Isisiwalat ng Ale ang Lihim ng Dalaga at ang Pag-aaral Nito sa Prestihiyosong Unibersidad; Manlalamig Siya sa Matutuklasan
“Hoy, Jona, mukhang totoo pala talaga ang sabi ng mga tao rito sa atin na sa mamahaling eskwelahan ka raw pumapasok ng kolehiyo ah! Tingnan mo nga naman, ang taas mo rin naman talagang mangarap!” wika ni Aling Saling habang nakatayo ito sa labas ng tindahan niya at nagbabasa.
“Mukhang hinintay niyo ho talaga ako para siguraduhin ang tsismis na kumakalat. Para po sa ikatatahimik niyo ay ako na mismo ang magsasabi, opo, sa mamahaling eskwelahan po ako nag-aaral,” mabilis na sagot ni Jona sa ale.
“Hindi ka nahihiya sa yabang mo na ‘yan sa akin? Baka nakakalimutan mo, pati ‘yang damit na suot mo ay galing sa bulsa ko,” mataas na balik ni Aling Saling sa kanya.
“Hay naku, Aling Saling, sa araw-araw ho na ginawa ng Diyos, kulang na lang po ay sambahin din namin kayo. Alam ko po na lubog kami sa utang sa inyo kaya nga po ako nag-aaral nang mabuti para makapagbayad na po kami sa inyo. Kaunting tiis na lang po at makakabayad din kami, isa pa, naglalabada naman kahit papano ang nanay ko sa inyo para makabawas sa utang namin. Kaya araw-araw at oras-oras ho naming naalala na may utang kami sa inyo,” mabilis na baling ni Jona sa ale saka niya ito mabilis na tinalikuran at umalis.
“Napakataas talaga ng ere mo! Babagsak ka kaagad! Itaga mo iyan sa bato!” gigil na sigaw ni Aling Saling.
“Erin! Tumayo ka nga riyan! Tingnan mo si Jona nasa eskwelahan na ikaw nakahilata ka pa rin diyan sa kama! Kaya ka palaging nauungusan ng batang iyon dahil ganyan ka! Aanhin natin ang maraming pera kung sa lahat naman ng bagay ay palagi na lang mas angat sa’yo si Jona?!” gigil na gigil na sigaw ng ale sa kaniyang anak na mahimbing pa ring natutulog.
“’Ma, ang aga naman niyang pagbubunganga niyo!” galit na balik din ni Erin, ang nag-iisang anak ng ale na kababata rin ni Jona.
“’Ma, huwag kang magalala may isa pa ring hindi mapapantayan ‘yang si Jona sa akin. ‘Ma, mag-isip nga kayong mabuti, sa tingin niyo, paano nakakapag-aral ‘yun sa eskwelahang pinapasukan niya? Saan siya kumukuha ng pera? Isipin mo nga, ‘ma,” pagdidiin pang wika ni Erin muli sa ina.
“Ano’ng ibig mong sabihin?” nakakunot na tanong ng kaniyang ina.
“Ano ba ‘yan, ‘ma, ang hina mo naman! May sumusuporta kay Jona! Nakita ko nung isang araw sumakay siya sa magarang sasakyan malayo rito sa atin at napansin ko ring matanda na ‘yung sakay. Kaya kung ako sa inyo, alam ko na ang susunod kong gagawin,” paliwanag ni Erin sabay balik sa kaniyang pagtulog.
Hindi naman na nagsalita pa si Aling Saling at napangiti na lamang ito nang malaki sabay nagliwanag ang kaniyang mga mata.
Sa mga sumunod na araw ay minanmanan niya si Jona at totoo nga ang sabi ng kaniyang anak. Kaya naman nakaisip na siya ng isang magandang ideya para makasingil ng utang sa pamilya ni Jona at maisiwalat na rin niya ang baho na itinatago nito.
Katulad ng plano ay sinabayan kaagad ni Aling Saling si Jona na pumasok sa isang itim na sasakyan.
“Good morning!” malakas na bati ng ale kay Jona at sa lalaking kasama nito sa loob.
“Oh my gosh! Totoo pala talaga ang balita, Jona! Pati ba naman sa halos lolo mo na ay pumapatol ka talaga?!” mabilis na wika ng ale nang makita ang lalaki.
“Ano, ano pong ginagawa niyo rito?!” gulat na tanong ni Jona sa ale.
“Huwag kang mag-alala, hindi naman ako manggugulo. Bale ako ho kasi ‘yung kapitbahay nila na ginawa na nilang bangko. Napakarami na hong utang sa akin niyang si Jona at ng pamilya niya kaya kung mamarapatin niyo ay baka pwede niyo naman akong abutan ng bayad? Kasi tinatago ni Jona ang sideline na ito para yata masolo ang perang nakukuha sa inyo,” paawang sabi ni Aling Saling sa lalaking hindi pa rin nagsasalita.
“Aling Saling, ano ba?! Bumaba na kayo!” sigaw ni Jona sa kaniya at halatang nangingilid na ang luha nito.
Natawa naman ang ale at saka siya tumigil.
“Oo na, bababa na! Iyo na ‘yang gurang mong sugar daddy! Nakakadiri ka, Jona!” halakhak pa lalo ni Aling Saling at hinawakan na ang pinto saka biglang nagsalita ang lalaki.
“Padadalhan kita ng tseke para matapos na ang problema ni Jona sa’yo. Alam mo, hindi ko alam na totoo pala talaga ang sabi ng maraming tao na walang modo ang mga kagaya mo. Jona is my secretary and just so you know, ako lang naman ang presidente ng eskwelahang pinapasukan niya. Isa si Jona sa pinakamatalino at pinakamasipag na estudyanteng nakilala ko. At kapag pinahiya mo pa nang ganito ang batang ito ay sa korte na tayo maghaharap sa susunod,” siwalat ng lalaki na siyang ikinagulat ng ale. Nanlamig ang katawan niya at dali-dali siyang bumaba sa sasakyan.
Doon na lumabas ang katotohanan na nagtatrabaho pala si Jona upang matustusan nito ang kaniyang matrikula. Bukod sa iskolarsyip na nakuha nito ay nabigyan din ito ng pagkakataon na maging sekretarya upang kumita ng pera dahil pinakiusapan ito ni Jona. Doon na rin lumabas ang balita na lubos palang ginagalang si Jona sa eskwelahan dahil sa talino nito ngunit nananatiling mapagkumbaba ang babae kaya naman mas lalong humanga ang marami sa kaniya.
Sa kabilang banda naman ay pahiyang-pahiya si Aling Saling sa kaniyang ginawa dahil bukod sa insidenteng iyon ay pinuntahan siyang muli ng lalaki upang balaan sa kaniyang pagtrato at pananalita kay Jona. Hindi siya makapaniwala na may mararating si Jona kahit nga lubog pa ito sa utang sa kaniya noon.