Nagtatampo ang Binata sa Nobya Dahil Ayaw Siya Nitong Pagbigyang Makipagtalik, Nagbago ang Lahat nang Makausap Niya ang Misteryosong Sundalo
Mag iisang taon nang magnobyo sina Tom and Hera. Ngayon ay nasa ikaapat na taon na sa kolehiyo ang dalawa, mahal naman ng lalaki ang kanyang nobya. Katunayan ay nakikita niya nga ang sarili na bumubuo na ng pamilya kasama ito, kaya lang minsan ay naiinis siya dahil masyadong conservative si Hera.
Sa kanilang pagsasama ay tanging smack na halik lang sa labi ang ipinagkakaloob nito sa kanya, pasimpleng yakap at hawak kamay. Tampulan tuloy siya ng tukso ng kanyang mga kaibigan, lalo pa at kilala siyang dating playboy.
“Pare, wala ka pala eh. Si Hera lang katapat mo! Anyare na sa manok namin, matinik ka dati diba? Pa-tuka tuka ka nalang ngayon!” tatawa tawang biro ng barkada niya.
Hindi siya nagkukwento sa mga ito pero nasasaksihan naman ng mga kaibigan niya ang mga pa-simpleng pagsiko sa kanya ng dalaga kapag humihigpit na ang hawak niya sa bewang nito tuwing magkakasama sila.
Nangingiting umiling na lamang si Tom, ano pa ang isasagot niya eh totoo naman?
“Dyan na kayo, nag-text na si bossing,” sabi niya lang nang mabasa niya ang text ng nobya na tapos na ang klase nito.
“Wala, andres de saya to!” narinig niya pang biro ng mga ito bago siya makalayo.
Sinundo niya si Hera at inihatid sa tapat ng boarding house nito, bago bumaba sa kotse ang babae ay hinawakan niya ang kamay nito.
“Kiss ko,” nakangusong lambing niya.
Napangiti naman ang kanyang nobya, inalis nito ang seatbelt at inilapit ang labi sa kanya. Saglit na dampi lang iyon.
“Isa pa,” bulong ni Tom. Pinagbigyan naman siya ng babae at muling dinampian ng maliliit na halik ang kanyang labi. Sinubukan ni Tom na ibuka ang bibig at palalimin ang halik pero agad na lumayo na si Hera.
“B-baby, di ba hindi pa ako ready?” paalala nito sa kanya. Napasimangot nalang ang lalaki, hindi ba siya nakakaakit?!
“Para namang diring diri ka sa akin..” bulong niya, nakakasama lang talaga ng loob.
“Come on, wag ka nang magtampo dyan. Pagkatapos ng exams ay bakasyon na, punta nalang tayo sa rest house ng lolo ko sa Batangas. Dun tayo mag spend ng vacation,” nakangiting wika nito.
Napaisip si Tom, nandun man ang lolo nito ay tiyak niyang matanda na iyon. Malaki ang chance na ma-solo niya ang nobya at maka-score na rito. Ang laki ng ngiti niya.
“Promise?”
“Promise po.I love you,” sabi ng babae at bumaba na sa kotse.
Mabilis lumipas ang mga araw at ngayon ay excited na si Tom na ibinababa ang mga gamit sa kotse. Narito na sila sa rest house ng lolo ni Hera, lumang luma na ang bahay at isang matandang babaeng caretaker ang naroon. Nagwawalis ito ng mga dahon at walang kibo.
“Where’s your lolo mahal?” tanong ni Tom.
“Nasa taas, sa kwarto niya. Bukas na kita ipapakilala, kain na muna tayo then pahinga,” sabi ng babae. Sabagay, malaking malaki ang bahay at kung matandang matanda na ang lolo, baka di na nito mamalayan pang dumating sila.
Tamang tama, sabi ng pilyong utak ni Tom.
