Inday TrendingInday Trending
Tinuturing na Malas ng Ginang ang Isa sa Kambal Niyang Anak dahil sa Pangit Nitong Itsura, Hindi Niya Alam na Ito Pala ang Mag-aalaga sa Kanya Hanggang Pagtanda

Tinuturing na Malas ng Ginang ang Isa sa Kambal Niyang Anak dahil sa Pangit Nitong Itsura, Hindi Niya Alam na Ito Pala ang Mag-aalaga sa Kanya Hanggang Pagtanda

Isang madaling araw sa ospital na malapit sa kanilang Lungsod, ipinanganak ang kambal na babae ng mag-asawang Elena at Mario. Tuwang-tuwa ang lahat ng kanilang kaanak ng mabalitang kambal ang ipinagbubuntis ni Elena.

Mala-anghel ang mukha ng unang sanggol na lumabas sa sinapupunan ni Elena, kaya’t pinagbutihan niyang mailabas ng maayos ang ikalawang sanggol sapagkat gustong gusto na niyang mahagkan ang dalawa niyang nag gagandahang mga anak. Ngunit nang masilayan ang mukha ng bata, tila biglang agad lumayo ang loob ng ina sa bata. Ubod ng pangit nito!

“O bakit, anong problema? Nakakatuwa naman ang mga anak natin!” sambit ni Mario.

“Ang ganda-ganda ng una nating anak. Papangalanan ko siyang Angel. Ikaw na ang bahala sa pangalawa.” ang sabi ni Elena habang nakatitig sa mukha ni Angel.

“Pareho silang hulog ng langit para sa akin, Elena. Papangalanan ko siyang Princess, dahil siya ay ituturing ko ring prinsesa. Dahil ikaw ang aking reyna, mahal.” wika ni Mario habang kinukuhanan ng litrato ang bagong silang na kambal.

Matapos maka-recover sa panganganak, umuwi na ang mag-asawa sa kanila kasama ang dalawang sanggol. Ganoon na lang din ang reaksyon ng mga tao nang makita ang itsura ng bata.

“Bakit ang pangit nitong isa? Nako! Naipagpalit ata sa ospital! Hahaha!” biro ng isang kapitbahay nilang kilala sa pagiging matalas ang dila sa pananalita.

Agad namang pinagtanggol ni Mario ang anak. “Huwag niyo namang gawing tampulan ng tukso ang anak ko. Ako ang makaka-away ninyo.” seryosong tugon ni Mario.

At ganito na nga ang naging buhay ng kambal hanggang sila ay lumaki na. Palaging pinapaboran, palaging alaga, at palaging binibigay ni Elena ang lahat ng luho ni Angel, at madalas ay hindi pinapansin si Princess. Buti na lamang at palaging nariyan ang ama nila na nagmamahal ng lubos kay Princess.

Dumating ang araw na dinapuan ng malubhang sakit si Mario. Hindi nagtagal ay pumanaw na ito.

“O, ano pangit? Di ka na makalaban ngayon ‘no? Wala na si Papa. Wala na magtatanggol sa’yo!” pang aasar ni Angel kay Princess, na tila hindi man lang apektado sa pagkamatay ng kanilang ama.

“Ano ka ba, Angel? Hindi ka man lang ba magluluksa? At ‘yan pa talaga ang bagay na naisip mong unahin, ha?” sagot ni Princess.

“Kung ako sa’yo, umalis ka na lang dito. Wala nang nagmamahal sa’yo.” Wika ng mayabang na dalaga.

Takang-taka si Princess kung bakit ganoon ang trato sa kaniya ng kapatid at ina. Kaya’t naisipan niya na lang na umalis ng bahay upang mag-aral sa kolehiyo at magtrabaho upang masustentuhan ang sarili.

Lumipas ang maraming taon. Si Princess ay isa nang matagumpay na doktor ng medisina. Napakarami niyang hirap na pinagdaanan, ngunit dahil sa sipag at tiyaga ay naabot niya ang kanyang mga pangarap. Habang siya ay nasa isang conference sa Quezon City, may natanggap siyang tawag mula sa sekretarya niya.

“Hi, Doc! Sorry to bother you on your meeting, pero may naghahanap daw po sa inyo sa office natin sa Makati. Ang sabi, kakambal niyo raw po siya?” wika ng kaniyang sekretarya.

“What?” iyon lamang ang lumabas sa bibig ni Princess, dahil nang marinig niya ang balita ay bumalik lahat sa isip niya ang kalunos lunos na pagtrato sa kanya ng kanyang kapatid at ina.

“Uhm… What do they need?” pinagpatuloy ni Princess ang pagsasalita.

“Doc, Angel daw pangalan niya. Actually nakakahiya nga daw po. Nagwawala doon sa lobby ng office kaya kinaladkad pa ng guards. May ipinapabigay din pong letter sa inyo, basahin nyo na lang daw po.”

Nagpunta na agad si Princess sa Makati upang makita ang mensahe ni Angel sa kanya.

“Hoy Panget! Ano? Balita ko yaman-yaman mo na ah?! O ikaw na mag-alaga dito sa nanay mong baldado. Bakit nga ba iniwan mo ‘to sakin? Diyos ko! Pagod na pagod na akong alagaan ‘to. Lima na ang anak ko, tapos dadagdag pa ‘tong matandang ‘to sa palamunin ko? Kunin mo ‘to kung hindi baka mamatay na lang ito dito!”

Nagulat si Princess sa kanyang nabasa. Hindi rin niya maintindihan kung bakit pinagtatabuyan na lamang ni Angel ang dating mahal na mahal niyang ina.

At dahil malambot ang puso ng dalaga, hindi siya nagdalawang isip. Ipinag-utos agad niya sa kanyang mga tauhan na alamin kung saan nakatira ang dalawa. Napag-alaman niyang iniwan na pala ni Angel si nanay Elena sa isang publikong ospital. Walang kasama, walang nag-aalaga, at hindi makaalis dahil walang pambayad. At isa pa ay wala na itong ibang pupuntahan.

Nagkita na muli ang mag-ina. Nang masilayan ni Elena ang bunso niyang anak, napaiyak na lamang ito sa pagsisisi. “Anak, patawarin mo ako sa lahat ng kasamaang ginawa ko sa iyo. Alam ko napakalaki ng pagkukulang ko, at lahat lahat ay binigay ko sa kapatid mo. Pero heto, sa panahong kailangang kailangan ko ng kalinga, ikaw ang nandito. Maraming salamat, anak.”

“Ma, kung pwede lang po huwag niyo nang isipin iyon. Ang nakalipas ay nakalipas. Ang mahalaga, ang kasalukuyan. Salamat pa rin sa pagsilang sa akin, Ma.”

Muling naluha ang ina sa kabusilakan ng puso ng anak.

Namuhay ng masaya at mapayapa ang dalawa.

Hindi dapat hinuhusgahan ang ugali ng isang tao sa pisikal na anyo lamang. Natutunan ni Elena na kung sino pa ang hindi niya inaasahan, ay siya pang mag-aalaga sa kanya hanggang kamatayan.

Advertisement