Nang Masagasaan ang Ama ay Gumuho ang Mundo ng Binata, Ngunit May Hindi Inaasahang Kayamanan ang Dumating sa Kanila
May limang nang anak si Mang Filo sa edad na 40 sa una nitong asawa na si Aling Patty, nahimlay ang misis ng maaga dahil sa sakit na dengue. Hindi kasi nila siya agad na naisugod sa ospital.
Nagka-asawa pang muli si Mang Filo at iyon si Aling Dada. Mabait ang matanda at mainit rin sa kama kahit pa nga sila ay parehas nang nasa 40. Maasahan si Aling Dada lalo na sa mga anak ng lalaki, naglalabada din ito para makatulong sa gastusin sa bahay.
“Dada, salamat sayo at minahal mo ako higit pa sa tunay mong pamilya,” wika ni Mang Filo sa ale.
Hiwalay na kasi ang ale sa una nitong pamilya at malalaki na rin ang mga anak niya. Kaya kahit pa nasa elementarya at high school lang ang mga anak ni Mang Filo ay talaga namang inaalagaan ng ale at minamahal ang mga ito.
“Wala iyon Filo, hindi mo kinakailangang magpasalamat dahil pamilya na ang turing ko sa inyo. Sana ganun din ang mga anak mo sa ‘kin bilang ayokong maging kontrabida sa buhay nila,” saad ni Aling Dada.
Hirap sa buhay sina Mang Filo, nagtratrabaho siya bilang isang mensahero sa pinapasukang advertising company. Bike lamang ang gamit ng matanda at umulan man o umaraw, anumang iutos sa kanya ng mga boss nito ay ginagawa niya. Sa kabila noon ay sumasahod lamang ito ng 500 sa isang araw.
Para mapagkasya ni Mang Filo ang sinasahod ay nagbabaon na lamang ito ng kanin at nilagang itlog pagpasok sa trabaho at bumibili na lamang ng lutong gulay sa mga karinderya. Kinakaya ni Mang Filo ang hirap ng buhay para sa pamilya. Lalo na ngayon, papasok na ang dalawa niyang anak na sina Fin at Filimon sa high school at alam niyang hindi niya mapagsasabay na mapag-aral ang dalawa.
Umuwi si Mang Filo galing sa trabaho at nakita niya si Filimon, ang pangalawa niyang anak na bumibili sa tindahan, kaya hinintay na niya ito at sabay silang naglakad pauwi.
“Anak, baka hindi ka muna makapasok ng high school. Pwede bang si kuya mo nalang muna ngayong taon?” tanong ng matanda sa kanyang anak habang sila ay naglalakad. Masakit man ito sa kanyang puso pero kailangang maipaliwanag niya itong mabuti sa anak.
“Hindi kasi kaya ng tatay niyo na dalawa kayong pag-aralin ko ng high school at pinapaaral pa natin ng tatlo mong kapatid sa elementarya. Si Kuya Fin mo na lang muna dahil huminto na siya ng isang taon at nag-ipon para makapag high school. Ayos lang ba, anak?” saad ni Mang Filo.
“Tay ayos lang, mag-iipon na lang rin muna ako para makapag-aral sa susunod na taon, sa-side line ako kay Mang Rey sa pagdedeliber ng mga gulay,” sagot ng anak niya.
“Salamat anak at naiintindihan mo ang tatay,” wika ng ama.
Isang araw, nagising si Mang Filo na masama ang pakiramdam. Masakit ang ulo nito dahil naulanan kahapon.
“Filo, wag ka na kaya munang pumasok? Magpahinga ka muna baka mapano ka sa pag bibike mo at mapahamak ka pa,” wika ni Aling Dada sa lalaki sabay hawak sa noo nito upang tignan kung bumaba na ba ang lagnat ng matanda.
“Hindi pwede Dada, sayang ang 500 kung hindi ako papasok. Pawis lang kailangan ng katawang ito para mawala na ang lagnat. Kaya kong pumasok Dada,” saad ni Mang Filo at tumayo na ito at halatang nilalabanan ang sama ng pakiramdam.
Nasa kalagitnaan ng pagbabike papasok sa trabaho si Mang Filo nang mahilo siya, huminto siyang saglit sa isang tabi para huminga ng malalim sapagkat intersection naman ang susunod niyang susuungin.
