Madalas nag-iinuman sina Mang Karding sa bakuran nila. Palagi na lamang sila inaabot ng madaling araw kaya naman karamihan sa mga kapitbahay nila ay nabubulahaw sa ingay na nagagawa nila lalo kapag lasing na ang tropa.
Bukod kasi sa malalakas nilang boses, dagdag ingay pa ang videoke na mayroon sila. Habang sila aliw na aliw,ang mga kapitbahay naman nila ay mababaliw na sa ingay.
“Hoy magpatulog naman kayo kung ayaw ninyong matulog aba!” bulyaw ni Aling Miring sa kanila, magdadalawang oras bago tumilaok ang manok.
“Kapag tumilaok na yang manok at hindi pa kayo tumigil dyan, hindi niyo magugustuhan ang gagawin ko!” pagbabanta ng isa pang ale.
“Hay nako, ito nanaman ang bagong saltang mangkukulam, nananakot nanaman!” sagot ni Mang Karding at nagtawanan maigi ang buong tropa.
Hindi nila inintindi ang mga salitang sinabi ng ale. Patuloy pa rin sila sa paglalasing, hindi pa rin nila tinitigilan ang pagkanta at pag-indak nang may kasamang sigawan. Para nga talagang sila lang ang tao sa buong baryo. Walang magawa ang ibang residente dito pagkat si Mang Karding ang namumuno sa kanila.
Sumapit na nga ang oras ng pagtilaok ng manok. Saktong alas singko ng umaga, sakto ring pagkapatay ng videoke nila Mang Karding habang nakanta siya. Hindi niya ito pinansin at muling binuksan ang videoke, naisip niyang baka may nakasagi lang ng switch. Pero bubuka pa lamang ang kanyang bibig upang bumirit nang mapansin niya ang isang pigurang palapit sa kanila.
Sinigawan niya ito at sinabing, “Hoy manang anong oras na at bakit ka andito sa bakuran ko? Gusto mo ba makiinom samin?” biro niya. Pero hindi ito sumasagot. Bigla na lang namatay ang lahat ng ilaw at pagbukas muli nito, wala na ang mga kainuman ni Mang Karding, pati na rin ang babae.
Nagsusumigaw na pumasok sa bahay si Mang Karding. Takot na takot siyang nagsusumiksik sa asawa niyang mahimbing ang tulog.
“Ano ka ba naman Karding! Kalaki-laki mong tao makasiksik ka diyan!” alma ng kaniyang asawa.
“Eh kasi pangga, may babae kaninang lumapit samin tapos namatay yung ilaw tapos nawala silang lahat pagbukas ulit ng ilaw makaraan ang ilang segundo!” pag-iyak ni Mang Karding.
“Ah baka lasing kana kaya namalikmata ka lang, o kaya naman baka kasi pinuyat niyo nanaman yung ale dyan sa tapat. Nanggagalaiti na yon sa inyo. Aba mag-ingat kayo Karding, tunay na mangkukulam daw iyon.” pananakot ng asawa niya.
Nakatulog na sa takot si Karding ngunit maya-maya, pinuntahan na siya ng mga asawa nang mga kainuman niya. Hinahanap na nila pagkat hindi daw nakauwi sa bahay ang mga ito.
“Ha? Wala sa inyo? Eh bigla nga akong iniwan ng mga iyon!” sabi ni Mang Karding.
“Wala Kap eh, baka naman andyan sa asoteya niyo, baka dyan na nakatulog ang mga gunggong.” ika ng isang babae.
Hinanap niya ang tropa sa buo nilang bahay. Hanggang sa nakarating siya sa kanilang bakuran kung saan sila nag-inuman. May naririnig siyang maliliit na boses na tumatawag sa pangalan niya. Halos mapaihi si Karding nang makita ang mga mala-duwende niyang mga kainuman.
“Diyos por santo anong nangyari sa inyo? Bakit ganyan na kayo kaliit? Sino may gawa nito?” natatarantang natatakot na ani ni Mang Karding.
“Yung aleng nagbanta satin kanina pare! Yung bagong lipat! Ang sabi niya dapat nating pagsisihan ang halos dalawang linggong hindi natin pagpapatulog sa kaniya!” iyak nang isa nyang tropa.
“Dagdag niya pa dapat daw tayong mag-alay sa kaniya sa loob ng dalawang Linggo para maibalik niya kami sa dati. Gumawa ka ng paraan Karding! Itago mo muna kami! Dapat daw walang ibang makaalam nito. Maawa ka samin!” pag-iyak pa nang isa niyang ka-tropa.
“Paano, ano ang alay na tinutukoy ninyo-” hindi niya na natapos pa ang sasabihin dahil nakaramdam siya ng ihip ng hangin. Malakas iyon at nagmumula sa likuran niya. Nang lingunin niya ay nanlaki ang kanyang mga mata dahil naroon ang aleng kapitbahay nila. nanlilisik ang mata na papalapit sa kanya.
Para itong nakalutang, nang nasa tapat na niya ay ikinumpas nito ang kamay at bago tumama iyon sa mukha ni Karding ay napasigaw siya.
“Huwag!”
Napabalikwas ng bangon ang lalaki, takang takang tiningnan siya ng mga kainuman. Anak ng tokwa, panaginip lang pala!
“Pare napapaano ka?” tanong ng isa.
Walang sali-salita, tumayo siya at pinatay ang videoke. Pinauwi niya na rin ang mga kaibigan.
“Gabi na, nakakabulahaw tayo. Dali na, hinahanap na rin kayo ng mga misis ninyo,”
Naguguluhan man ang mga ito ay umuwi nalang rin. Bago isara ni Karding ang gate ay natanaw niya ang aleng kapitbahay na nakangiti sa kanya at kumakaway. Kinikilabutan at nagmadali siyang pumasok sa loob.
Nagsign of the cross pa siya at humingi ng tawad sa Diyos.
Totoo man o hindi ang kanyang panaginip, isang aral ito sa kanya na magkaroon ng respeto sa katahimikan ng kapwa at wag abusuhin ang posisyon.
Image courtesy of www.google.com
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!