Inday TrendingInday Trending
Sa Gitna ng Pagdadalamhati ng Babaeng Ito sa Araw ng Burol ng Kanyang Ina, Isang Lalaki ang Tumabi sa Kanya at Tuluyan na Nitong Binago ang Buhay Niya

Sa Gitna ng Pagdadalamhati ng Babaeng Ito sa Araw ng Burol ng Kanyang Ina, Isang Lalaki ang Tumabi sa Kanya at Tuluyan na Nitong Binago ang Buhay Niya

Hindi matigil ang pagtulo ng luha ni Vicky dahil ngayon ay ang araw na malalayo na siya sa pinakamalapit na tao sa kanyang buhay- ang kanyang ina. Noong unang araw ng burol nito ay tulala lang ang dalaga at tila hindi pa pumapasok sa isipan niya na wala na talaga ang ina. Ngunit ngayong ililibing na ito ay nagising lahat ng sakit at luhang itinatago pala niya.

Ito ang kanyang number one fan, pinakamalakas pumalakpak kahit na extra lang siya dati sa mga school play na sinasalihan, sandalan niya sa tuwing umiiyak dahil sa mga ‘heartbreak’ niya noon, hindi niya alam kung ano ang mangyayari sa sarili ngayong wala na ang ina.

Ang ate ay may sariling pamilya at mga anak na, habang ang bunso naman nila ay kakakasal lang tatlong buwan na ang nakalilipas. Heto siya, ang 27 anyos na middle child. Wala, wala pang nangyayari sa buhay niya, hindi naman sana niya iniinda ang sariling crisis na pinagdaraanan dahil nandyan ang kanyang ina, ngunit maging ito pala ay iiwan siya. Nalaman nilang may sakit ito dalawang buwan lang ang nakalilipas at hindi na rin ito nagtagal.

“Diyos ko, ano na ang gagawin ko ngayon?” tanong niya habang nakaupo sa simbahan, sa huling sandali ay minimisahan na ang kanyang ina.

Hindi katulad ng ibang miyembro ng pamilya na nasa unahan, pinili ni Vicky na manatili sa likuran dahil nais niyang mapag isa. Naroon siya, malapit sa pinto ng simbahan. Wala siyang katabi at bakante ang mahabang upuan sa tabi niya.

Nakita ni Vicky na sumandal ang Ate niya sa balikat ng asawa nito, niyakap naman ito ng lalaki habang karga ang anak. Nagdadalamhati ang lahat, ngunit sila ay may mga kasama. Siya, wala. Wala siyang panahon para magka boyfriend. Masyado siyang naging tutok sa kakaalaga sa kanyang ina, ipagluto ito, samahan sa doktor, akayin maglakad, at marami pang iba na hindi niya naman pinagsisisihan.

Naramdaman niya na lang ang isang lalaki na dahan dahang tumabi sa kanya. Namasdan niya ito sandali at nalaman niya agad na dayo ito. Kilala niya ang lahat ng taga -rito, kung hindi man, halos lahat.

“Sorry na-late ako.” sabi nito, naroon ang naaawa at nakikiramay na ekspresyon sa mukha ng lalaki.

Tiningnan niya lang ito at nakinig na sa mga taong nagbibigay ng huling mensahe sa kanyang ina.

Matapos ang ilang sandali, muling nagsalita ang lalaki.

“Miss, bakit paulit ulit nilang tinatawag na ‘Loretta’ si Tita Lorna?” nagtatakang tanong nito.

“Ha? Kasi yun ang pangalan niya, Loretta. Hindi Lorna, walang tumatawag sa Mama ng Lorna. Minsan Lori, pero hindi Lorna.” pagpapaliwanag niya, natigil ang pagluha niya dahil sa inis dito.Bakit ba kasi hindi pa ito umupo na lang sa kabilang panig ng simbahan? Bakante rin iyon!

“Hindi. Ang pangalan niya Tita Lorna, Lorna Legaspi.” matamang sabi ng lalaki.

“Hindi ito yung…” sasabihin niya pa lang nang putulin ng lalaki ang pagsasalita niya.

“Simbahan ba ito ng Noveleta?” tanong nito.

“Hindi, isang sakay pa mula rito iyon. Kawit ito.” sabi niya na nagsisimula nang maintindihan kung ano ang nangyayari.

“Ay.” nasabi na lang nito.

“Maling burol yata ang napuntahan mo kuya.” sabi ni Vicky na hindi mapigilang magsimulang matawa.

Tinakpan niya ang mukha niya at humiling na sana, magmukha siyang umiiyak pero ang totoo ay tawa talaga siya ng tawa. Paglingon niya sa lalaki ay tawa na rin ito ng tawa pero hindi nakatakip ang mukha at lalong pinagtinginan ng mga ibang dumalo sa libing.

Lalong natawa si Vicky, hindi niya rin alam kung guni guni niya lang o narinig niyang nakikitawa ang ina niya sa kanila.

Hindi naman pala siya pinabayaang mag isa ng kanyang mama. Sa pag alis nito ay malamang na nakiusap ito sa Diyos upang magpadala ng kapalit nito sa pagsama sa kanya.

Makalipas ang dalawang taon ay heto sila ng ‘estrangherong’ lalaki sa ospital, yakap yakap ang una nilang anak. Ikinasal sila labing isang buwan na ang nakalilipas, sa parehong simbahan kung saan sila nagkakilala. Maaaring maling burol ang napuntahan ng mister niya, pero iyon ay ang tamang lugar para sa kanilang dalawa.

Advertisement