wika ng lalaki.

Biglang natigilan si Chona, ‘di siya makapaniwala na ang babaeng mas pinili ng mister niyang pakisamahan ay may taning na ang buhay. Ang nag-aalab niyang galit ay napalitan ng awa pero sinaway niya ang sarili at pinigilan ang nararamdaman, sa isip niya ay karma ang sinapit ng babae sa pang-aagaw nito sa asawa niya.

“Wala talaga kayong kahihiyan, ano? Pagkatapos ninyo akong lokohin at gawing t*nga, ang lakas ng loob ninyong pumunta rito at ipakukupkop niyo pa talaga sa akin ang mga anak ng babaeng ‘yan?” gigil niyang sabi.

Napaluha na si Joana at lumuhod na sa harap niya.

“Parang awa mo na, pinagdudusahan na namin ang mga nagawa namin noon sa iyo. Walang kasalanan ang ang mga anak ko. Kapag nawala ako’y paano na sila? Ayoko silang ipaampon sa kung kani-kanino lang,” humihikbing sabi ng babae na nang titigan niya’y bakas sa mukha at katawan nito na may iniindang malubhang karamdaman. Nangigitim na ang ilalim ng mga mata nito at payat na payat na.

Napaismid siya. Grabe ang kapal ng kabit na ito, siya na nga ang nang-agaw ng asawa, sa kanya pa ipapaalaga ang mga anak nito sa ibang lalaki.

“Bakit, sa mga anak ko ba ay naawa kayo?” inis niyang tanong.

Hindi pa siya tapos sa litanya niya nang biglang nawalan ng malay ang babae.

“Joana, Joana!” nag-aalalang sabi ng mister niya na pilit itong ginigising.

Sa nangyari ay para bang may kumurot na kung ano sa puso ni Chona. Ang matinding galit sa kanyang dibdib ay napalitan na talaga ng awa.

Wala na siyang nagawa kundi ang tulungan ang babaeng naging kahati niya sa kanyang asawa. Dinala nila ito sa ospital ngunit sa kasamaang palad ay hindi na ito umabot ng buhay. Tuluyan nang namaalam ang kabit.

Sa ayaw man niya o sa gusto ay naiwan sa pangangalaga niya ang dalawang anak ni Joana na ang panganay ay anim taong gulang at ang bunso naman ay limang taong gulang. Kahit may pag-aalinlangan pa rin ay kinupkop at inaruga niya ang mga bata. Wala naman siyang naging problema dahil mababait din ang mga anak ni Joana na ‘di nagtagal ay itinuring na rin niyang mga tunay na anak. Bumawi naman sa kanya ang mister at tumulong sa mga gastusin nilang mag-iina at mga anak ng dating kinakasama. Hindi ito pumapalya sa pagpapadala ng pera. Hindi na rin sila nagkabalikan na mag-asawa, ginagampanan na lamang ng lalaki ang responsibilidad nito sa kanila. Natutunan na rin niyang mapatawad ang mister kahit pa minsan na siya nitong pinagtaksilan. Napatawad na rin niya ang yumaong si Joana na siyang dahilan kung bakit nadagdagan ng dalawa ang mga anak niya.

Makalipas ang maraming taon

“Inay, good news! Naipetisyon na po namin kayo ni Jennifer sa Amerika. Magkakasama-sama na po tayo roon nina ate at kuya, “ masayang sabi ni Bryan kay Chona. Ang binata ang panganay na anak ni Joana na isa ng doktor sa Los Angeles, kasama nito roon ang kapatid na si Jennifer na isa namang nurse.

Naroon na rin sa Amerika ang tatlo pa niyang anak na mga propesyunal na rin. Ngayong naipetisyon na rin siya ay doon na rin siya titira kapiling ang mga ito.

“Maraming salamat, anak,” naluluha niyang sabi.

“Utang po namin sa inyo ang lahat ng ito, inay. Mahal na mahal po namin kayo ni Jennifer, kahit hindi niyo po kami kadugo,” sagot ng binata na yumakap sa kanya nang mahigpit.

“Mahal na mahal ko rin kayo ng Ate Jennifer mo, mahal namin kayo ng mga ate at kuya ninyo. Hindi man kayo lumabas sa aking sinapupunan ay ako ang nanay ninyo. Hindi naman mahalaga kung hindi ako ang tunay ninyong ina, ang mahalaga ay mahal ko kayo na parang tunay kong mga anak. Proud na proud ako sa inyo, kung nabubuhay lang ang Nanay Joana at Tatay Luisito ninyo ay ipagmamalaki din nila kayo,” sagot ni Chona na ‘di na napigil ang pag-iyak.

Nang pumanaw ang mister niya ilang taon na ang nakakalipas dahil sa aksidente ay mag-isa na naman niyang iginapang ang pag-aaral ng kanyang mga anak at mga anak ni Joana. Lumaking matalino ang dalawang bata gaya ng mga anak niya na nagsipagtapos din sa kolehiyo na may mga karangalan at ngayon ay matatagumpay na sa mga napiling karera kaya wala na siyang mahihiling pa.

Dahil sa may magaganda nang trabaho ang mga anak ay buhay reyna na lang siya sa malaki nilang bahay na ipinatayo ng mga ito sa Amerika.

Laging tandaan na may dahilan ang bawat pagsubok ng Diyos ngunit sa mga pagsubok na ito ay may kapalit namang ginhawa.

Advertisement