Inday TrendingInday Trending
Walang Kaalam-Alam ang Babae na Pinagtataksilan na Siya ng Sariling Mister at Kanyang Kumare, Alak Lang Pala ang Magbubunyag sa Panloloko ng mga Ito

Walang Kaalam-Alam ang Babae na Pinagtataksilan na Siya ng Sariling Mister at Kanyang Kumare, Alak Lang Pala ang Magbubunyag sa Panloloko ng mga Ito

“Kung gusto mo, magsama na tayo. Iwan mo na si Marife.”

“Loka! Alam mo namang napakasarap ng buhay ko sa piling ng asawa kong iyon! Ano pa bang hahanapin ko sa kanya? Maganda ang trabaho, at buhay hari ako kapag kasama ko siya,” natatawang sagot ni Kit sa kalaguyong si Hannah, kakatapos lang nilang makipaghalikan sa loob ng kuwarto.

“Maganda nga ang buhay, pero mukha namang ewan!” ngisngis ng babae.

Nagtataksil si Kit sa kanyang asawang si Marife. Napakaguwapo niya at may magandang hubog ng katawan. Sinong makatatanggi sa kanyang karisma na kahit may apat na anak na ay parang binata pa rin? Kaya maraming kababaihan at kalalakihan ang lumalapit sa kanya dahil sa mala-leading man niyang hitsura.

Architect si Marife, at palagi itong nadedestino kaya madalas na wala sa bahay. Ngunit kahit hindi siya madalas makasama ng asawa, abot-kaya nito ang lahat ng luho ni Kit dahil sa mataas na sahod ng babae.

Apat na taon na silang kasal. Ang totoo, ang kanilang relasyon ay bunga ng arranged marriage. Ipinagkasundo ng mga magulang ang kanilang kasal dahil sa matagal na pagkakaibigan ng kanilang pamilya, ngunit hindi kailanman nagawa ni Kit na mahalin si Marife.

Kumakapit siya sa kanilang kasal dahil sa pera at para sa kinabukasan ng kanilang mga anak. May trabaho rin siya, isang office staff sa isang maliit na kumpanya, ngunit mas malaki pa rin ang naipapasok na pera ng kanyang misis.

Kapag wala si Marife, sumasalisi naman si Hannah. Kababata ni Marife si Hannah, at siya ang totoong gusto ni Kit dahil mas maganda at maalindog ito kumpara sa kanyang asawa. Higit sa lahat, mas nag-eenjoy siya sa kanilang mga intimate moments.

“Baka naman kapag umuwi na si Marife ay hindi ka na makipagkita sa akin? Baka mamaya kalimutan mo na ako?” may pagtatampo sa boses ni Hannah.

“Hindi ka na dapat magtampo! Siyempre, kahit bumalik siya ay gagawa ako ng paraan para magkita tayo,” sagot ni Kit sa mapanuksong tono.

Natatawa si Hannah sa sinabi ni Kit. Alam niyang patay na patay ang lalaki sa kanya kaya nagbibigay siya ng pansin rito. Bukod sa pisikal na relasyon, nakikinabang din siya sa pera ni Marife. Palagi siyang inuuto nito na ibili siya ng mamahaling gamit, gaya ng bagong cellphone at laptop. Walang kaalam-alam si Marife na halos araw-araw siyang natitikman ni Kit at nakikisawsaw sa pinagpaguran nito.

Dalawang buwan ang mabilis na lumipas at bumalik na si Marife mula sa Cebu. Sinadya ni Hannah na bumisita sa bahay ng mag-asawa upang salubungin ang kumare.

“Oy, musta na, mare? Balita ko, ngayon ang dating mo, kaya dumalaw ako!” bati ng babae sabay beso sa pisngi nito.

“Aba, mare, gumaganda kang lalo! Siguro, panay ang pag-aalaga mo sa sarili mo dahil may bago kang kaibigan?” biro ni Marife at niyakap ang kaibigan.

“Sinabi mo pa, mare! Patay na patay nga sa kagandahan ko ang bago kong jowa!” pagyayabang ni Hannah, na lihim pang nakipagngisian kay Kit.

“Tama na ang mga kalokohan ninyo! Tamang-tama ang punta mo dito, Hannah, at nagluto ako ng masarap na hapunan. Puwede rin tayong mag-inuman kung gusto niyo,” imbitasyon ni Marife.

“Sure ka ba, hon? Payag ka na dito kami mag-bonding ni mare?” masayang tanong ni Marife sa asawa.

“Oo naman! Alam kong matagal kayong hindi nagkita ni Hannah, kaya ayos lang sa akin. Walang istorbo dahil wala naman ang mga bata,” sagot ni Kit.

Matapos kumain ng hapunan, nagsimula na ang kuwentuhan ng magkumare.

“At dahil dinalaw mo ako, may pasalubong ka sa akin, mare,” nakangiting iniabot ni Marife kay Hannah ang isang mamahaling bracelet.

