Inday TrendingInday Trending
Timbog si Teacher

Timbog si Teacher

Walang pang isang taon ang nakalipas nang makapasa si Elaine sa board exam at makuha niya ang lisensya bilang teacher. Ngayon ay isa siyang guro sa 2nd year high school, dalawampu’t apat na taong gulang siya at dalaga. Malakas ang paniniwala niya na upang mas mabilis matuto ang mga estudyante, kailangan ay palagay ang loob ng mga ito sa nagtuturo.

Kaya naman dahil alam niyang naloloko sa K Drama ang mga kabataan, o iyong mga telenovela na koreano ang bida, nanood na rin siya. Syempre, para maka-relate.

Ang problema lang, maging siya ay nadala na rin. Minsan ay mas inuuna niya pang tapusin ang dalawang episode sa kanyang cellphone kaysa magsulat ng kanyang lesson plan.

“Guys, sino ritong nanood ng Confession Couple? Si Jang Nara ang bida, grabe, siya rin pala si Sena noon sa ‘The Wedding’. Gandang ganda talaga ako doon, mas maganda pa kaysa sa nagtangkang mang agaw kay Lee Min Ho sa Boys Over Flowers,” Lunes na Lunes ay iyan ang bungad ni Elaine sa kanyang mga estudyante.

May mangilan-ngilan namang naka-relate, ang iba ay tahimik na nagdiriwang dahil nauubos ang oras nila kakakwento ng guro.

Isang estudyante ang nagtaas ng kamay sa dulo.

“Yes Billy?” tanong ni Elaine. Si Billy ay ka-edad niya na halos, pero 2nd year high school pa rin. Bagong lipat lang ito sa eskwelahan, kung hindi nga lang nakiusap ang kanilang principal na tanggapin niya ang lalaki ay hindi niya ito papapasukin sa klase niya.

Naku, tiyak niya namang bulakbol ito kaya hindi pa makausad. Baka nga nasipa pa mula sa ibang eskwelahan, dito tuloy nagsusumiksik.

“With all due respect Ma’am, kailan po tayo magsisimulang magklase?”

Tumaas ang isang kilay ni Elaine, syempre ay napahiya siya. Pero di niya iyon aaminin, sa halip ay taas noo siyang nagbalik tanong rito, “Bakit mo itinatanong?”

“Gusto ko na po kasing matuto Madam. 30 minutes nalang po ay matatapos na ang oras natin sa subject ninyo, sayang po kasi kung magkukwentuhan lang tungkol sa telenovela.”

Aba, at talagang sumasagot ito. Natameme maging ang ibang estudyante, hinihintay ang magiging reaksyon ng guro.

“As if naman interesado kang matuto, look at you. If I know, nagdiriwang ka deep inside. Hindi ka naman tatanda ng ganyan sa 2nd year high school kung matino ka. Wag ka ngang plastic.”

Halatang nagulat ang lalaki sa tinuran niya, pero hindi na ito kumibo.

Si Elaine naman ay nasira na ang mood, nawala kasi siya sa momentum ng pagkukwento dahil sa istorbong bulakbol. Itinuloy na lamang niya ang pagtuturo.

Makalipas ang ilang oras, nagulat na lamang si Elaine nang ipatawag siya sa principal’s office. Mabait naman ang punongguro pero ewan niya ba, kinakabahan siya.

Lalo na nang masulyapan niya si Billy sa loob nang dahan-dahan niyang buksan ang pinto.

Lintik na estudyante ito, sumbungero!

Mabilis na nag isip si Miss Elaine nang maaari niyang ipanglusot. Tiyak niyang mas paniniwalaan siya ng principal dahil ano ba naman ang maipagmamalaki ng lalaki? Sino ito para paniwalaan?

“Elaine, please sit down,” sabi ng principal.

“Ma’am, buti nalang at ipinatawag ninyo ako. May sasabihin rin po kasi talaga ako. About po dito kay Billy. Ma’am, hindi ko po pala kaya. Ilipat ninyo nalang siya sa ibang teacher po.”

Kumunot ang noo ng matanda, “Bakit naman?”

“Magulo po siya sa klase. Alam ko po kung bakit siya narito ngayon, dahil pinagsalitaan ko siya ng hindi maganda kanina, diba? May dahilan iyon Ma’am, kasi po nagtuturo po ako bigla po siyang tumayo at kung anu anong kalokohan ang ginawa. Pakiramdam ko nabastos ako kaya nakapagsalita ako ng hindi maganda.”

Kasunod noon ay pinalungkot niya pa ang mukha para mas kapani-paniwala.

Lihim siyang natatawa dahil alam niya, sigurado siya, mapapagalitan ang kati-katerong si Billy. Pero natahimik siya sa kasunod na sinabi ng principal.

“You know, Elaine, Billy is my grandson. Hindi totoo ang sinabi ko sa iyong bulakbol siya kaya napalipat ng eskwelahan. Ang totoo niyan, teacher na rin siya at kapapasa lang sa board exam. Sayo ko siya pinaupo, para sana mag obserba at makakuha ng mga magagandang style sa pagtuturo.

Pero blessing iyon dahil hindi lang pala siya ang matututo, pati pala ako, may malalaman.”

Hindi na nakasagot ang dalaga, tumayo nalang siya at pahiyang-pahiyang lumabas.

Humingi siya ng tawad sa principal at kay Billy dahil sa kanyang inasal.

Nanonood pa rin siya ng K Drama, kung gusto niyang makipagkwentuhan sa mga estudyante ay ginagawa niya na lamang iyon kung walang klase. Inuuna niya na rin ang kanyang trabaho.

Minsan talaga, kailangang napapahiya tayo para matuto.

Images courtesy of www.google.com

Advertisement