Hinanap ng Lalaking Ito ang Inang Nilayasan Noon Para Paghambugan ng Kanyang Yaman Ngunit Binalikan Siya ng Karma
Siya si Miguel Aguibar, isa sa may pinakamagarang bahay sa Paranaque Village, may dalawang sasakyan at maayos ang buhay.
Limang taon lamang noon si Miguel nang maghiwalay ang kanyang mga magulang na sina Gina at Vino.
“L*tche naman Vino, may anak na tayo’t lahat, nanay mo pa rin ang nagpapalamon sa ‘tin. Kailan ka ba magbabanat ng buto?!” galit na sigaw ni Aling Gina sa asawa. Imbes na sumagot pa si Mang Vino ay umalis na lang siya at naglaro ng basketball. Punong-puno na si Gina sa ganoong sitwasyon, parati na lamang silang nanlilimos ng ibibigay ng nanay ng lalaki na si Donya Voila. Mayaman kasi ang pamilya ng asawa ngunit napakamatapobre naman nito.
Hindi na nga natiis ni Gina ang ganoong buhay kaya naman umalis ito at bitbit niya ang anak na si Miguel.
Nakilala ng babae si Kevin at agad na nagsama ang dalawa. Nagkaroon si Gina at Kevin ng tatlong supling na puro babae. Tanggap naman ng lalaki ang anak ni Gina sa unang asawa ngunit naging napakalupit nito sa bata.
“Kabisaduhin mo yang multiplication table! Bobo ka kasing bata ka!” sigaw ni Kevin noon kay Miguel sabay hampas ng tuwalya sa ulo ng bata.
Walang magawa si Gina sa ganoong trato ni Kevin kay Miguel. At alam rin ng babae na galit ang anak niya sa kanya.
“Miguel anak, tama na wag ka nang umiyak. Ikaw naman kasi, alam mo naman na istriko ang Tito Kevin mo pagdating sa pag-aaral kaya ayusin mo na lang sa susunod para hindi ka natatamaan,”
“Hindi niyo ko mahal, mama. Mahal niyo lang ay ang lalaking iyon at ang anak niyo sa kanya. Hindi niyo ako mahal!” sigaw ni Miguel sa kanyang ina at naglayas ito. Simula noon ay hindi na nakita pang muli ni Gina ang anak.
Si Miguel ay nagpunta sa kanyang tatay na may kinakasama na rin palang iba, may anak na rin ito.
“Tay, si Miguel ho ito. Anak niyo kay Gina,” wika ni Miguel sa tatay niya.
“Oh paano ka nakarating mag-isa dito? Nasa’n na yung magaling mong nanay? Bakit ka iniwan?” tanong ng kanyang ama.
“Hindi niya ho ako iniwan, naglayas ho ako. Sinasaktan ho kasi ako ng bago niyang asawa,” umiiyak na sumbong ni Miguel sa ama na tila ba sa unang pagkakataon ay nakahanap siya ng kakampi sa buhay.
Buong akala noon ni Miguel ay magiging maayos na ang buhay niya sa poder ng kanyang ama, ngunit mas magiging malala pa pala ito. Dahil ang kanyang Lola Viola ay parati siyang binubugbog at ginagawa naman siyang katulong ng bagong asawa ng kanyang ama.
Magtatapos na noon ng high school si Miguel nang maisipan niyang maglayas at manirahan na lamang sa matalik nitong kaibigan na si Jasper. Sa wakas ay nakahanap siya ng mga taong marunong magmahal at magpahalaga sa kaniya.
“Tol, salamat talaga at pinatira mo ako rito sa inyo. Tsaka salamat na rin sa mga damit. Utang na loob ko sa inyo ang buhay ko,” saad ni Miguel kay Jasper.
“Wala yun, tol!” baling ni Jasper sa kaniya.
