
Pinagpanggap ng Babae ang Magkapatid na Batang Kalsada Bilang mga Anak Upang Mailihim sa Magulang ang Palpak na Pag-aasawa; Anong Mangyayari ‘Pag Nabunyag ang Sikreto?
“Tulong! Tulungan niyo kami!”
Napalingon si Vanessa sa dako kung saan maririnig ang matitinis na boses ng mga bata. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang makitang sapilitang hinihila ng dalawang lalaki ang dalawang batang kalye papasok sa isang lumang van.
“Ay! Bebert, tulungan mo yung mga bata, tumawag ka ng guard, bilis!” utos ni Vanessa sa driver na pasakay na sana sa kanilang kotse. Nasa tapat sila ng condominium noon dahil binisita niya ang kaibigan nang makita ang nakakaalarmang pangyayari.
Nang marinig ng dalawang lalaki ang sigaw ni Bebert kasama ang guard na tinawag ay naalarma ang mga ito at mabilis na pinaharurot ang sasakyan. Malas ng mga ito at mabilis na nakaalpas ang isang pitong taong gulang na batang babae at kuya nitong mga nasa dose anyos. Sa desperasyon ay dire-diretso ang mga itong tumakbo papunta sa kanilang gawi.
“Ay! Oh my God! Ayos lang ba kayo?” alalang-alala sabi ni Vanessa nang lapitan ang mga ito. Hingal na hingal ang madudusing na bata at halos ‘di makapagsalita. Pinakalma muna ng babae ang mga ito bago tinanong kung nasaan ang mga magulang ng mga ito.
“Wala na po kaming mga magulang, ma’am. Kami na lang ng kapatid ko ang natitira,” sabi ni Jake na siyang panganay sa magkapatid. Si Jela naman na mas bata ay patuloy pa rin ang pag-iyak.
Nahabag naman ang puso ni Vanessa nang mapagtantong malamang walang mauuwian ang mga ito at matutulog na lang sa malamig at delikadong kalsada.
“Jake at Jela, pwede kayo muna dun sa bahay ko kung gusto niyo…” nag-aalangan na banggit ni Vanessa. Noong una ay walang pagtitiwala sa tingin ng magkapatid ngunit nanaig sa mga ito ang isiping may matutulugan at baka makakainan din.
Pagdating sa bahay ay agad ipinag-order ng pagkain ni Vanessa ang dalawa, at agad nilantakan ng dalawa ang mga iyon dala ng matinding gutom. Pinanood ni Vanessa ang dalawa habang naghahagikgikan ang mga ito. Napangiti siya. Matagal na panahon na ring simula nang magkaroon ulit ng tawanan sa bahay niyang iyon. Malaki nga ngunit siya lang at katulong ang nakatira.
Sa edad na 35 ay nag-iisa na lang siya sa buhay. Sampung taon na ang makalipas ay iniwan niya ang kaniyang pamilya para lang piliin ang pag-ibig. Ngunit mali pala siya ng taong pinagkatiwalaan. Ang lalaking pinakasalan niya ay ginamit lang siya upang palaguin ang negosyo nito. Nahuli niya itong nambababae na naging dahilan ng madalas nilang pag-aaway. Hanggang nagising na lamang siya isang araw na iniwan na siya nito at kinamkam pa ang malaking parte ng kaniyang sariling pera.
Napuno na naman ng pagkabahala ang puso ni Vanessa. Bukas kasi ay uuwi na sa Pilipinas ang kaniyang mga magulang. Matagal siyang tiniis ‘di kausapin ng mga ito dahil sa biglaan niyang pagpapakasal noon, at ngayon ay binigyan siya muli ng pagkakataon ng mga ito. Bibisita raw ito sa kaniya, ngunit paano niya sasabihin sa mga itong palpak ang kanilang relasyon ng asawa? Na iniwan na siya nito? Nangilid ang luha niya sa pag-aalala at tindi ng sakit na nararamdaman.
Pinahid niya ang luha nang makitang nakatingin sa kaniya ang magkapatid. Matapos pakainin ang mga ito ay pinagbihis niya ang mga ito ng malinis na damit at inihatid sa kwarto.
