Akala ng Misis ay May Babae na Si Mister, Di Niya Akalaing Mas Malala Pa Pala ang Nililihim Nito
“Papa, ikaw muna dito sa mga bata puro cellphone mo inaatupag mo eh!” Pasigaw na may halong pagkairita ang bungad ni Celia sa asawang balbas sarado at punggok na nakahilata sa sofa at nakataas pa ang paa sa lamesa.
Hindi magkamayaw sa mga gawaing bahay si Cecilia simula noong magsama sila sa isang bubong ni Rudy, tatlong taon na ang nakakalipas.
Isang hamak na mekaniko si Rudy at hindi rin naman ganun kalakas ang kita sa talyer, habang si Celia naman ay hindi ma-pirme sa trabaho, madalas ay mahilig itong lumipat sa ibang kompanya kapag hindi na niya ito nagugustuhan.
“Mamaya na love, may kausap lang ako saglit.” sambit ni Rudy.
“Lecheng buhay na ito”, pabulong na sabi ni Celia sa sarili habang karga ang bunso nilang anak at tinuturuan ang panganay nilang babae ng assignment nito sa eskwela.
“Hoy sino na naman yang kalandian mo?” Matalim na pag-uusisa ni Celia kay Rudy na may kasamang pagdungaw sa hawak na cellphone ni Rudy.
“Wala ito bebeloves, masyado kang nagdududa sa akin,” biglang kabig sa cellphone na tila may itinatago si Rudy.
“Ikaw talaga labs ano tingin mo sa akin malandi, porke’t alam ko sa sarili ko na gwapo ako hindi ba pwedeng may kausap sa negosyo o kaya customer ko sa talyer? Utak kamote ka talaga madalas bebeloves, pero ang cute cute mo pa rin kaya labs na labs kita eh”, sabay kurot na may halong gigil sa matambok na pisngi ni Celia si Rudy.
“Walanghiya ka siguraduhin mo lang na customer mo ang kausap mo diyan, malaman ko lang na iba yan lagot ka at naku! Puputulin ko yan!” madiin na pagbabanta ni Celia.
“Naku labs wag, maliit na nga ito at wala nang matitira, ”, pabirong ika ni Rudy sabay ngiti at lumakad palabas ng bahay upang makasagap ng signal.
Bago pa man nagkakilala ang mag-asawa, nagbunga na ng isang magandang anak na babae si Celia mula sa dating ka relasyon. Ngunit sa kasamaang palad iniwan at sinaktan lang si Celia kaya siya na ang nagtaguyod sa anak.
Nakilala ni Celia si Rudy sa inuman noong nasa kolehiyo pa siya, mas bata sa kanya si Rudy. Hindi inakala ni Celia na mahuhulog ang loob niya sa kagaya ni Rudy, hindi ito ang mga tipo ng lalake ni Celia. Ngunit dahil sa magandang ugali na taglay ni Rudy kahit punggok ito at sa madalas niyang pangungulit kay Celia di rin nagtagal tuluyan na din napa-ibig ni Rudy si Celia.
Maluwag naman sa loob ni Rudy nang aminin ni Celia sa kanya na meron na siyang anak. Noong una takot pa si Celia sabihin kay Rudy at baka bigla siyang iwan ni Rudy, pero laking tuwa niya na buong pusong minahal ni Rudy ang anak niyang babae.
Masayang-masaya si Celia, hanggang sa ikasal sila at magsimula na ang tunay na hamon ng buhay sa bagong kasal. Pero makalipas ang dalawang taong pagsasama parang biglang nag iba ang ihip ng hangin.
“Sino kaya ang madalas na kausap ng mokong kong asawa?” tanong sa sarili ni Celia habang pinapadede ang bunsong anak nila. Tila lumilipad ang isipan ni Celia sa loob ng silid nila, pawang ingay lamang ng electric fan at tahol ng aso ng kapitbahay ang naririnig niya.
Nang tumigil nang dumede ang anak niya, sunod niyang hinanap ang asawa. Paglabas niya ng pintuan nila’y naaninag niya si Rudy na pangiti-ngiti sa harapan ng bahay nila habang pawang may kausap ito sa cellphone. Hindi niya ito kaagad tinawag bagkus dahan-dahan siyang lumapit sa may bintana at nagbaka-sakaling marinig ang usapan.
Mahina ang boses ni Rudy na parang ayaw iparinig ang mga sinasabi nito sa kausap niya, lalong nag-duda si Celia at kumunot ang noo. Maya-maya ay biglang napalingon si Rudy sa likuran niya at napansin na nandun si Celia.
“Labs andyan ka pala,” sabay tago ng cellphone at suklob sa bulsa ng shorts niya na parang meron inililihim kay Celia.
“Sino kausap mo diyan?”, medyo tumaas ang boses ni Celia.
“Ah si Jestoni yun labs, yung dati kong kasama sa varsity. Niyaya kasi ako maglaro ng basketball papawis lang naman. “
“Ganitong oras tumatawag, ayos ah.” padudang tono na bungad ni Celia.
“Hindi na ko makikipagtalo sayo labs, kung di ka maniniwala ayos lang.” sabay lakad at nakatungo ang ulo ni Rudy papasok ng bahay.
“Maliligo lang ako, sabay ka labs”? Malanding tanong ni Rudy.
“Maligo ka mag-isa mo!” malakas na hiyaw ni Celia habang naka-pamewang at nanglalaki ang mga mata.