At binagtas na nga niya ang daan ng may isang malakas na tumama sa kanyang katawan, lumipad siya sa ere at nakita niya ang maliwanag na ulap, umikot-ikot ang kanyang katawan sa matigas na kalsada at hindi niya ito mapigilan. Nakikita niya ang mga gulong ng sasakyan, hindi niya alam kung bakit pero ingay ng ambulansya ang kanyang naririnig.
Inilagay siya sa isang kama na binubuhat ng dalawang tao, hindi siya makapagsalita sa tanong ng babae.
“Naririnig niyo po ba ako manong?” wika ng isang babae.
Gusto niyang sabihin na naririnig niya ang dalaga ngunit hindi niya alam ang nangyayari, hindi niya maramdaman ang kanyang katawan. Hindi niya mailabas ang kanyang boses at ibinulong na lamang niya sa kanyang sarili,” Panginoon wag n’yo pong pabayaan ang mga anak ko,” at hindi na niya nakayanan pa, pumikit na ang kanyang mga mata.
At hindi na umabot si Mang Filo sa ospital, binawian ito ng buhay habang nasa ambulansya. Halos gumuho ang mundo ng mga anak ni Mang Filo sa nangyari, hindi lang ama ang nawala sa kanila kundi ang nag-iisa nilang kamag-anak. Wala nang malalapitan ang mga anak ni Mang Filo dahil kahit si Aling Dada ay hindi na mahagilap mula noong naaksidente ang kanilang ama.
Umiiyak ang mga anak ni Mang Filo sa kanyang lamay nang may lumapit kay Fin na isang lalaki.
“Hijo, ako yung may-ari ng bus na nakasaga sa tatay mo, huwag mo sana akong sigawan dito, mag-usap tayo ng maayos,” wika ng isang lalaking mukhang Intsik.
“Bakit po kayo nandito? Inayos na po ng mga tao niyo yung tulong na galing sa kumpanya nyo, hindi na ho kailangang pumunta kayo rito sa lamay ng tatay ko,” baling ni Fin sa lalaki.
“Ako si Mr. Yu, nakikiramay ako. Alam ko buhay ang nawala sa inyo, at nandito ako para mag-abot ng personal na tulong,” wika ng lalaki.
“Pwede kang humingi ng tulong sa ‘kin o di kaya’y pag-aaralin ko kayong lahat ng mga kapatid mo hanggang sa makatapos kayo,” wika ng matanda kay Fin.
“Babalikan ko na lang po kayo, huwag po ngayon at hindi pa po kami nakakapagluksa ng matiwasay para sa tatay namin,” sagot ni Fin rito.
At nailibing na si Mang Filo na walang ginagastos ang mga anak nito, inasikaso lahat ng kumpanya ng bus na nakasagasa sa tatay niya, nag abot rin ng pinansyal na tulong ang pinagtratrabahuhan ni Mang Filo sa mga anak. Hanggang sa nakaisip si Fin ng hihingin kay Mr. Yu. Pumunta ito sa opisina ng lalaki.
“Mr. Yu, pwede pa ho bang kunin ang personal na tulong na inalok ninyo sakin dati?” tanong ni Fin sa lalaki.
“Oo naman, basta kaya ko at ng aking kumpanya,” sagot ng lalaki.
Hindi ko na ho hihingiin na pag-aralin niyo kami ng mga kapatid ko, hihingi na lang ho ako ng isang bus sa inyo,” baling ni Fin sa ginoo.
“Bus? Bakit bus?” tanong ni Mr. Yu
“Kailangan ho kasi namin ng mapagkakakitaan at ang bus niyo lang po ang naiisip kong magliligtas sa amin,” pahayag ni Fin.
Ibinigay ni Mr. Yu ang kahilingan ni Fin. Hindi niya rin ito pinabayaan dahil sa loob ng isang taon ay kumuha ng tao si Mr. Yu sa kanyang kumpanya para iyon muna ang magmaneho sa bus na ibinigay niya habang nag-aaral pa si Fin sa lahat ng kailangan niyang malaman tungkol sa pagmamaneho ng bus.
At lumipas ang ilang taon ay napalago ni Fin ang hanapbuhay na siyang tumustos sa pangangailangan nilang magkakapatid. Hindi na muna nag-aral ang binata ng kolehiyo, pinagtapos na muna niya ang mga kapatid niya.
Ngayon ay asensado na ang pamilyang Delalato. Ang dating isang bus, ngayon ay 30 na at nagtayo rin ang pamilya ng Filo Terminal.
Hindi man maibabalik ang buhay ng kanyang ama, alam naman nilang masaya ito sa naging pagbabago sa kanilang buhay.