Kinabukasan, masayang nagising si Jake at Jela dahil may laman ang tiyan ay may kutsong hinigaan. Nais nilang magpasalamat kay Vanessa bago umalis ngunit narinig nilang may kausap ito sa kusina habang umiiyak.
“Anong gagawin ko? ‘Pag nalaman nilang miserable ang buhay ko ngayon ay baka lalo nila akong itakwil,” hagulgol ni Vanessa.
“Tatlong buwan pa lang naman noong umalis si Marvin, malay mo ay bumalik pa… Hindi mo naman kailangang sabihin sa kanila. At saka sabihin mong mga anak mo yung mga batang napulot mo kahapon para ‘di na magtanong,” sabi nito. Napatigil naman si Vanessa sa kakaibang suhestiyon ng kaibigan.
“Pero hindi ko kayang pagsinungalingin ang mga batang iyon para sa’kin.”
Nang marinig ito ni Jake ay lumabas siya sa likod ng pinto at lumapit sa mabait na babaeng tumulong sa kanila, “Sige po, Ma’am Vanessa, ikaw naman po ang tutulungan namin sa problema mo, huwag na po kayong umiyak,” sabi nito.
Dahil mapilit ang mga bata at desperado na si Vanessa ay nabuo nga ang planong pagpapanggap ng mga ito bilang mga anak niya. Dumating ang kaniyang mga magulang kinabukasan at agad naman napalapit ang mga ito sa “mga apo”.
Pinakamasaya si Vanessa ng mga araw na iyon dahil nakapagpatawaran sila ng mga magulang at napamahal na rin sila sa mga bata. Hanggang sa dumating ang kinatatakutan niyang pangyayari.
“Nakita ko si Marvin! At may ibang pamilyang kasama! Nalaman ko na rin ang totoong iniwan ka na niya at wala kayong anak!” galit na galit ang Don Joselo. Sa galit nito ay natakot ang magkapatid at nagpasya na lang na umalis bago pa sila palayasin.
Hagulgol sa pag-iyak si Vanessa sa pagpapaliwanag sa kaniyang mga magulang tungkol sa kaniyiang mga pagsisisi at kamiserablehan ng buhay.
“Patawarin mo rin kami anak at kay tagal ka naming tiniis, sana man lang ay naibsan namin ang kalungkutan mo, patawad din, anak…” sabi ni Donya Consuela. Pati ang Don ay nangilid ang luha sa mata nang makita ang anak na nagdurusa.
“Ang mga bata pong iyon ay napulot ko sa kalsada dahil nasa panganib ang buhay nila, napamahal na rin po sila sa akin, at alam kong sa inyo rin,” umiiyak pa ring sabi ni Vanessa.
“Kahit hindi mo sila anak, napamahal na rin sila sa akin, matanda na ko at gusto ko na rin ng apo, ako mismo ang magpapahanap sa kanila,” sabi ng Don na kapwa ikinagulat ng mag-ina. Kilala kasi nila ang Don na matigas ang puso.
Pinahanap nga si Jake at Jela ng buong pamilya at natagpuan nila ang dalawang umiiyak sa gilid ng kalsada. Pagkakita kay Vanessa ay nagsitakbo ang dalawa payakap dito.
“Shhh, tahan na. Simula ngayon ay sa amin na kayo titira. Napamahal na rin kayo sa aming lahat, magiging isang pamilya na tayo, tahan na,” naluluhang pag-alo ni Vanessa.
Sama-samang umuwi ang tatlo sa bahay kung saan mainit na yakap ang isinalubong ng magkapatid sa dalawang matanda.
“Salamat po sa inyo dahil gusto niyo po kaming kupkupin kahit na hindi niyo kami tunay na apo, magpapakabait po kami sa inyo,” sabi ni Jake. Maligayang namuhay nang magkakasama ang lima. Tunay nga talaga na ang sukatan ng pagiging pamilya ay hindi lang dugo kung hindi pati na rin ang pagmamahalan ng bawat isa.