Naalimpungatan si Celia mula sa kanyang malalim na pagkahimbing at napansin niya na wala na sa tabi niya si Rudy. “Aba nasan ang ulupong na yun?”
Sumilip siya sa bintana habang kinukusot ang mata, maliwanag na at tilaok na ng tilaok ang manok ng kapitbahay nila pero wala si Rudy sa kwarto nila. Tumayo si Celia at sinuyod ang bahay, wala sa sala, banyo, kusina at harap ng bahay nila pati ang mga anak nila ay wala sa bahay, tanging ang bunso lamang ang iniwan na mahimbing natutulog sa crib.
“Ang kapal mo Rudy ka, pati mga anak ko sinasama mo sa kababuyan mo.” inis na inis na wika ni Celia. Sa paghahanap ni Celia napansin niya na wala ang shorts nito at paboritong sapatos, at bigla niyang naamoy ang regalong pabango na binigay niya dito noon kanilang anibersaryo.
“Hayup ka Rudy, alam ko may babae ka!” napaupo at napaiyak si Celia sa kanilang kama habang magkahalong galit at lungkot ang nadarama niya. Ngunit mas nangibabaw ang inis at pagkamuhi ni Celia.
“Huhulihin kitang hayop ka.”, galit na paiyak na sambit ni Celia.
Habang nagmumukmok si Celia, biglang may narinig siya, parang tunog ng cellphone. Hinanap niya kung saan iyon nanggagaling,.
“Huli ka ngayon, naiwan mo pala ito dito ah malamang ito yung kausap mo kanina, at anniversary song pa ang ginamit mo dito balasubas ka.” kabadong wika ni Celia habang sinusubukan niya tignan kung sino ang tumatawag.
Ngunit numero lang ang lumalabas dito at walang pangalan, nagdalawang isip si Celia sagutin pero desidido siyang malaman ang katotohanan. “Ikaw ang babae ni Rudy no? Ang kakapal ng mukha niyo nakuha mo pang tumawag dito magsama kayo sa kumukulong ebak sa impyerno!” galit na galit na sigaw ni Celia.
Pero laking gulat ni Celia na marinig niya ang boses ng isang lalake, “Ma’am huminahon po kayo ako po si Dr. Laurilla doctor dito sa ospital kayo po ba si Celia?”
“Opo”, nanginginig na sagot ni Celia.
“Kayo po ba ang asawa ni Rudy?”
“Ako nga po”, gulong gulo ang isip ni Celia.
“Sino kayo, bakit niyo kilala asawa ko, nasaan ba siya? Anong nangyari?”mabilis na pagtatanong ni Celia.
“Lakasan po ninyo ang loob niyo sa sasabihin ko, kung maari ay lumabas kayo ng bahay niyo para mas marinig niyo ko kasi mahina ang signal dito sa ospital” mahinahon na utos ng doktor.
Lumabas si Celia dali-dali ng bahay nila, kinalabog ang pintuan at tila nagising ang bunsong anak sa lakas ng pagkakalabog ng pinto, pero di alinatana kay Celia ang pag-iyak ng anak dahil alam niya na nasa loob ito ng crib.
“Doc, anu na yung sasabihin niyo Rudyyy Diyos kooo..” hiyaw na iyak ni Celia. Biglang naputol ang tawag sa pagitan ni Celia at ng doktor. Mas lalong nadagdagan ang pangamba ni Celia kung ano talaga nangyari kay Rudy, di na siya mapakali.
Sakto, pagtanaw ni Celia sa labas ng garahe nila may nakita at narinig siya na parang may kumakanta, may kasamang tunog ng gitara at may halong pagtatambol.
“Ikaw lang ang aking mahal, ang pag-ibig mo’y aking kailangan, pag-ibig na walang hangganan, ang aking tunay na nararamdaman.” Halos di magkamayaw ang pagtangis ng luha mula sa mga mata ni Celia ng kanyang masilayan kung saan nangagaling ang kanta.
Nakita niya ang asawa na si Rudy hawak ang mikropono kasama ang ilang kaibigang tumutugtog, kasama rin nito ang buo nilang pamilya.
Tumigil ang lahat sa pagkanta, dahan-dahang lumapit si Rudy at sinabing “Happy Anniversary Bebeloves”, sabay hawak sa malaking mukha ng asawa at hinawi ang kanyang luha at hinalikan niya ito sa labi ng dahan-dahan sabay yakap ng mahigpit.
“Rudyyyyyy…. Kainis ka!!” kinikilig na may halong lambing at galit ang lumabas sa bibig ni Celia.
“Labs, alam ko akala mo may nililihim ako sa iyo itong mga nakaraang buwan, madalas mo ko makita na may kausap sa telepono ko at ayaw ko sa iyo ipakita ito, silang lahat ang kausap ko. Siniguro naming magiging espesyal ang araw na ito,”
“Papa, sorry at pinagduduhan kita sobrang akala ko kung anu na ang nangyayari sa relasyon natin, yun pala ito ang plinano mo na sorpresa para sa akin. Mahal na mahal kita Papa, sobrang espesyal ito para sa akin.” habang nakayapos si Celia sa kanyang punggok na asawa at umiiyak na may ngiti sa kanyang mga mata.
“Para sa iyo bebeloves, para sa iyo. Ikaw lang aking mahal!” wika ni Rudy sabay kindat sa lahat ng taong tumulong upang mairaos ang malupet na sorpresa niya para kay Celia.