
Kaya Raw Nagbabalik ang Lalaking Ito sa Kaniyang Unang Pamilya ay Dahil may Sakit Na; Ano Nga Kaya ang Tunay na Rason?
“Aba naman, inay! Napakaswerte na nga ni Julio sa mga anak niya at kahit na iniwan niya kami para sa ibang pamilya ay hindi siya kinamumuhian ng mga bata at dahil ‘yun sa akin! Dahil mabuti akong ina, pero hindi ba’t sobra naman na yata na dapat kami pa ang magpakahirap na humanap ng pera para sa gamot niya? Kesehodang maputulan ng paa ‘yung tao! Wala akong pakialam!” galit na sabi ni Aling Rose sa kaniyang nanay habang hawak ang sumasakit niyang balikat.
“Malaki na ang mga bata at may asawa na nga sila pero galit na galit ka pa rin sa tatay nila. Hindi ba’t hindi lang naman si Julio ang may kasalanan kung bakit nasira ang pamilya niyo? Ikaw ang nagkulang bilang babae, Rose, kaya naman dapat sa ganitong pagkakataon ay isinasantabi mo na ang nakaraan,” mahinahong sagot ng kaniyang 70 anyos na nanay.
“Oo na nga, nandoon na tayo. Umalis ako para mag ibang bansa kasi kulang ang kinikita niya at lumalaki ang mga anak namin. Nagkulang na nga ako, nandoon na tayo, pero alam ng Diyos na hindi ako humilata sa Singapore at nagpakasarap sa buhay para maghanap siya ng ibang babaeng papasukan ng lib*g niya! Pero ‘wag na natin pag-usapan ‘yon, dahil ang punto ko rito ay huwag siyang humingi ng pera sa mga anak ko na para bang naging mabuti siyang ama! Kapag walang nararamdaman at noong malakas pa ay nasa kabit niya tapos ngayon na may kailangan ay saka uuwi sa amin? Dito magpapaalaga? Ano akala niya sa bahay namin, home for the aged? Ano akala niya sa buhay namin? Pwede niyang balikan kahit kailan niya gusto?” galit na galit na wika ni Aling Rose.
“Ma, puso mo! Hindi naman kayo magsasama ni papa sa isang kwarto kaya ‘wag ka na magalit diyan. Doon naman siya sa kubo kaya hindi pa rin kayo magkikita palagi. Saka huwag kayong mag-alala, hindi namin nakakalimutan na iniwan niya tayo habang nagbabanat kayo ng buto sa ibang bansa para sa ibang babae. Pero, hindi naman siya nagkulang bilang ama namin noong wala kayo rito at may sakit na ‘yung tao. Ang pinakahuling magagawa namin bilang anak niya ay maging mabuting tao sa kapwa. Nakakaluwag naman tayo kaya hayaan niyo na,” singit ni Marian, panganay na anak ng ale.
Hindi naman na sumagot pa si Aling Rose at sumimangot na lamang ito.
Halos sampung taon na silang magkahiwalay ng kaniyang asawang si Mang Julio Nagkaroon ito ng ibang pamilya noong siya ay nagtratrabaho sa ibang bansa. Hindi na nila sinubukan pang ayusin ang kanilang pagsasama at hinayaan na lamang ang lalaki na mawala sa kanila dahil mas binuhos niya ang kaniyang oras sa mga anak. Ngayon ay tumigil na siya sa pagtratrabaho dahil nakapagtapos ang kaniyang mga anak at may sari-sarili na ring pamilya. Awa na rin daw ng Diyos ay maluwag-luwag na ang kanilang buhay sa usaping pinansiyal. Natapos na niya ang kanilang bahay at may iilan na ring negosyo.
Makalipas ang ilang buwan na pagtatalo ay wala siyang nagawa kung ‘di tanggapin ng masama sa kaniyang loob ang pananatiling muli ng kaniyang asawa sa kanilang bahay.
“Magandang umaga, Rose, kain na tayo,” malambing na bati sa kaniya ni Mang Julio at kahit na nasa 65 anyos na ay matipuno at magandang lalaki pa rin tingnan ito.
“Mukhang malakas ka naman yata, Julio, mukha ka naman walang sakit. Hindi ka ba nahihiya sa mga anak mo?” mataray na sagot ng ale saka ibinagsak ang kutsara sa kaniyang pinggan.
“Hindi na lang ako sasabay ng pagkain sa inyo para naman hindi nagagalit ang nanay niyo nang ganito kaaga,” mahinahong sagot ng lalaki saka dahan-dahan na tumayo.
