Hindi Magkasundo sa Usapang Pera ang Mag-asawang Ito, Napahiya Sila nang Marinig ang Usapan ng mga Construction Workers na Hikahos sa Kabuhayan
Parehong may magandang trabaho ang mag asawang Aron at Mari. Si Aron ay web developer sa isang Singapore based company sa Bonifacio Global City sa Taguig, habang manager naman si Mari sa isang sikat na hotel sa Makati. Masasabing maginhawa ang buhay ng mag asawa na may isang anak, mayroon silang sariling kotse at bahay.
Isang gabi, napagdesisyunan ng mag asawa ng maghanap ng madadaanang botika sa kanilang daan pauwi, bibili sila ng ilang vitamins para sa kanilang anak at sa kanilang dalawa na rin.
Malayo sa kanila ang Mercury drug store at bagamat may sasakyan ay hindi naman nila maaring isama ang kanilang 5 buwang anak dahil gabi na at himbing na ito panigurado. Hindi rin naman nila maiwan dahil uwian ang yaya nito na umaalis na agad pagkadating nilang dalawa sa bahay.
Mayroong konting hindi pagkakaunawaan ang mag asawa, nagsisisihan sila dahil naloko sila sa nabili nilang sofa. Ibinenta ito sa kanila sa halagang 46 000 pesos ng isang ka-opisina ni Mari na nag resign matapos silang takbuhan. Pagkatapos ng dalawang araw ay nabali agad ang isang paa ng mahabang sofa.
“Umoo ka rin naman bakit parang ako lang ang mali ngayon? Ano bang malay ko sa kalidad ng mga kahoy na yan ikaw ang lalaki.” sabi ni Mari sa asawa habang nagmamaneho ito. Nakatanaw siya sa labas.
“Sabi ko nga kasi sayo hintayin mong mag weekend para matignan ko hindi yung bili ka agad, ” sagot naman ng lalaki, kalmado ito pero mahahalata sa boses na naiinis na rin.
“Ewan ko sayo, wala na naman tayong oras. Weekend na nga lang ang pahinga aalis pa tayo para i-check ang sofa na yan, kaya nga pinadeliver ko na lang.” pangangatwiran naman ng babae.
Naputol ang pag uusap nila nang itabi ni Aron ang sasakyan dahil natanaw na nito ang isang botika.Bumaba sila pareho, maraming tao ang bumibili kaya tumayo muna silang mag asawa sa isang tabi, inis na nakatingin lang sa cellphone si Mari at nakapamulsa naman si Aron habang naghihintay na makabili sila.
Sa tabi ng botika ay isang tindahan ng mumurahing pizza, walang ibang bumibili rito kundi ang apat na construction worker. Nagbubulungan lang ang apat pero rinig ito ng mag asawa.
“Etong ano o. Ano ba to bedyitaryan parang masarap.” sabi ng isa na may telang nakatali sa ulo.
“Puro na nga tayo gulay! Ngayon lang nagkapera at makakatikim ng iba. Wag yan!” pagtutol naman ng isa.
“Hawaiian 180 lang o, tig 45 tayo hindi na masama. Diba tig 50 ang budget natin, o may tira pang 5 piso dagdag pamasahe. Masarap yan may pinya,” sabi ng isa na tila sinang ayunan naman ng tatlo pa.
Naiinis na ang tindera dahil siguro ay kanina pa ang mga ito at hindi makapag desisyon kung ano ang mas masarap at ang mas matipid.
“Bawal daw bumale no? Kahit sana 200 lang? Sabi ni foreman dapat makabawi daw muna don sa una, sayang nga e. 150 na nga lang pera ko hanggang Biyernes, di bale maglalakad na lang ako pauwi, nakatikim lang ng pizza masaya na ako.” kwento ng isa sa mga construction worker habang hinihintay ang inorder nilang pizza.
Nagkatinginan naman ang mag asawa, heto sila at maraming pera, pero hindi magkasundo. At heto ang mga simpleng tao na talaga namang kapos pero sa mga simpleng bagay ay napakasaya na. Pakiramdam ng mag asawa ay sila ang mahirap.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?