Ang ganda ganda ng ngiti niya nang kumain sila ng hapunan, lalo pa ng magpaalam na ang aleng caretaker na uuwi na raw dahil tapos na sa gawain. Ngayon ay silang dalawa na lang ni Hera.
Nagprisinta na si Tom na maghugas ng pinggan, sinabihan niya si Hera na maligo na muna. May sariling banyo ang bawat kwarto sa bahay, nang matapos si Tom na maghugas ng pinggan ay kumatok na siya sa nobya.
Takang takang nagbukas ng pinto si Hera, “Yes mahal?”
” ‘you ready?” nakangising tanong niya.
“Ready for what? I’m about to sleep, but if you want to watch TV pwede naman kitang samahan. By the way, dun ang room mo sa blue na door,”
Na-disappoint si Tom. All this time akala niya ay magtatabi sila ni Hera, yun pala ay magkahiwalay pa rin. Napabuntong hininga siya, at tumalikod. Ang sama sama ng loob niya. Badtrip.
“Huy, san ka pupunta?” takang tanong ng babae.
Manhid! halos isigaw ni Tom pero di na siya kumibo, ayaw niyang masaktan ito.
“Papahangin lang. Wag mo na kong sundan babalik rin ako agad,” walang lingon na sagot niya.
Umupo siya sa madilim na bahagi ng bakuran, ayaw niyang matanaw ang nobya na alam naman niyang nakasilip sa bintana nito. Malawak ang lugar, at malamig ang paspas ng hangin. Bumuntong hininga na paulit ulit ang lalaki, hinimas niya rin ang kanyang sentido.
Ilang minuto pa ang nakalipas ay nakarinig siya ng ilang yabag. Tila ba nagma-martsa iyon.
“Kaliwa, kaliwa, kaliwa kanan kaliwa!” sabi ng matigas na boses.
Napalinga linga si Tom at hinanap ang pinanggagalingan ng tinig. Palapit nang palapit iyon, hanggang bumungad mula sa likod bahay ang isang matikas na sundalo. Siguro ay matanda ito ng apat hanggang limang taon kaysa sa kanya.
“Excuse me, who are you?” tanong niya. Tinitigan niya ito, hawig ng daddy ni Hera kaya naisip niyang kamag anak. Baka pinsan.
“Nobyo ka ni Hera?” balik tanong nito sa kanya, umupo sa tabi niya pero matikas pa rin ang tindig.
Tumango lang naman si Tom, “Ikaw, pinsan ka niya? Medyo badtrip lang ako pre. Pinsan mo kasi, ang hirap espilengin. Mahal ko naman yan sya, pero lalaki tayo pare diba? May mga pangangailangan tayo. Parang diring diri sa akin!” dire diretsong sumbong nya.
Napangiti ang sundalo, “Ganoon talaga, lalaki tayo eh. Pero kung mahal natin, mas mahalaga ang ikaliligaya nila kaysa sa pansarili at makamundo nating hangad. Kung matututo tayong maghintay, pasasaan ba at makakamit rin natin ang ligaya. Sa tingin mo, kung maghihintay ka ng matagal tapos si Hera ang gantimpala sa dulo, sapat ba iyon?” makahulugang tanong nito.
“Oo naman pare! Sapat na sapat,” napapangiting sagot niya.
“Kung ganon, i-respeto mo ang gusto niya. At lalo siyang mapapamahal sayo,” tinapik pa nito ang balikat niya at tumayo na. Muling nag-martsa patalikod.
“Ayos ka kausap ‘insan, thank you ha. Bakit pala gabi ka kung mag ensayo? Tsaka ayos ang get up ah, complete uniform,” kantsaw niya pero di ito nagsasalita. Tuloy lang sa pagma-martsa, bago ito makalayo ay napansin ni Tom ang tatak sa suot nitong uniporme.
1939.