Hindi naman na nagsalita ang mga anak niya at umiling-iling na lamang saka itinuloy ang pagkain. Samantalang si Aling Rose naman ay natatawa na lamang sa inis saka niya nakita ang namamagang paa ng kaniyang dating asawa at nangingitim na mga daliri nito.
“Kapag hindi na nakakalad ‘yung tatay niyo ay maghanda na kayo ng mas malaking pera. Hindi ako ang magbabantay at aakay riyan,” pahaging ni Aling Rose sa mga anak habang kumakain ang mga ito at nilakasan niya talaga ang kaniyang boses na maririnig ni Mang Julio.
“Papa Jesus, sana po bukas mapatawad na ni lola si lolo,” bulong ni Mario na panganay na apo ng ale. Lahat sila ay nagkatinginan saka pasimpleng tumawa ang mga anak niya.
“Pati ‘yung bata, ‘ma, ikaw ang ipinagdarasal,” sabi ni Marian. Hindi na nagsalita pa si Aling Rose at nginitian na lamang ang kaniyang apo.
Kinahapunan ay hindi talaga makatiis si Aling Rose kaya naman pinuntahan niya si Mang Julio sa kwarto nito.
“Julio, hindi ka ba talaga nahihiya sa mga anak natin? Sa kanila ka talaga nagpapaalaga pagkatapos ng lahat? Ano bang kailangan kong gawin para lumayas ka rito?!” galit na sinabi ng ale.
“Rose, alam kong galit ka, pero may sasabihin sana ako sa’yo na ayaw kong makarating sa mga bata,” seryosong sabi ng lalaki.
“May taning na ang buhay ko kaya naman nandito ako, bukod sa nabubulok kong paa ay marami na akong komplikasyon,” dagdag ng lalaki.
“Sa itsura mong ‘yan? Mukhang kaya mo pa ngang mambabae e!” baling pa rin ni Aling Rose.
“Anim na buwan, ayon na raw ang pinakamatagal para mabuhay pa ako. Ang gusto ko lang naman ay makasama kayo. Alam kong nagkamali ako at walang kapatawaran ang nagawa ko sa’yo pero gusto ko lang bumalik kung saan ako unang bumuo ng pamilya. Kayo ang pamilya ko, Rose, alam mo ‘yan. Alam mo kung paano tayo nag-umpisa at kasalanan ko lahat kung bakit tayo nasira, pero sana, kahit ngayon lang. Hayaan mo akong makasama kayo kahit makita ko lang kayo araw-araw ay masaya na ako. Lahat ng naipon ko ay nakapangalan sa’yo sa bangko, ikaw na ang bahala roon pag wala na ako,” sabi ni Mang Julio saka nagpunas ng mga luha niya.
“Anong gagawin ko sa pera mo! Diyan ka na! Ang dami mong drama!” sabi ng ale saka siya umalis.
Hindi alam ni Aling Rose kung maniniwala siya o hindi ngunit mas pinili niyang pakinggan ang kahilingan ng kaniyang mister at nahuli na lamang niya ang kanyang sarili na umiiyak. Naalala niya ang mga kabataan nila ni Mang Julio kung saan mahal na mahal nila ang isa’t isa. Aminado siya sa kaniyang sarili na kasalanan niya kung bakit sila hindi na naayos pa, dahil hindi na niya pinili pang lumaban.
Lumipas ang ilang buwan at nakita niya ang unti-unting paghina ni Mang Julio ngunit pilit nitong tinatago ang kaniyang nararamdaman sa mga anak. Hanggang sa isang araw ay binawian nga ito ng buhay.
“Ha, sigurado ho ba kayong kalahating milyon ang perang naiwan ni Julio?” gulat na sabi ni Aling Rose sa taga bangkong kausap.
“Opo at may ilang papeles din po siyang iniwan. Kuhanin niyo nalamang po rito lahat,” sagot ng babae.
Dali-dali namang pumunta ang ale at doon niya nakita ang lahat ng mga sulat sa kaniya ni Mang Julio noong sinusubok pa lamang ang kanilang pagsasama. Lumabas din lahat ng paghingi niya ng tawad sa ale sa kaniyang pambababae at ang kagustuhan nitong bumalik sa kaniya.
“Bakit ngayon mo lang ito sinabi sa akin, Julio?” iyak ng ale habang yakap ang sulat at litrato nila noong kabataan.
Ngayon niya napagtanto na minahal siyang talaga ni Mang Julio at sa wakas ay pinatawad na niya ang lalaki sa kaniyang puso. Hindi man daw sila nagkaroon ng magandang istorya ay alam niya ngayon na sa huling hininga ng kaniyang mister ay ninais nitong sila ang makasama. Masalimuot man ngunit ngayon ay nakapagpatawad na siya nang tuluyan.