Sabay na nagkolehiyo ang dalawa, ngunit hindi natapos ni Miguel ang kanya, dahil sa dami ng pinapasukan nitong trabaho. Sumayaw ito sa club na salawal lang ang suot, naging kargador sa Balintawak at nag-deliber ng mga gulay. Isa lamang ang gusto ni Miguel ng mga sandaling iyon. Ang umasenso at balikan ang nanay niya para pagmalakihan ito.
Nakapag-asawa siya ng Haponesa at doon ito yumaman at umasenso ng sobra. Siya na ngayon ang nagsusuplay ng mga gulay at prutas sa ibat-ibang kainan na matatagpuan sa Makati. Siya na rin ang namamahala sa mga clubs na pag-aari ng asawa.
Hanggang sa hinanap na niya ang kanyang ina at nabalitaan niyang naninirahan ito sa may Caloocan at yumao na ang kinakasama nitong si Kevin.
Pinuntahan agad ni Miguel ang nanay niya. Ginamit niya ang magara niyang sasakyan, nagsuot siya ng gintong kwintas at mamahaling relo. Nilamnan niya ang kanyang pitaka ng mga perang papel at nagdala siya ng isa pang bag na puno rin ng kaperahan.
Sa di kalayuan ay nakita niya agad ang ina na nagluluto ng biko. Sinugod niya ito.
“Hoy Gina! Ako si Miguel yung anak mong pinabayaan mo at pinagpalit mo sa walang kwentang lalaki na nanakit sa ‘kin noon na buti na lang ay na tsugi na. Tignan mo sarili mo! Isa kang dukha!” tinitigan pa nito ang ina mula ulo hanggang paa.
“Miguel, anak ko? Bakit ganyan ang asta mo sa ‘kin? Kung galit ka naiinitindihan ko, hindi mo ako kailangan laitin sa una nating pagkikita. Ang tagal kitang hinanap, anak. Pero ito ka ngayon nakatayo sa harap ko na tila ba isang Diyos na kailangan kong sambahin,” saad ni Gina. Kahit pa may edad na ang ale ay maririnig mo ang tapang sa kanyang boses.
“Aba, dapat lang sambahin mo ako para bigyan kita ng pera. Ito oh!” wika ni Miguel sabay kuha ng pera at isinampal ito sa mukha ng ale.
Mabilis ang pagkilos ng mga kamay ni Aling Gina at agad niyang nasampal ang anak.
“Wala kang karapatang ganyanin ako. Tandaan mo walang umasensong anak na binastos ang magulang. Sa ‘kin ka nagmula, ikaw ang unang sanggol na nabuo sa sinapupunanan ko at kahit na anong mangyari ay ina mo ako at hindi mo iyon mababayaran ng kahit magkano!” dinuro nito ang anak.
“Hindi kamo ako aasenso? E umasenso nga ako ng dahil sa galit ko sa inyo! Dahil wala kayong kwenta!” sigaw ni Miguel sabay alis.
Pagsakay niya sa kotse ay tumawa siya ng malakas. Masayang-masaya ang lalaki sa nagawa niya sa kanyang ina.
Ngunit mabilis siguro talaga ang karma, pabalik pa lang si Miguel sa kanyang mansyon nang tumawag ang kanyang kasambahay na si Lorena.
“Sir, yung bahay niyo po nasusunog. Si ma’am nasa loob,” saad ni Lorena sa telepono habang umiiyak.
Hindi na naabutan ni Miguel ang asawa at naubos ang kanyang ipinundar. Inaasahan na lamang niya ang mga negosyong naiwan ng asawa ngunit nalaman niyang hindi pala ito pag mamay-ari ng babae. Katiwala lang rin pala ang napangasawa niyang Haponesa.
Ngayon ay lumuluhod si Miguel sa kanyang ina para patawarin ito sa nagawa. Nagkaayos naman ang dalawa at ngayon ay naninirahan ng magkasama.
Kahit gaano pa katayog ang ating narating sa buhay, kailangan nating matutong lumingon sa pinanggalingan.