Inday TrendingInday Trending
Isang Lalaki ang Nanggugulo sa May Quiapo, Hindi Pala Biro ang Pinagdadaanan Nito Para Magawa Iyon

Isang Lalaki ang Nanggugulo sa May Quiapo, Hindi Pala Biro ang Pinagdadaanan Nito Para Magawa Iyon

“Walang kikilos ng masama kung hindi, pasasabugin ko ang bungo ng ulo ng babaeng ‘to?” pagbabanta ni Milo sa mga pulis na nakapalibot sa kanila ng babaeng hawak niya habang nakatutok ang baril sa may ulo nito.

Nanginginig sa takot ang babae at pilit na pinipigilan ang iyak sa takot. Nasa may isang malaking tindahan sila sa may Quiapo.

“Huwag mo siyang sasaktan! Kumalma ka lang p’re at mag-isip ka ng mabuti, ito ba talaga ang gusto mo?” pigil sa kaniya ng isang mamang pulis. Napatingin naman si Milo sa pulis na nagsalita.

“Wala na akong ibang alam na paraan kundi ang gawin ito. Madami na akong nilapitan, pero silang lahat pinagtabuyan lang ako,” galit na sagot ni Milo sa pulis.

“Para niyo na pong awa, mama, pakawalan niyo na po ako. May anak at pamilya po ako,” hindi na napigilang mapaiyak ng babaeng hostage niya.

“Tumahimik ka, bakit sila ba naawa sa’kin o sa nanay ko? Halos gumapang na ako sa kaluluhod para lamang tulungan nila ang nanay kong nakaratay na kama, pero ano? Wala! Pati ang gobyerno ay walang silbi at ang dami pang kung anu-anong hinihingi para lamang magbigay ng tulong! Ito na lang ang paraang alam ko para makakuha ng pera para ma-operahan ang nanay ko!” Galit man ay mahahalata ang takot sa mata ng lalaki dahil alam niyang mali ang kaniyang ginagawa.

Isang normal na tao lamang si Milo. Nagtratrabaho siya bilang isang construction worker, ngunit kinailangan niyang tumigil muna sa pagtratrabaho dahil nagkasakit ang kaniyang ina sa atay. Siya na lamang at ang kaniyang ina ang natitira sa mundong ito na magkamag-anak. Hindi niya na nga nakilala pa ang kaniyang ama dahil agad daw itong pumanaw ng ipinadala ito sa giyera. Isang sundalo kasi ang kaniyang namayapang ama.

Malaking pera ang kaniyang nagastos para sa mga gamot pa lamang ng kaniyang ina, at ngayon naman ay kinakailangan niya ng malaking halaga para sa operasyon nito. Lumapit na siya sa iba’t ibang taong pwede niyang mapagka-utangan, pero dahil nga may utang pa siya sa mga ito ay hindi siya napagbigyan.

Hindi niya na malaman ang kaniyang gagawin. Lahat ng kaniyang nilapitan ay hindi siya nagawang tulungan. Mahal na mahal niya ang kaniyang ina dahil ito na lamang ang kaniyang natitirang pamilya dito sa mundo. Handa siyang gawin ang lahat masigurado lamang na mabubuhay ito, kahit na makulong pa man siya.

“Ano ba ang nangyari sa iyong ina?” malumanay na tanong ng isa namang pulis.

“Nakaratay siya sa ospital ngayon, at sabi ng mga doctor, kapag hindi siya agad ma-operahan sa lalong madaling panahon ay mahuhuli na ang lahat. Siguradong babawian ng buhay ang aking ina! Mahal na mahal ko ang nanay ko,” umiiyak na pahayag ni Milo. Hindi niya kayang isipin na mawawala na ang kaniyang ina.

Nakakita naman ng pagkakataon ang pulis ng makitang umiiyak si Milo, dahan-dahan itong lumapit habang kinakausap ang binata.

“Sige nga, sa tingin mo ba, kung malalaman ng nanay moa ng ginagawa mo ngayon, sa tingin mo ba ay matutuwa siya? Isipin mo ng mabuti kung nanaisin ba ng nanay mo na ang pinakamamahal niyang anak ay gagawa ng isang krim*n para sa kaniya,” patuloy na saad ng pulis habang papalapit nang papalapit kay Milo.

Mabait ang kaniyang ina. Mahirap man sila ay parati siya nitong pinapangaralan na kahit man mahirap sila, ay napaka-importante na maging marangal sila. Dahil hindi sa pera nasusukat ang kayamanan, kundi sa kabutihan ng loob at karangalan ng isang tao. Biglang bumuhos ang luha ni Milo at unti-unti niyang nabitawan ang pagkakahawak niya sa babae.

Agad namang tumakbo ang babae papunta sa pulis ng makahanap ng tiyempo at nagtago sa likod nito. Hindi na pinansin ni Milo ang kaniyang paligid at napahagulgol na lamang dahil napagtanto niyang mas nanaisin pa nga ng kaniyang ina ang manahimik nalang at umalis sa mundo kaysa sa gumawa siya ng masama sa kaniyang kapwa para lamang mailigtas ito, ganun kabuti ang loob ng kaniyang ina.

“Nay, patawarin niyo po ako!” paulit-ulit na sabi ni Milo hanggang sa damputin na siya ng mga pulis at dinala sa presinto.

Nanatili si Milo sa loob ng selda ng mahigit isang linggo, at pagkatapos ay pinalabas din naman agad siya dahil hindi na itinuloy ng may-ari ng tindahan ang kaso laban sa kaniya.

“Anak ko,” umiiyak na niyakap siya ng kaniyang ina pagkalabas na pagkalabas niya. Napaluha naman si Milo ng makita ang kaniyang ina. Buhay ito! Napatingin siya sa pulis na kumausap sa kaniya ng araw na naganap ang krim*ng ganiyang ginawa, ngumiti lamang ito sa kaniya at tumango.

“Maraming salamat po! Maraming salamat sa Diyos! Mahal na mahal po kita, Nay!” paulit-ulit na pahayag ni Milo habang walang tigil na lumuluha.

Napag-alaman niya na ang pulis pala ang gumawa ng paraan para matulungan ang kaniyang ina. Ito ang naghanap ng mga donors at gumawa ng paraan para makalikom ng sapat na pera para sa operasyon ng kaniyang ina. Agad din naman itong na-operahan at sa awa ng Diyos ay nagpapagaling na lamang ito ngayon.

Labis na nagpasalamat si Milo sa mamang pulis sa ginawa nitong pagtulong sa kaniya at sa kaniyang ina. Bilang kapalit ay tumutulong minsan si Milo sa presinto upang maghanap ng mga nawawalang krim*nal at mas nagsikap na maging mas mabuting mamamayan.

Gaya ng pulis na tumulong sa kaniya, gusto niya ring makatulong sa kaniyang kapwa. Hindi man marami ang kaniyang kayang gawin, ay kahit man lang sa kung ano ang kaya niyang maibigay ay nais niyang makatulong sa kaniyang kapwa.

Advertisement