Inday TrendingInday Trending
Minaliit ng Tindera ng Asin ang Anak Niyang Mahina ang Ulo, Ito Pa Pala ang Mag-Aahon sa Kanya sa Hirap

Minaliit ng Tindera ng Asin ang Anak Niyang Mahina ang Ulo, Ito Pa Pala ang Mag-Aahon sa Kanya sa Hirap

Nagtitinda ng asin si Aling Maring, habang ang mister niya naman ay mangingisda. Mayroon silang tatlong anak, ang panganay na si Rodela na 17 taong gulang, sinundan ni Randel na 15 taong gulang at ang bunsong si Rada, 12 anyos.

Sobrang hirap na nga ng buhay ay nabuntis pa ang panganay nila, bale ba ay ito na sana ang pag asa nilang makaahon dahil ipinangutang pa nila ito ng pangkolehiyo. Ngayon ay nagsasama na ito at ang nobyo, na hirap rin sa buhay.

Tanging si Randel at Rada na lamang ang kasama nilang mag asawa sa bahay.

“Nay, ano nga ho ulit ang sagot sa 5×3?” kumakamot sa ulo na sabi ni Randel.

“Ba, mag 4th year high school kana eh tutungaw tungaw kapa. Kinse! Paano ka tutulong sa akin magtinda ng asin, malulugi ka sa suklian!” kantsaw niya rito.

“Nay, di ako magtitinda ng asin. Balang araw yayaman ako at bibilhan kita ng bahay!” nangangarap na sabi ng binatilyo.

Napakamot naman sa ulo si Aling Maring, paano naman kasi, sa mga anak niya ay si Randel ang pinakamahina ang ulo. Mahal niya naman ang anak niya pero talagang nagpapakatotoo lang siya. Ang ate nito at bunsong kapatid ay magaganda ang grades, samantalang puro palakol naman ito. Makakuha nga lang ito ng 80 sa card ay baka magpapancit siya.

Tanggap niya na sa sariling walang unlad sa anak niya, di na siya umaasa. Marahil ay binigo na rin sila ng kanilang panganay na may utak, ito pa kayang hindi matalino?

“Tama na yang ka-iilusyon mo, tena at mamalengke na tayo. Tinola ang ulam ngayon,” masayang sabi niya rito.

“Talaga ho nay? Ayos ah! Mukhang mayaman ka ngayon nay ah, sa wakas makakatikim rin ng manok. Malapit na akong tubuan ng hasang sa kaiisda natin,” nakangiting sabi ng binatilyo.

Naglakad na ang mag ina patungo sa palengke, para mabilis silang matapos ay si Aling Maring ang pumunta sa gulayan habang si Randel naman ang naatasan niyang bumili ng leeg ng manok. Wala silang sapat na pera pambili ng hita.

Binibilang pa ng binatilyo ang kanyang barya habang papalapit sa matabang ale na nagtitinda ng manok.

“Te,” tawag niya rito. Abala ang ale sa pagku-kwenta.

“O?” masungit na sabi ng matabang tindera.

“Wala kang leeg?”

“Ano sabi mo?!” napatayo pa ito, ba, naisip ni Randel na baka hindi maganda ang gising ng ale.

“Sabi ko ho, wala kabang leeg?”

“Ba tarantadong bata to ah napakabastos mo ah!” sabi ng ale at bigla nalang siyang pinaghahampas ng hawak nitong pangbugaw ng langaw, litung lito naman si Randel sa inasal ng ale.

Nang dumating ang nanay niya ay ito na mismo ang humingi ng tawad, “Pasensya ka na, hindi lang talaga marunong makipag usap ang anak kong ito mahina ang ulo kasi nito. Pasensya na,”

Nasaktan si Randel sa sinabi ng kanyang ina.Alam naman ng binatilyo na sa larangan ng eskwela ay di sya ganoon katalas pero di nya inaasahang dito pa magmumula iyon.

Pag uwi sa bahay ay na-sermunan ni Aling Maring ang anak, “Ayaw mo kasing iisipin muna ang sasabihin mo! Nag eskandalo pa kayo doon, nakakahiya!” sabi ng ginang.

“Nay pasensya na eh hindi ko naman alam na mamasamain nya ang ibig ko namang sabihin eh leeg ng manok ho.”

“Maski na! Hindi ka kasi nag iisip eh.” pinandilatan pa siya nito.

“Siya rin naman ho hindi muna nag isip. Pag ako talaga yumaman Nay hindi ako sa kanya bibili. Malay nyo balang araw eh magkaroon ako ng restaurant, sa ibang tindera ako kukuha ng supply ng-“

“Randel! Baka sa Pasko eh bigyan kita ng alarm clock, nang magising ka sa katotohanan anak. Tigilan mo na iyang kaiilusyon mo, nak sa eskwela nga hindi ka makabangon sa buhay pa kaya? Diyos ko naman, wag sanang sasama ang loob mo pero matatalino lang ang yumayaman!” aburidong sabi ni Aling Maring at lumabas na.

Naiwan doon ang binatilyong si Randel,nag iisip.

Pagka-graduate nya ng high school ay di na siya pinag aral pa ng magulang sa kolehiyo. Katwiran ng mga ito’y babagsak lang sya at sayang pa ang matrikula.

Kaya naman nag apply na lamang siya bilang janitor sa isang call center, sa posisyong iyon ay agad siyang natanggap.

“O diba anak, yan ang sabi ko sayo. Ngayon hindi masyadong mataas ang pangarap mo, edi hindi ka nasasaktan diba?” sabi ng kanyang ina.

Tahimik lang naman ang binata at di nasagot sa mga ganoong komento.

Naging masipag siya, kahit pa mahirap ay inaral niya ang salitang Ingles. Mukha siyang baliw na nagpa-praktis sa salamin, minsan habang nagma-mop ng sahig ay ginagaya niya ang salita ng mga empleyadong naririnig nya.

Unti unti ay natuto si Randel. Sinubukan niyang kausapin ang isa sa mga manager doon.

“Sa totoo lang Randel ang requirement namin dito ay atleast 2 years sa college. Pero dahil kilala kitang masipag at matyaga ay pagbibigyan kita, pagbutihan mo ha?” nakangiting sabi nito.

“Oho Sir! Salamat po ng marami!”

Sa tulong ng iba pang empleyadong na-inspire sa kanya ay mas gumaling ang pagsasalita ng lalaki ng Ingles. Di makapaniwala ang kanyang ina na kumikita ang anak niya ng 22,000 kada buwan.

Konting tiyaga pa, makalipas ang dalawang taon ay na-promote siya bilang team leader. Malaki laki na rin ang sahod niya at pinapagawaan niya na ng bahay ngayon ang kanyang mga magulang, siya na rin ang nagpapaaral kay Rada sa kolehiyo.

Di makapaniwala ang kanyang nanay habang nakamasid ito sa malaki nilang bahay na ginagawa ngayon.

“Anak, pasensya na kung pinagdudahan kita. Salamat dahil sa tanda kong ito ay binigyan mo ako ng pag asa na hindi pinag aralan ang sukatan ng tagumpay,” naluluhang sabi ng ale.

Nakangiti namang niyakap ni Randel ang kanyang ina, sa wakas ay napatunayan niya na rin ang kanyang sarili rito.

Advertisement