Kahit Ilang Beses Nabigo Makapasok sa Pag-aartista ay Patuloy Paring Sumusubok sa Audition ang Dalagang Ito, Hindi Lamang Pala Ito Pangarap, Isa rin Itong Pangako
“Thea, bakit ba kahit ilang beses kang mabigo sa audition ay hindi ka pa rin sumusuko?” Palaging tanong ng mga teacher at kaibigan ng trese anyos na si Althea. Ngunit sa lahat ng mga tanong ay tanging ngiti lamang ang sinasagot niya sa mga ito. Araw-araw ay palagi siyang nag-aaudition bilang isang aktres sa Theater Club ng kanilang eskwelahan. Ilang beses siyang hindi natatanggap dahil kung hindi may mas magaling sa kanya ay may koneksyon ang ilang kakumpitensya niyang kapwa-estudyante. Ngunit sa kabila ng hirap sa pag-aaudition at sakit sa pagkabigo ay hindi pa rin siya sumusuko. Isang araw habang papasok siya ay tumingin siya sa salamin at sinabi sa sariling, “Kaya ko ‘to!” May malapad na ngiti sa mga labi at lakas ng loob ay pumasok si Althea sa pinto ng teatro, “Good morning po.” Bumungad sa kanya ang mga nagpapraktis na estudyante. Nilapitan naman siya ng propesor na namumuno sa teatro. “Oh, Thea mag-aaudition ka ulit?” tanong nito. Ngumiti siya at tumango, “Opo, sir!” Sinimulan niyang basahin ang script at maya-maya pa’y malalim siyang huminga at nag-isip. Inisip niya ang unang taong matutuwa kapag nakapasa siya sa audition na ito. Ang tamis ng ngiti ng taong iyon kapag pinalad siyang makapag-perform sa stage. Nagsimula nang umarte si Althea. Sinigurado niyang bawat pag-acting niya ay magaling at mula sa puso. Maya-maya pa’y hindi niya namalayang umiiyak na pala siya. Totoong luha na ang pinapakita niya. “Mahal kita ate… mahal na mahal…” pagtatapos niya sa kanyang arte. Palakpakan ang lahat ng nanunuod, pati na rin ang mga gurong napadaan ay nanuod na rin sa performance niya. Hindi siya makapaniwala. First time niyang makatanggap ng ganitong papuri. Tumingin siya sa propesor, masayang nakatingin ito sa kanya at ipinakita ang pinakahihintay niyang “thumbs up”. “Yes!” bulalas niya. Muntik niya nang mayakap ang katabi niya sa sobrang saya niya. Effective talaga ang sinabi ng ate niya kagabi, “Palagi kang umarte mula sa puso, Thea. Isipin mo yung mga mahalaga sayo. At lagi mo ring isipin na yung performance mo ngayon at maaaring maging huling performance mo. Kaya ibigay mo na ‘yung best mo.” “Thank you, Ate…” naibulong niya. Sa kanyang pag-uwi ay bumili agad siya ng paboritong strawberry ice cream ng kanyang ate. Ibabalita niya dito ang pinakamagandang balita sa buhay niya. “Ate!” sigaw niya pagkakita dito. “Oh, Thea anong problema?” mahinahong tanong nito. Naiyak na agad siya kaya wala nang ibang salitang namutawi sa kanyang bibig. Iniabot niya nalang ang isang papel na nagpapatunay na makakapagperform na siya sa stage sa wakas. Nanlaki ang mga mata nito at agad na naiyak rin, “Thea!” Niyakap niya ang kapatid na nasa wheel chair. Masayang-masaya ito ngayon, ngunit wala nang mas sasaya pa sa kanya na sa wakas ay natupad ang… nabigong pangarap ng kanyang ate. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.