Inday TrendingInday Trending
Pinagkaitan ng Unang Lunas ng Tamad na Nurse ang Babaeng Inaatake ng Hika; Isang Tao ang Magbabalik Upang Ipaalala sa Kanya Ito

Pinagkaitan ng Unang Lunas ng Tamad na Nurse ang Babaeng Inaatake ng Hika; Isang Tao ang Magbabalik Upang Ipaalala sa Kanya Ito

Magta-tatlong taon pa lang na nagtatrabaho sa barangay health center si Rita. Gayunpaman, wala naman talaga sa puso niya ang mag serbisyo sa mga tao. Kaya lang siya nakapasok ay dahil tita niya ang dating naka-assign dito. Matapos ang kaunting seminar at kaunting sipsip sa kanilang barangay captain ay nakuha na ni Rita ang kanyang kagustuhan. Hindi siya pasado kaya wala siyang lisensyang maging nurse, pero palakasan ang nangyari kaya malaya niyang nagagawa ang kanyang gusto.

Dahil nga hindi naman bukal sa puso ang ginagawa ay madalas na nagtataray si Rita sa mga taong pumupunta doon upang magpa-check up. Bale ba karamihan ay iyong mga hirap sa buhay, kaya nga sa barangay health center pumupunta ay dahil walang pambayad sa pribadong ospital. Umaasa ang mga itong mabibigyan ng libreng vitamins at ilan pang pribilehiyong dapat naman talagang makuha ng mga ito. Kaya lang, tamad si Rita. Kahit na meron minsan, sinasabi niya ay wala upang di na siya kailanganin pang tumayo at maghagilap sa kanilang medicine cabinet.

“Ma’am, sabi ho ng doctor ng baby ko kailangan daw ng Vitamin A, ipinacheck up lang siya ng amo ko noon sa pribadong ospital. Eh nahihiya naman ho ako kung pati pambili ng gamot ay hihingiin ko pa sa kanila, sabi ni Aling Dory na kapitbahay namin, lumapit daw ako dito dahil may mga gamot kayo..libre lang.” Sabi ni Anna, namamasukan ito bilang kasambahay sa isang malapit na subdivision, medyo hininaan pa nito ang mga huling kataga na tila nahihiya sa kanya.

Lalo namang sinadya ni Rita na magmukhang mataray upang hindi maging komportable ang babae.

“Vitamin A? Para saan daw? May reseta ka?” tanong niya rito. Inabot ng babae sa kanya ang isang lukot na papel, tama may naka-reseta nga roon. Pero sadyang pinahahaba ni Rita ang usapan.

“Para saan ang vitamin A? Hihingi ka rito sa center ng gamot na libre para sa anak mo eh hindi mo naman alam kung ano ang nagagawa noon sa katawan niya. Sige nga, para saan?” alam niya namang mapapahiya ito at di makakasagot. Hah!

Tama siya, namula lang ang babae at nagsabing: “Sige po. B-babalik na lang po ako.” matapos noon ay tumalikod na ito bitbit ang sanggol.

Ganoon lang, mangmang ang mga tao sa barangay na ito kaya madaling lokohin. Nakakatuwa lang sa loob-loob ni Rita, ang talino ng tingin sa kanya dito dahil ‘nurse’ siya, ang daling sumunod ng mga tao sa sasabihin niya. Habang nakangisi ang babae ay may narinig siyang pagkatok, kaakibat niyon ay ang paghingal.

“M-ma’am, tulungan nyo po ang misis ko. Sinusumpong ho kasi ng hika.. wala ho kaming pampausok,” sabi ng lalaki, na halata naman sa kasuotang hirap sa buhay. Halos buhatin na nito ang lupaypay na misis, habul-habol ng babae ang kanyang hininga. Ang ‘pampausok’ na tinutukoy ng lalaki ay nebulizer, isang kagamitan na itatapat lang sa bibig o ilong ng may hika at mabibigyan na ng panandaliang lunas ang karamdaman, nilalagyan lamang iyon ng likidong gamot at pwede nang sindihan. Syempre meron silang ganoon dito sa center, bagung bago pa nga eh.

“Wala kayo, talagang wala naman kasi mahal iyon eh, hindi basta-basta makakabili ng ganoon,” pangma-mata niya pa sa mag-asawa, walang pagmamadali ang mga kilos na para bang hindi buhay ang pinag-uusapan.

“Parang awa ninyo na po ma’am, bata pa ho ang anak namin..” sabi ng lalaki. Nasa mata rin ng misis nito ang pagmamakaawang tulungan niya. Tinatamad na tumayo si Rita sa kanyang kinauupuan, binitbit pa ang kanyang cellphone. Mahirap na, baka nakawin.

Saglit siyang naghalungkat kunwari sa cabinet, wala naman talaga siyang balak ipahiram dito ang bago nilang nebulizer.

“Wala pala, hindi pa kami nai-issue-han ng ganoon,” simpleng sabi niya.

“Ma-am dito raw ho-“

“Wala nga.” pinutol na niya ang sasabihin ng lalaki, bumunot ng bente pesos sa kanyang bulsa at nagsabing, “O etong bente, mag tricycle kayo papuntang ospital,” walang ganang sabi niya.

Di makapaniwala ang lalaki na parang nilimusan niya lang ito. Tumalikod na ang mag asawa, pero muling humarap.

“Julius, halika na. Dadalhin natin sa ospital ang nanay mo.” kasama pala ng mga ito ang na anak na kanina pa nakikinig sa usapan nila. Maliit ang bata kaya di niya napansin na nakapwesto pala ito kung saan makikita na may nebulizer naman talaga, pinagdamot niya lang.

Makalipas ang maraming taon.

“Lola, successful po ang operation ninyo, buti na lang si Dr. Capistrano ang gumamot sa inyo, magaling po sya.” nakangiting sabi ng nurse. Mamaya ay darating ang nakababatang kapatid ni Rita upang dalawin siya, sa tanda niyang ito ay di na niya kayang maglakad mag isa. Hindi rin siya nakapag asawa.

“O, eto pala si Doc, iwan ko muna po kayo.” sabi ulit ng nurse at lumabas na ng kwarto.

Tinitigan niya ito, hindi niya alam pero parang nagkita na sila dati.

“Julius Capistrano po,” sabi nito. Hindi na tinangkang makipagkamay dahil alam naman siguro nitong masakit pa ang tahi niya.

Julius.. Julius… saan ko ba nakita ang taong ito? May kung anong emosyon sa mga mata nito.

Hirap man magsalita ay pinilit ni Rita na ibuka ang bibig, “sa-lamat..” mahinang sabi niya.

Marahang tumango ito, nagulat pa nga si Rita nang abutan siya nito ng bente pesos at iniipit iyon sa mga kamay niya. “Hindi ko naman po gagawin sa inyo ang ginawa ninyo sa nanay ko. Kung hindi dahil sayo, nandito pa sana siya ngayon, ” sabi nito sa kanya.

Parang ilog na unti-unting dumaloy sa utak ni Rita ang lahat. Ito ang anak ng babaeng hindi niya pinahiram ng nebulizer. Napaiyak siya sa nagawang kasalanan. Pero ano man ang gawin niya ay di nya na maibabalik pa ang panahon at maitatama ang nakaraan.

Advertisement