Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Bayarin sa Kuryente ay Naghiwalay ang Mag Asawa, Isang Bagay ang Nag-Udyok sa Kanila Upang Magkabalikan

Dahil sa Bayarin sa Kuryente ay Naghiwalay ang Mag Asawa, Isang Bagay ang Nag-Udyok sa Kanila Upang Magkabalikan

“Pangako mamahalin kita, kahit anong mangyari ay hindi kita iiwan kailanman.”

Napangiti si Ben sa sinabi ng kanyang asawang si Tyra. Kitang kita niya ang pagkislap ng mga mata nito. Dahil doon ay hindi niya na rin napigilan ang sariling mga luha sa pagbagsak.

“Pangako, magtutulungan tayo. Kahit anong mangyari, hinding hindi kita pababayaan at hahayaang mahirapan.”

Matapos ang kasal ng mag-asawang Ben at Tyra ay naging masaya at masigla ang kanilang pagsasama. Hindi sila mapaghiwalay sa bawat oras ng kanilang mga buhay. Nagkaroon agad sila ng supling sa unang taon ng kanilang pagsasama.

Kaya napilitang tumigil sa pagtatrabaho si Tyra nang manganak upang matutukan ang kanilang panganay. Si Ben ang sumalo ng lahat ng gastusin sa bahay. Naging maayos pa rin ang kanilang pagsasama dahil sa kanilang munting anghel, na sobrang cute at talaga naming nakakatanggal ng pagod.

Ngunit isang pangyayari ang naging daan upang unti unting magdilim ang dating maliwanag at masaya nilang tahanan. Dahil napaaway sa kanyang boss si Ben ay nagresign siya sa trabaho nang wala pang nahahanap na bago. Maraming gastusin dahil kagagaling lang rin sa sakit ng kanilang anak.

Pinagsabihan siya ni Tyra, “Bakit ka naman nagresign agad? Sana nagpasensya ka muna hanggang sa makahanap ka ng bagong trabaho.”

Doon tila nagpanting ang tenga ni Ben at nasigawan na ang asawa, “Anak ng teteng naman! Sinabi ko na sayo kanina kung paano ako pinahiya ng ulupong kong boss diba? Paano mo pa nasasabi ‘yang mga ganyang bagay, Tyra?”

Sasagot palang sana ang dalaga nang biglang mawala ang kuryente, “Brown out?”

Napahawak sa sentido ang babae, “Naputulan tayo ng kuryente.”

Nainis lalo si Ben, “Hindi mo pa ba binabayaran ang ilaw?” Maya-maya ay nagtungo ito sa gripo at binuksan iyon, “Ano ‘to? Putol na rin ang tubig?”

“Oo kanina pang umaga,” malamig na sagot ni Tyra.

Napasuntok si Ben sa pader, “Pucha naman! Bakit hindi mo binabayaran? Hindi ba nagbibigay naman ako sayo ng pera?! Saan mo dinadala ang pera?!”

Doon na hindi nakapagtimpi si Tyra at napipikong sumagot na rin sa asawa, “Eh walanghiya ka pala! Sa kakarampot na binibigay mo sa akin, sa tingin mo kakasya yun sa panggatas, diaper ni baby, pambili ng pagkain, pambayad ng renta at pagbabayad ng bills?! Mag-isip ka nga. Ako pang sinisisi mo samantalang ikaw itong nagresign sa trabahong hindi ginagamit ang utak!”

“Anong sabi mo?!”

Sigawan at batuhan ng mga gamit sa bahay ang nangyari sa pagitan ng mag-asawa. Kahit iyak na nang iyak ang kanilang anak ay walang nagpaawat sa kanila. Hanggang sa umalis si Ben at iniwan ang mag-ina niya. Dahil sa sama ng loob ay nag-alsabalutan rin si Tyra at sinama ang anak sa kanilang probinsya.

Noong maghiwalay sila ay hindi nila inisip ang isa’t isa. Pride ang pinairal nila. At sa isip nila ay mali ang bawat isa kung kaya wala nang nagpapigil upang tuluyan silang magkahiwalay.

Ngunit sa bawat araw na lumilipas na magkahiwalay sila ay tila nararamdaman nila ang kulang sa puso ng isa’t isa. Simula nang mangyari iyon ay parehong palaging malungkot sa kani-kanilang buhay ang mag-asawa. Miss na miss na rin ni Ben ang kanyang anak, samantalang si Tyra ay inaalala kung paano na ang kanyang asawa ngayong wala nang nag-aasikaso dito.

“Kumakain pa kaya ‘yung lalaking iyon? Sino kayang naglalaba at naghahanda ng mga damit nun?”

Habang pinapakain niya ang kanyang anak ay nagtungo ang kanyang paningin sa kanyang palasingsingan at nakita ang wedding ring nila. Naalala niya ang pinangako niya sa asawa sa araw ng kasal nila, “Pangako mamahalin kita, kahit anong mangyari ay hindi kita iiwan kailanman.”

Samantala habang naglalaba ng sariling damit niya si Ben ay napatingin siya sa kanyang wedding ring. Doon ay naalala niya rin ang sinabi niya sa kanyang bride noon, “Pangako, magtutulungan tayo. Kahit anong mangyari, hinding hindi kita pababayaan at hahayaang mahirapan.”

Matapos noon ay agad na tinawagan ni Ben ang kanyang misis na agad namang sinagot ni Tyra.

“Sorry…” sabay nilang sabi at saka nagkatawanan pagkatapos.

Niyakap nila ang isa’t isa at inamin ang bawat pagkakamali nila. “Miss na miss kita.”

Napangiti sila dahil sabay rin nilang sinabi iyon. Marami pang sumunod na away sa pagitan ng mag asawa pero mas matibay na sila, hindi na sila nagpapadala sa emosyon at kailanman ay di na napag uusapan pa ang paghihiwalay.

Advertisement