Inday TrendingInday Trending
Maraming Naantig sa Video ng Construction Worker na Kumakanta sa Tulay; May Nakakaantig Pala Siyang Istorya

Maraming Naantig sa Video ng Construction Worker na Kumakanta sa Tulay; May Nakakaantig Pala Siyang Istorya

“Ayos! Tara na’t mag-inom! Sagot ko na ang chicharon pampulutan!” yaya ni Lino na katrabaho ni Yoyoy sa construction. Araw kasi ng sweldo nila noon, ngunit si Yoyoy ay nagmamadaling inayos ang bag at gitara.

“Sige p’re, sa susunod na lang ako,” paalam ng binata sa mga kasamahan at nagmamadaling sumakay ng bisikleta.

“Tara Lino! Alam mo namang may ibang raket pa yun si Yoyoy, ewan ko ba dun at bakit wagas kung kumayod,” tawanan ang mga trabahador.

Si Yoyoy ay dumating na sa kaniyang destinasyon. Ang tulay malapit sa isang MRT station. Nilabas niya ang de bateryang microphone at gitara saka nagsimulang umawit nang makitang malapit nang mag ala-sais ng gabi.

Lahat ng kinakanta niya sa ilalim ng tulay ay mga orihinal na komposisyon niya. Likas na maganda ang boses ng binata at tulad ng dati ay maraming tao ang napapalingon sa kaniya at naglalagay ng pera sa lagayan ng kaniyang gitara.

Mangilan-ngilan ang tumigil pa upang mas lalong mapakinggan ang mala-anghel niyang tinig. Napangiti naman si Yoyoy nang makita na ang hinahanap ng mata. Matapos ng gabing iyon ay kunteto siyang umuwi ng bahay.

Ngunit tila ba may plano talaga ang tadhana, dahil kinabukasan ay nagising na lang si Yoyoy na sikat na sikat na siya.

“Iba ka Yoy! Si Reymar dela Roses pa talaga ang nakapagvideo sa pagkanta mo sa tulay. Tingnan mo’t vinideo niya pa at ipinost sa Facebook! Tiyak na sisikat ka na rin niyan!” tuwang-tuwa ang mga kasamahan niyang trabahador sa balita. Simula nang magpost ang sikat na singer at composer ng si Reymar ay kabi-kabila na din ang pagsulpot ng iba’t ibang video niya.

Matagal na rin kasi niyang ginagawa ang pagkanta sa tulay kaya’t marami na ang nakakapansin sa kaniya. Nakadagdag pa sa interest ng mga tao ang suot niyang pangconstruction worker. Lalo pang umugong ang balita nang personal siyang lapitan ng manager ni Reymar at sabihing gusto nito siyang imbitahang kumanta sa show nito na ipapalabas din sa telebisyon. Hindi makapaniwala si Yoyoy sa narinig! Hindi niya hangad na sumikat ngunit malaking tulong ang kikitain niya duon sa pag-aaral ng kaniyang nakababatang kapatid.

Agad siyang pumayag at nagpaunlak na kantahin ang kaniyang paboritong komposisyon. Pagkatapos niyang umawit ay tinanong siya ng host kung bakit daw siya kumakanta sa tulay.

“Construction worker po talaga ang trabaho ko, ngunit mahilig ako tumugtog at kumanta. Maniwala man ho kayo o hindi, hindi kumita ang dahilan ng pagtugtog ko sa tulay. Mag-iisang taon na po ang lumipas noong puman*w ang tatay ko. Ako na lang at ang bata kong kapatid ang natira kaya’t hindi ko malaman kung paano siya bubuhayin. Sa kawalan ng pag-asa ay nagtangka po akong… tumalon sa tulay na iyon. Ngunit isang tao ang nagligtas ng buhay ko. Pinigilan niya akong tumalon at binigyan ng payo. Dahil sa kaniya kaya ako tumutugtog gabi-gabi. Dumadaan kasi siya duon tuwing alas-sais. Nais kong pasalamatan siya kahit sa ganoong paraan lang.”

Naluha ang lahat ng nakapanood pati mga staff sa nakakaantig na istoryang ibinahagi ng binatang construction worker. Hindi pala basta pera ang rason nito sa pagkanta sa tulay, kung hindi pambihirang inspirasyon.

“Gusto mo ba magpahatid ng mensahe sa kaniya ngayon?” tanong ng host.

“Kung nanonood ka man ngayon, maraming salamat. Dahil sa’yo kaya may pamilya pa ang kapatid ko. Salamat sa pagpapalakas ng loob ko kahit hindi mo ako kilala, sana mabuhayan ka rin ng loob sa mga kanta ko,” nakangiting sabi ng binata.

Tila ba nanonood ng drama sa hapon at puno ng kilig ang puso ng mga manonood.

Matapos ang paglabas sa telebisyon ay patuloy pa rin si Yoyoy sa pagpunta sa tulay. Isang gabi ay pauwi na sana siya ngunit napatigil nang isang dalaga ang lumapit sa kaniya at ngumiti.

“Naks ang drama mo sa TV! Pero seryoso, maraming salamat din. Sobrang malaking tulong din yung musikang tinutugtog mo gabi-gabi. Pagod ako galing trabaho at mahirap din ang pinagdaanan ko nung mga nakaraan ngunit pag naririnig ko mga kanta ay parang naaalala ko na maganda ang buhay. Salamat dahil naging inspirasyon ka rin sa akin. Jamaica nga pala,” nakangiting sabi ng dalaga sabay abot ng kamay sa kaniya.

Labis ang tuwa ni Yoyoy nang makilala na ang babae. Gayundin, ang malaman na may magandang dulot din ang musika niya ay talagang pumuno sa kaniyang puso. Nangako siya ritong hindi na ulit magtatangkang tapusin ang sariling buhay.

Simula noon ay naging mabuting magkaibigan ang dalawa. Tuwing pagod at dadaan si Jamaica sa tulay ay titigil siya sandali upang makipagkamustahan kay Yoyoy. Ang binata naman ay nagpatuloy sa paggawa ng musika na maaaring maging inspirasyon ng iba upang magpatuloy sa buhay.

Matuto tayong magtanim ng kabutihan sa puso ng kahit na sinong tao, dahil sa huli, tayo rin ang kakain ng bunga noon.

Advertisement