Siya na nga ang Binastos, Siya Pa ang Sinisi ng Kanyang Nobyo Nang Minsang Mapagsamantalahan Ito; Matauhan Pa Kaya ang Babaeng Ito?
Mag-iisang taon nang magkasintahan si Jack at Mary. Noong una’y hatid sundo ang dalaga kung saan siya magpunta, ngunit nang tumagal ay tila napagod na rin si Jack dahil sa layo ng bahay ng dalaga mula sa kanyang bahay. Dahil sa pagiging maintindihan, agad naman itong naintindihan ni Mary.
Maganda si Mary, bukod sa kanyang malambing na mukha ay taglay rin niya ang mala-modelong katawan. Kaya naman sa tuwing magkasama sila ay hindi maiwasan nang ilan na mapalingon at mapatingin sa kanya. At lalong hindi niya naiiwasan ang mga manyakis na madalas ay nanti-trip sa kanya.
“Miss! Tara, sakay na. Sakay na sa’kin,” nakangising sabi ng tricycle driver.
“Hindi, sa’kin ka na lang sumama, miss beautiful! Papaligayahin kita,” sabat naman ng isang construction worker na kanina pa panay sipol sa kanyang pagdaan.
Napahigpit na lamang ang hawak ni Mary sa kanyang nobyo. Tila ba nanghihingi ito ng tulong upang ipagtanggol siya sa mga manyakis na ito.
“Bakit ba kasi hindi ka nagsuot ng jacket? Binabalandra mo ‘yang katawan mo kaya ka nagaganyan e,” kunot-noong sabi ni Jack.
“Binabalandra?! Walang mali sa suot ko, disente ito at normal na kasuotan lamang. Bakit imbes na sila ang pagsabihan mo e ako pa ang ginigisa mo?!” sagot naman ni Mary.
Hindi lamang ito ang unang beses na nangyari iyon. Sa tuwing may maninipol o mambabastos sa dalaga’y palagi lamang sinisisi ni Jack ang kanyang nobya.
Isang gabi, nagising si Jack sa tawag at walang humpay na text ng kanyang nobyang si Mary.
“Babe! Gising! Sobrang nakakatakot ‘yong nangyari sa’kin!” unang text nito.
“Jack! Please, puntahan mo ako. Nanginginig pa rin ako sa takot,” sumunod na text ni Mary.
“Gising!!! Please!” pagmamakaawa pa nito.
Nang maalimpungatan na si Jack, agad niyang sinagot ang tawag nito.
“Buti naman at sumagot ka na. Alam mo ba ang nangyari sa’kin? ‘Yong sinasakyan kong tricycle driver, sinubukan akong pagsamantalahan. Mabuti na lamang at may napadaang isang butihing lalaki na tumulong sa akin,” iyak ng babae.
“Ha? Ayan ang sinasabi ko sa’yo! Naka-shorts ka pa kasi! Alam mo namang gabi na at maraming manyakis,” sigaw ng lalaki imbes na pagaanin ang loob ng nobya.
“Ako pa rin ang may kasalanan? Umuulan, Jack! Malaki ang baha, kaya nagpalit ako ng shorts para hindi ako lamigin kapag nabasa ang pantalon ko. At isa pa, alam mong ganito ang uwi ko sa trabaho bilang nurse!” sagot naman ng babae.
Matapos ang sagutan, sa wakas ay pinuntahan na ni Jack ang kanyang nobya.
“O, ano? Buti nga sa’yo! Naturuan ka ng leksyon, ano?” tatawa-tawa pang sabi ni Jack habang tinitingnan ang basa sa ulan at umiiyak na kasintahan.
Lalong tumindi ang pag-iyak ng dalaga. Ngunit maya-maya pa ay isang lalaki ang sumabat sa kanilang usapan,
“Boss, e parang hindi naman tama ang ginagawa mo. Bakit siya pa ang sinisisi mo?” wika ng lalaking tumulong kanina kay Mary.
“Aba’y sino ka ba? Bakit nangingialam ka sa usapan naming magkasintahan?” pabalang na sagot ni Jack.
“Mahalaga pa ba kung sino ako? Hindi ka ba naaawa sa nobya mo? Muntik nang malagay sa alanganin ang buhay niya. Pero heto ka ang nagbubunganga tungkol sa pananamit niya, at panay pa ang sisi sa kanya na siya ang may kasalanan kung bakit siya nalagay sa ganoong sitwasyon,” saad ng lalaki.
Sa init ng ulo ni Jack, umamba siyang sasapakin na ang lalaki. Nang bigla na lamang tumayo si Mary at nagsalita.
“Jack! P*tang*na, tama na! Sawang-sawa na ako sa’yo. Tama si kuya e. Sa tuwing malalagay ako sa ganitong sitwasyon, ako na lang ang parating may kasalanan! Ni minsan, hindi mo ako ipagtanggol!” sigaw ng babae.
Nanlaki ang mata ni Jack. Hindi niya matanggap na ipinahiya siya ni Mary sa harap ng maraming tao sa presinto. Ibinaling nito ang galit sa dalaga, at umakma na namang susuntok ngunit ngayon ay patungo na sa mukha ni Mary.
Mabuti na lamang at sinalubong siya ng suntok ng lalaking tumulong sa kanyang nobya.
“Pati babae sasaktan mo? Wala ka bang b*yag?!” sigaw niya matapos patikimin ng suntok sa mukha si Jack.
“Maghiwalay na tayo! Umalis ka rito, hindi kita kailangan!” sigaw ni Mary.
Sa labis na pagkapahiya, nagmadaling umalis si Jack sa presinto. Maya-maya pa ay dumating na ang nanay at tatay ni Mary, na agad namang yumakap sa kanilang nag-iisang anak.
“Huwag ka nang umiyak. Mabuti nga’t nakipaghiwalay ka na sa lalaking iyon. Walang kwenta!” sigaw ng kanyang ama na galit na galit.
Kumalma na si Mary nang mahagkan ng kanyang ina. Nang mahimasmasan ay agad niyang kinausap ang lalaking tumulong sa kanya at labis na nagpasalamat dito.
“Sa susunod, huwag ka nang magnonobyo ng ganoon, miss. Ako nga pala si Benny,” natatawang payo ng lalaki sa kanya.
“Salamat sa’yo at nagkaroon ako ng lakas ng loob na kumawala sa kanya. Oo naman, doon ako sa magtatanggol sa akin,” sagot naman ng dalaga.
Madalas ay hindi kasalanan ng mga biktima ng pananamantala kung bakit iyon nangyari sa kanila. Talagang hindi dapat na tularan ang lalaking kagaya ni Jack na naninisi pa ng biktima imbes na tumulong na lamang dito. Malaking karma ngayon sa kanya ang mawala ang babaeng nagmamahal ng lubos sa kaniya noon.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!