Tatanungin niya pa sana pero tuluyan na itong naglakad palayo. Napailing nalang si Tom, kakausapin niya si Hera tungkol sa pinsan nito, magkakasundo sila. Pagpasok niya sa loob ay nagulat siya dahil naroon na ang nobya sa salas, sinalubong siya nito ng yakap. Mahigpit na mahigpit.
“S-sorry na, alam ko naman ang gusto mo eh. Iniiwasan ko lang kasi nga gusto ko pag kasal na tayo dun lang-“
“Ssssh. Wala kang dapat ipag-sorry. Ako ang dapat na magsorry sayo dahil di ko ni-respeto ang desisyon mo, okay na baby,” sabi niya at dinampian ito ng halik sa noo.
Nang gabing iyon ay magkatabi silang natulog pero walang ginawa si Tom, yakap niya lang ang nobya at kuntento na siya. Kung saan masaya si Hera, masaya na rin siya. Kinabukasan ay maaga siyang ginising ng dalaga dahil ipapakilala raw siya sa lolo nito.
“Teka lang, di pako nakakamumog nakakahiya!” natatawang sabi niya pero kinakaladkad na siya ng nobya at papasok na sila sa kwarto ng lolo nito.
“Ayos lang yan di sya maselan!” sabi nito, binuksan na ang pinto.
Tumambad sa kanila ang maraming medalya at award na nakasabit sa dingding. Luma na ang mga iyon pero halatang alagang alaga dahil walang alikabok, may mga tropeyo rin sa ibabaw ng narra na mesa.
“Wow, your lolo is an achiever. Where is he?” bulong niya sa nobya.
“Here,” nakangiting sabi ni Hera at hinaplos ang isang vase na may pangalan. Naroon pala ang abo ng matanda.
“W-wala na ang lolo mo?” di makapaniwalang tanong niya.
Tumango si Hera, “Oo, three years ago. Bago ako magcollege at pumunta sa Manila he passed away. Pero buhay na buhay siya sa heart ko,” sabi nito. Magsasalita pa sana si Tom nang mahagip niya ng mata niya ang isang lumang uniporme ng sundalo na nakalagay sa salaming aparador. Napansin ng nobya na doon siya nakatitig kaya muli itong nagsalita.
“Dati siyang sundalo. Magaling siya sa larangang iyon,” sabi nito. Nanlaki ang mata ni Tom nang makita ang nakatatak sa uniporme- 1939.
“P-pwede ko bang makita ang picture niya?”
Nagtataka man si Hera ay inilabas nito ang ilang lumang photo album. Dali dali iyong binuklat ng lalaki. Mayroong mga larawan doon ng matanda na karga karga ang batang apo pero nang buksan niya ang mas luma pang photo album ay tumambad sa kanya ang isang pamilyar na mukha, ang sundalo kagabi!
“That’s him noong bata bata pa, gwapo at matikas no?” nagmamalaki si Hera, walang kaalam alam ang pagkasindak na nararamdaman ng nobyo.
Hindi ito pinsan ni Hera, kundi lolo pala!
Tulala si Tom hanggang makalabas sila ng kwarto. Mabilis lumipas ang araw at laking pasasalamat ng lalaki na di na muling nagparamdam pa ang sundalo.
Bago sila tuluyang lumisan ay sumulyap pa si Tom sa lumang bahay, at di niya alam kung namamalikmata siya dahil naroon ang nakangiting sundalo sa bintana at nakatingin sa kanya.
“Iingatan ko po siya lo, pangako,” bulong niya sa hangin.
Lalong lumaki ang ngiti ng sundalo at sumaludo pa sa kanya.
“Huy, sinong kausap mo?”
Nakangiting hinawakan ni Tom ang kamay ni Hera. Sinunod niya ang pangako sa yumaong lolo ng nobya at iningatan niya ito, makalipas ang tatlong taon ay nagpakasal ang dalawa. Hindi pinagsisisihan ni Tom ang kanyang desisyon na irespeto ang nobya dahil walang kasing ligaya ang unang gabi nila bilang mag asawa.