Hindi Pinakinggan ng Lalaki ang Payo ng Hipag na Wag Manigarilyo Para sa Anak, Wala na Ang Bata Nang Magsisi Siya
Mula nang mamatay ang asawa ni Rony, tila nawalan na ng rason para mabuhay ang lalaki. Noon, nang makilala niya si Agnes ay naitigil na niya ang labis na pag-inom at paninigarilyo. Ngunit tila napatindi pa ang pagbabalik niya sa kanyang mga bisyo nang dahil sa kalungkutan. Mahigit sa tatlong kaha ng sigarilyo ang nahihithit ni Rony kada araw.
Naiwan kay Rony ang isang napakaganda at mabait na anak na si Louise. Sa tuwing makikita niya ang anak, na halos hinulma ang mukha sa itsura ng ina, ay di niya mapigilan maalala ang hinagpis at lungkot na nadarama sa pagkawala ng mahal na asawa.
“Papa, tama na po iyan. Masama po ‘yan sa’yo.” hiling ng batang si Louise.
“Hayaan mo na lang ako, nak. Dito ko na lang sa paninigarilyo nailalabas lahat ng stress at pagod ko sa buhay.” mahinahon na sagot ng ama sa anak.
“Pero diba sabi ni Mama…” hindi na natapos ng bata ang kanyang sasabihin dahil bigla nang sumigaw ang kanyang ama.
“Di ka ba titigil? Sabi nang wag kang makialam ‘di ba? Hindi naman kita napapabayaan ah! Nakakapasok ka pa sa pribadong eskwela. Nakakakain ka pa ng mahigit sa tatlong beses sa isang araw. Tigilan mo muna ako! Pagod ako!” gigil na sagot ni Rony sa bata.
Tumakbo papasok ng kwarto ang napahiyang bata. Lalo niyang na-miss ang kanyang ina, at ang dati nilang walang kasing sayang pamilya. Nakatulog mag-isa ang anim na taong batang may luha sa mata at kirot sa kanyang puso.
Kinabukasan, nagising ang bata na may galak sa puso. Naalala niyang tuwing Sabado ay dinadalaw siya ng kanyang tiyahin na si Nida, kapatid ng kanyang ina.
Pagkabukas pa lamang ng pinto ni Nida sa bahay ng pamangkin, tumambad sa kanya ang masangsang na amoy ng usok ng sigarilyo na tila nanikit at kumapit na sa lahat ng sulok ng bahay. Kunot na agad ang noo ni Nidang kinausap ang kanyang bayaw.
“O Rony, kumusta na si Louise?” panimula ni Nida.
“Ayos naman. Maayos kami.” nagmamadaling sagot ni Rony. Ramdam niyang makakarinig na naman siya ng sermon sa nakatatandang kapatid ni Agnes.
“Pansin ko lang, bakit amoy na amoy ang sigarilyo mo sa buong bahay? Rony, kung wala ka nang pakialam sa kalusugan mo, wala na akong magagawa doon. Matanda ka na. Diyos ko, 35 anyos ka na Rony. Alam mo naman na sigurong masama sa bata makalanghap ng usok ng lintik na sigarilyo mo!” halos mangiyak-ngiyak na sabi ni Nida.
Hindi kumikibo si Rony at tahimik lamang na nakaupo, ngunit makikita mo sa mukha niya ang bakas ng pagkainis at pagtitimpi.
“Ano? Hindi ka man lang ba magpapaliwanag?” patuloy na nagiintay ng sagot si Nida.
“Rony! Ano ba? Alam kong napakasakit sa’yo nang mawala si Agnes. Pero utang na loob, wag mo naman pabayaan ang sarili mo. At lalong-lalo na ang anak niyo. Wala na siyang ibang aasahan kung hindi ikaw.” maluha luhang sabi ni Nida, na awang awa sa kalagayan ng pamangkin.
Magsasalita pa sana si Nida ngunit bigla siyang nagulat nang tumayo si Rony at nagsalita.