Kumislap ang mga mata ng babae at halatang gustung-gusto ang ibinigay ng kumare.

Maya-maya ay nakisali na sa inuman si Kit. Plano niyang lasingin ang asawa upang masolo ang pagkakataon kay Hannah. Di nagtagal, nalasing na ang tatlo sa ininom na alak, ngunit si Kit ang pinaka tinamaan. Hindi niya inasahan na malakas pala ang tama ng nabiling alak.

“A-ang hinah ninyong dalawa! Hik! Talong kayo sa akin!” sabi ni Kit habang susuray-suray. Napangiti si Marife na inalalayan ang asawa at dinala ito sa kuwarto. Naiwan sa sala si Hannah na nakatulog na rin.

Dala ng matinding kalasingan, hinalikan ni Kit ang asawa, una ay masuyo hanggang sa naging mapusok ang mga halik nito kay Marife. Inihiga ng lalaki ang misis at sinimulang lambingin.

Ngunit bago makarating sa sukdulan, nagulat si Marife nang iba ang binanggit ng lalaki.

“Oh, Hannah, ang bango mo! The best ka talaga… Walang binatbat si Marife sa iyo!” ungol nito.

Biglang napamulat si Marife sa sinabi ng asawa.

Sa sobrang kalasingan, mabilis na nakatulog si Kit na walang kamalay-malay sa mga sinabi niya.

Kinutuban si Marife na may ginagawang kataksilan ang mister.

Lingid sa kaalaman ni Kit, matapos na marinig ni Marife ang mga salitang iyon, nilakasan nito ang loob na pakialaman ang cellphone niya. Dito nalantad ang lahat ng panloloko at kataksilan nila ni Hannah.

“Oh my God! Mga demonyo!” gigil na bulong niya sa sarili.

Kinaumagahan, sabay na nagising ang dalawa. Tumambad sa kanila ang galit na galit na mukha ni Marife na nakaupo sa sofa.

“Akala ninyo magpapaloko pa ako! Mga hayup kayo!” nanggagalaiting sabi ni Marife.

“Hon, magpapaliwanag kami!” pagmamakaawa ni Kit.

“Mare, pag-usapan natin ‘to!” ani Hannah.

“Akala niyo siguro ay hindi ko malalaman ang mga kalokohan ninyo? Binidyuhan niyo pa ang mga ginawa ninyo!”

Ang tinutukoy ni Marife ay ang mga video nina Kit at Hannah na nakasave sa cellphone ng lalaki. Nakalagay rin doon ang mga sweet messages nila sa isa’t isa at ang planong huthutan siya ng pera.

“Ano kaya kung ipost ko sa social media itong mga video ninyo? Instant celebrity kayo kapag nagkataon!” pagbabanta ni Marife.

“Parang awa mo na, Marife, huwag mong gagawin iyan!” pakiusap ni Kit.

“Huwag, mare! Itatakwil ako ng mga magulang ko kapag nakita nila iyan!” pagmamakaawa ni Hannah.

Napapailing si Marife sa dalawa.

“Siyempre hindi ko gagawin kasi hindi ako kasing sama ninyo. Ibang parusa ang ipapataw ko sa inyo!” aniya.

“Maniwala ka, Marife. Hindi namin sinadya ang mga nangyari, natukso lang kami!” wika pa ni Kit.

“Mare, patawarin mo na kami, hindi na kami uulit!” sabi ni Hannah.

“E, ang planong huthutan ako, hindi rin ba ‘yon sinadya? Puwede ba, ayoko nang marinig ang mga sasabihin ninyo! Simula ngayon ay tapos na ang relasyon namin ng asawa ko. Kaya sa iyo na siya, mahal kong kumare! Hala, magsilayas kayo sa bahay ko at ayoko nang makita ang mga mukha ninyo!”

“Marife, huwag mong gawin sa akin ‘to!” wika ni Kit.

“Bakit? May karapatan akong palayasin ka rito. Akin itong bahay, ako ang nagpundar nito at kahit singkong duling ay wala kang naiambag kaya lumayas kayo! Baka gusto niyong tumawag pa ako ng pulis? Narito sa akin ang mga ebidensya ng kataksilan ninyo kaya maaari ko kayong ipadampot anumang oras!” galit na sabi niya sa dalawa.

Sa takot nina Kit at Hannah, walang nagawa ang dalawa kundi ang lumabas ng bahay at magkasamang umalis.

Kinasuhan ni Marife ang mister at ang kabit nito ng pagtataksil at nanalo siya sa korte dahil sa matibay na ebidensya laban sa mga ito. Sapat na katibayan ang mga video at mensahe sa cellphone ni Kit upang mas lalong madiin sa kaso.

Pagsisihan man nina Kit at Hannah ang kanilang ginawa, huli na lalo na si Kit.

Advertisement