Hagalpak sa Tawa ang Lalaki Nang Makakita ng Lumpo, Nagulat Siya Nang Malaman ang Pagkatao Nito
Dahil mahirap lamang ang pamilya ni Brian, hindi kinaya ng kanyang ama’t ina ang pagpapaaral sa kanya sa kolehiyo. Kaya naman nang makapagtapos ng high school ay labis labis ang tuwa ng kanilang pamilya nang isang doktor ang nag-alok ng tulong pinansyal at iskolarship sa binata.
“Matagal ko na hong nasusubaybayan ang magandang performance ng anak ninyo sa eskwela. Kaya naman aalukin ko ho sana kayo ng iskolarship upang makasigurong makapagtapos ng pag-aaral ang matalino ninyong anak,” saad ng butihing doktor na si Dok Javier.
Halos maluha naman ang mag-asawang si Alicia at Rod nang marinig ang alok ng doktor. Nagyakapan pa ang dalawa kasama ang kanilang anak sabay tanggap ng alok ng lalaki.
“Maraming-maraming salamat ho! Ang katunayan ay balak nga ho sana namin siyang patigilin muna ng pag-aaral dahil wala pa kaming sapat na pera upang ipambayad sa eskwela niya. Maraming salamat ho talaga!”
“Walang anuman. Brian, mag-aaral kang mabuti ha? Ang gusto ko lang naman ay dumami ang mga kabataang may pinag-aralan, may prinsipyo, at may mabuting kalooban sa ating maliit na bayan,” wika ng doktor.
“Opo, salamat po,” nakangiting sagot ng binata.
Matapos ang dalawang buwang bakasyon, maagang bumangon si Brian upang maghanda na sa pagpunta sa clinic ni Dok Javier. Kagabi ay nakatanggap siya ng text na kailangan niyang pumunta roon upang magbigay ng ilang dokumento, at para maibigay na rin sa kanya ang tseke na gagamitin niyang pambayad sa kanyang enrollment.
Nang makarating sa clinic, agad niyang napansin ang ilan pang estudyante na tila mga iskolar din ng doktor. Matapos ang limang minuto, dumating ang isang lalaki na pumukaw ng atensyon nilang lahat. Wala itong kamay, at wala ring mga paa. Gayunpaman, pilit nitong iginagalaw ang kanyang mga hita upang makakilos.
“Hahaha! Hindi ito circus! Bakit may ganiyan dito?” wika ni Brian na hindi mapigilan ang kanyang pagtawa.
“Huy! Hindi ka na nahiya, ang lakas pa ng tawa mo. Imbes na maawa ka, pinagtawanan mo pa,” saway ng isang dalaga na kapwa niya estudyante.
“E bakit? Nakakatawa kaya! Parang ‘yong mga nagpapalabas nga sa circus!” patuloy na panlalait pa ni Brian. Sa lakas ng kanyang boses ay pinagtitinginan na siya ng karamihan sa mga kasamahan niyang naghihintay sa pagdating ng doktor na magbibigay sa kanila ng iskolarship.
Natigilan ang lahat nang biglang dumating si Dok Javier.
“Good afternoon! Pasensiya na kayo at na-traffic ako. Matagal ba kayong naghintay?” nakangiting bati ng doktor sa kanyang mga iskolar.
“Hindi naman po, dok! Mabuti at nakarating po kayo ng maayos,” masigasig na sagot ni Brian na halatang gustong sumipsip sa magpapaaral sa kanila.
Nakangiting sumagot ang doktor, ngunit nawala ang ngiti nito nang bumulong sa kaniya ang kanyang katiwala.
“Gusto ko nga palang ipakilala sa inyo ang pinakamagaling kong iskolar. Nakapagtapos na siya ng pag-aaral ng abogasya, at ngayon ay narito siya upang pag-aralin ang ilan sa inyo. Gusto niya kasing ibalik ang kabutihang naipakita sa kaniya,” wika ni Dok Javier.
“Si Atty. Roy S. Cuevas, ang kauna-unahang lumpo na naging abogado sa ating bansa,” pagmamalaki ni Dok Javier habang ipinakikilala ang dati niyang pinag-aral na ngayo’y abogado na.
Palakpakan naman ang mga estudyanteng manghang-mangha at tuwang-tuwa sa kwento ng abogado. Halos lamunin naman ng lupa sa pagkapahiya si Brian nang malaman ang pagkatao ng lalaking kanina ay pinagtatawanan niya.
Maya-maya, ipinatawag sa loob ng opisina si Brian.
“Brian? Maupo ka,” wika ni Dok Javier. Mamaya pa ay lumabas rin si Atty. Roy upang sumali sa usapan.
“Ako ang magpapa-aral sa iyo,” wika ng lumpo.
“Nakita mo? Nalaman ko ang mga sinabi mo sa kanya kanina, at ginawa mo pa siyang katatawanan,” wika ni dok.
“Pasensiya na po! Hindi ko naman po kasi alam…” sagot ni Brian.
“Kahit na, hijo. Hindi ka hihingi ng tawad kung hindi mo nalaman na siya ay abogado, at siya pa ang magpapa-aral sa’yo? Hindi ba’t sinabi ko sa’yo noon na gusto ko ay maging edukado at may mabuting kalooban ang mga kabataan sa ating lugar? Ang ginawa mo, pagpapakita ba ‘yan ng tamang asal?” patuloy ni dok.
“Ayos lang ho sa akin, dok. Brian, kaya mo bang mangako na magbabago ka na? Na kailanma’y hindi ka na manghahamak ng tao nang dahil lang sa kanilang itsura?” tanong ng abogado.
“Opo, patawarin po ninyo ako,” sagot ni Brian habang halos lumuhod na sa harap ng dalawa at umiiyak.
Matapos ang pangyayaring iyon, itinatak ni Brian sa kanyang utak na mali ang kanyang nagawa. Kailanma’y hindi na siya namahiya ng tao, at hindi na nangutya ng mga may kapansanan.
Tulad ng pangako sa kanya, tinustusan ang apat na taong pag-aaral niya sa kolehiyo. Labis ang pasasalamat niya dahil noong una’y akala pa niya’y tatanggalin na ang iskolarship niya nang dahil sa pangungutya. Kaya naman bilang ganti, ipinagpatuloy niya ang pagtulong sa kabataan sa kanilang lugar. Nang siya naman ang nakaraos sa buhay, kumuha siya ng iilang estudyanteng may potensiyal at ipinagpa-aral ng libre sa kolehiyo.