Inday TrendingInday Trending
Kahit Halos Wala nang Matira sa Kaniya ay Pilit Ibinibigay ng Dalaga ang Lahat ng Hingin ng Tiyahin Niya; Ngunit Isang Araw ay Nagbago ang Lahat

Kahit Halos Wala nang Matira sa Kaniya ay Pilit Ibinibigay ng Dalaga ang Lahat ng Hingin ng Tiyahin Niya; Ngunit Isang Araw ay Nagbago ang Lahat

Maghahatinggabi na pero nasa opisina pa rin si Dazy at pilit na tinatapos ang tambak niyang mga trabaho. Isa kasi siyang manager ng isa sa pinakamalaking kompanya sa bansa. Napakabata pa ng dalaga para sa posisyon pero madali niya itong nakuha dahil sa kaniyang angkin na galing kaniyang trabaho at hindi matatawarang kasipagan at dedikasyon sa kompanyang kaniyang pinagtrarabahuan, kaya naman labis na natutuwa sa kaniya ang kaniyang mga boss at hinahangan rin siya ng kaniyang mga katrabaho.

Napakaresponsable rin naman kasi ng dalaga, kaya kahit kailan ay hindi pa nabigo sa kaniya ang kompanyang kaniyang pinagtratrabahuan. Sa katunayan, isa siya sa mga itinuturing na asset ng nasabing kompanya.

Naagaw ang atensyon ng dalaga nang biglang tumunog ang kaniyang cellphone. Tumatawag na naman ang tiya niya. Itinigil niya na muna ang ginagawa at lumabas muna para kausapin ang tiya. Bumuntong hininga muna ang dalaga bago sinagot ang tawag.

“Hello Dazy, iha? Kumusta ka na?” bati ng tiyahin sa kaniya.

“Mabuti naman po ako Tiya, nasa trabaho pa po ako ngayon,” sagot niya naman sa ginang.

“Sa katapusan pala ay kaarawan na ni Totoy, alam mo naman na medyo gipit kami ngayon, pwede bang ikaw na muna ang gumastos para sa party niya? 7th birthday kasi ng pamangkin mo eh,” saad ng kaniyang tiya. Muling napabuntong hininga ng mahina si Dazy bago sumagot.

“Sige po tiya, ako na po ang bahala sa lahat ng gagastusin,” sagot niya sa tiyahin.

“Nako, maraming salamat talaga, iha! Hulog ka talaga ng langit sa’min! O sya, ‘yun lamang ang tinawag ko. Mag-iingat ka sa iyong pag-uwi ha?” masiglang tugon ng kaniyang tiya sa dalaga. Halatang masaya sa naging sagot niya.

Napahilot na lang sa kaniyang sentido si Dazy. May bago na naman siyang paglalaanan ng pera, mukhang maaantala na naman ang plano niyang pagbabakasyon sana sa ibang bansa, bagay na matagal ng pangarap ng dalaga.

Kakapasok pa lamang ni Dazy sa high school ng mamat*y ang kaniyang mga magulang sa isang aksidente. Nabangga kasi ang sasakyan ng mga ito sa isang rumaragasang malaking truck. Hindi na umabot sa ospital ang kaniyang mga magulang at agad na binawian ng buhay.

Simula noon ay para siyang asong pinagpasapasahan ng kaniyang mga tiyahin at tiyohin. Sila na din ang nagpalaki at bumuhay sa dalaga kapalit ng pagtulong sa kani-kanilang mga bahay kung nasaan man nakatira ang dalaga.

Kaya naman nagsikap talaga ng mabuti si Dazy upang makapagtapos siya at maiahon ang sarili sa hirap. Gusto niya na talagang makatakas sa kaniyang masalimuot na buhay kasama ang kaniyang pamilya.

Hindi naman siya nabigo dahil sa sipag at talino niya ay agad siyang nakapagtapos ng maraming karangalang natanggap. Agad din siyang nakahanap ng trabaho sa isang malaking kompanya sa Maynila. Umasenso naman agad ang buhay ni Dazy dahil sa laki ng sahod na kaniyang natatanggap sa kaniyang trabaho, ngunit kung inaakala niyang nakatakas na siya sa kaniyang pamilya ay nagkakamali siya.

Nang mabalitaan ng kaniyang mga tiyahin at tiyuhin na umaasenso na siya sa buhay ay kaniya-kaniya na ito ng hingi sa dalaga. Noong una ay ayos lamang kay Dazy dahil konti lang naman at kayang-kaya niyang ibigay, kaso habang tumatagal ay palaki nang palaki at padalas nang padalas ang paghingi ng mga ito ng pera sa kaniya. Minsan nga, pakiramdam niya ay sa kanila lang napupunta lahat ng pinagtratrabahuan niya.

“Huwag mo kasi silang kinukunsinti. Kaya ka nila inaabuso eh, kasi pinapabayaan mo lang sila. Alam mo kasi babe, walang mang-aapi kung walang pagpapaapi,” madalas na linya sa kaniya ng kaniyang nobyong si Marco.

“Eh anong magagawa ko, utang ko raw sa kanilang kung nasaan ako ngayon eh. Ayoko namang matawag na walang utang na loob o engrata,” madalas niya ding sagot sa nobyo.

Parating ibinibigay ni Dazy ang lahat ng hinihingi ng pamilya niya sa kaniya, hanggang sa inalok na siya ng kasal ng nobyo.

Bago sila magsimulang bumuo ng sariling pamilya ay nangako muna si Dazy na simula ngayon ay hindi na siya magpapaabuso sa kaniyang pamilya at magsisimula na talaga siyang mag-ipon para sa kinabukasan nilang dalawa at ng magiging pamilya nila.

Nagalit ang pamilya ni Dazy nang magsimulang tanggihan na sila ng dalaga sa tuwing hihingi sila ng tulong pinansyal dito. Nagpaliwanag naman siya sa mga ito pero para bang hindi siya magawang intindihin ng mga ito. Lumipas ang ilang taon na hindi siya kinausap ng sino man sa kanilang pamilya.

Ikinasal si Dazy na wala ni isa sa kaniyang pamilya ang dumalo. Nalungkot man ay hindi na lamang ito inintindi ng dalaga dahil mas mahalaga naman sa kaniya ang kaniyang asawa at magiging mga anak.

Dumaan ang ilang taon at masayang namuhay si Dazy sa piling ng kaniyang asawa at mga munting mga anak.

“Dazy,” tawag sa kaniya ng isang pamilyar na tinig pagkalabas niya sa building ng kanilang opisina. Nakita niya ang isang petite na babaeng nakasout ng pulang bestida, lumapit ito sa kaniya at niyakap siya.

“Patawarin mo sana kami sa mga maling nagawa naming sa’yo,” umiiyak na sambit ng babae.

Pinatahan muna ni Dazy ang pinsang si Monica bago ito pinagsalita. Nalaman niyang nagkasakit pala ng malubha ang kaniyang tiya, sakit sa bato. Naisipan nilang humingi ng tulong sa kaniya pero kinakain daw ng hiya ang kaniyang tiyang kaya hindi na lang ito umimik at hindi siya ginambala. Hindi naman matiis ni Monica ang paghihirap ng kaniyang ina kaya kusa na itong lumapit kay Dazy para humingi ng tulong.

Bukas palad na tinulungan ni Dazy ang kaniyang tiya kaya naman agad din itong gumaling agad. Muling naging maayos ang pagsasama nila ng kaniyang pamilya. Madalas na rin silang mag bonding na kumpleto at masaya, upang mapanatili ang kapayapaan at sigla ng pagmamahalan nila sa isa’t isa.

Advertisement