“Ano bang pakialam mo? Ikaw ba nagpapakain sa anak ko? Pinabayaan ko ba? Alam mo ba ang sakit na nararamdaman ko? Ang sakit sakit! Hindi ko na alam paano mabuhay nang wala si Agnes. Siya ang mundo ko, Ate! Utang na loob, kung pupunta ka lang dito para bungangaan ako, mas mabuti pang wag ka na lang pumunta! Hindi ka nakakatulong!” umiiyak na tugon ni Rony.
“Alam ko, Rony. Ganoon ba? O sige. Pasensiya na sa abala.” sagot ni Nida, na sakit na sakit ang dignidad sa mga narinig kay Rony. Tumakbong umiiyak palabas ng bahay si Nida.
Nagpatuloy ang buhay ng mag-ama. Hindi nakinig sa anumang payo ng mga tao si Rony. Hanggang sa isang araw, nakatanggap ng tawag si Rony mula sa eskwelahan ni Louise.
“Good morning, Sir. Sa clinic po ito ng school ng anak niyo. Pwede niyo po bang sunduin na si Louise?”
“Bakit? Ano nangyari?” sagot ni Rony, nagtataka kung anong nangyari.
“Wala po kasing tigil ang pag-ubo ng dugo ng anak ninyo, Sir. Sa tingin ko po kailangan na siyang dalhin sa ospital. First aid lang po ang kaya namin.”
“Dugo? Bakit?! Nadapa ba anak ko? Nadisgrasya ba?!” kinakabahang tanong ni Rony.
“Wala pong ganoon Sir. Pero pansin din po namin na matagal na po siyang inuubo, mag-iilang buwan na po. Saka sa record po namin, patuloy po ang pagbaba ng timbang ni Louise.”
Dali-daling umalis ng trabaho si Rony at nagpunta sa school ng anak. Pawis na pawis sa kaba ang ama sa kung anong nangyayari sa anak.
Nang makarating ng eskwelahan, tumulong naman ang ambulansya ng school upang ihatid sila sa pinakamalapit na ospital.
“Mayroon bang naninigarilyo sa pamilya niyo?” tanong ng doctor.
“Bakit, doc? Uhm. Ako ho.” nag-aalinlangang sagot niya.
“Didiretsahin na kita, Rony. Matapos ang ilang tests, nag positive sa Lung Cancer ang anak mo. At kung titingnan, iilang buwan na lamang ang itatagal ng kanyang buhay. Marahil ito ay dahil sa labis na paglanghap ng usok ng iyong sigarilyo.”
Tila gumuho ang mundo ni Rony sa narinig. Unti-unting bumalik sa kanya ang mga sinabi ni Nida, at ang lahat ng kapabayaan na ginawa niya sa kanyang anak.
Lumipas ang mga araw, at nakaratay na lamang sa ospital ang kawawang batang si Louise. Hindi na kinakaya ng maliit niyang katawan ang tapang ng mga gamot at treatment na ibinibigay sa kanya.
Nakatitig lamang si Rony sa kanyang anak na hirap na hirap nang huminga, nang bigla itong magsalita “Papa? Pakiramdam ko po magkikita na po kami ni Mama. Mahal na mahal po kita. Sana po ‘wag mong pabayaan ang sarili mo.”
“Anak, please lang! Wag kang magsalita ng ganyan! Lalaban pa tayo! Kakayanin anak.” hindi mapigilan ni Rony ang luha sa mga mata.
“Anak?” nakapikit ang bata.
“Anak?! Anak?! ” kahit anong tawag ni Rony ay hindi na sumasagot ang anak.
“Patawarin mo ako, anak! Patawad!” pagmamakaawa ni Rony. Ngunit kahit paano pang paghingi ng tawad ang gawin niya ay hindi na niya maibabalik ang buhay ng mapagmahal na anak.
Lumipas muli ang isang taon. Si Rony ngayon ay isa nang kilalang advocate at influencer sa pagpapalaganap ng Smoking Ban at sa mga “Quit Smoking” na programa. Para sa kanya, ito na lamang ang tanging bagay na magagawa niya upang maiwasang may buhay na masira dahil sa kapabayaan ng ibang tao.
Pinagsisisihan ni Rony na hindi siya nakinig sa payo ng iba, sana’y inuna niya ang kapakanan ng anak kaysa sa sarili,atnatigilannaanglabisnapaninigarilyoparasakapakanannglahat.