
Lumuhod sa Harap Niya at Nagsakripisyo Para sa Anak Nila ang Lalaking Nang-iwan sa Kaniya Noon; Matanggap Kaya Niya Ito Muli?
“Ang kapal naman ng mukha mong akitin ang anak ko! Anong akala mo sa sarili mo? Kapantay niya?!” nanggagalaiting sigaw ni Donya Carolina sa nanginginig na si Julia.
“Ma! Hindi po ako inakit ni Julia, nagmamahalan po kami!” tangkang paliwanag naman ng anak na si Roco, ang nag-iisang tagapagmana ng kompanya ng kanilang pamilya.
“Tumigil ka na Roco, at huwag mong pagtaasan ng boses ang mama mo! Hindi ko mapapayagan ang relasyon niyo. Ikaw naman Julia, simula high school at ngayong magtatapos ka na sa kolehiyo ay sinuportahan kita, ngunit ito ang igaganti mo sa akin? Hindi ka na karapat-dapat para sa scholarship na meron ka, makakaalis ka na,” pinal na sabi ni Don Roque.
Sa huli ay pinapili pa ng Don si Roco, kung ang pamilya at kompanya o si Julia. Hindi makasagot ang binata sa ama na talaga namang ikinasugat ng damdamin ni Julia.
“Salamat po sa lahat Don Roque, pasensiya na po sa gulong idinulot ko,” iyon lang at hindi na ito muli pang nakita ng pamilya.
Kahit sa graduation ceremony sa kolehiyo ay hindi na nakausap ni Roco si Julia, na naging nobya niya ng isang taon. Nang matuklasan ng pamilya niya ang relasyon ay agad nitong kinompronta silang dalawa at pinaghiwalay. Galit si Roco sa mga magulang, at pati na rin sa sarili dahil hindi man lang niya naipaglaban ang mahal.
Dumanas ng matinding depresyon si Julia dahil sa nangyari. Lalo pa’t nang malaman niyang nagdadalantao siya. Halos itakwil siya ng pamilya niya, kung hindi lang siya ipinagtanggol ng ama.
“Bakit hindi mo ipaako ang bata sa ama niya, aber?! Tutal mayaman naman sila, baka tanggapin ka na rin nila—“ sabi ng inang si Aling Marit.
Ngunit naging mariin ang pagtanggi ni Julia na ipaalam pa kay Roco na may anak sila. Hindi siya nito nagawang ipaglaban, malamang ay lalo lang siya nitong itatakwil kapag naharap sa mabigat na responsibilidad.
Simula noon ay nagsikap si Julia na ibangon ang sarili, para rin sa anak na pinangalanan niyang Alex. Dahil likas na matalino at maabilidad ay nagawa niyang itayo ang sariling kompanya na ngayong ay mabilis na lumalago.
Napatingin siya sa litrato niya at ng anak na si Alex sa cellphone at napangiti. Ngunit biglang lumungkot ang ngiti niya nang makitang sobrang kamukha nito si Roco na pilit na niyang kinakalimutan. Pareho ang mga ito ng ngiti, ng hugis ng labi.
Naputol ang malungkot na pagmumuni-muni niya nang kumatok sa opisina ang sekretaryang si Mylene.
“Ma’am!” excited na sabi nito. “Hindi po kayo maniniwala, ang gwapo po nung president ng kompanyang makaka-deal natin ngayon!”
Napailing na lang si Julia sa sekretaryang naging malapit na rin sa kaniya.
Napawi ang magiliw na ngiti sa kaniyang labi nang bumukas ang pinto at makita kung sino ang tinutukoy nito. Nang magtama ang mata nila ay napatayo siya, kapwa sila napanganga at natulala sa isa’t isa.
“E-ehem, Ma’am Julia, si Sir Rico Alex del Mundo po. He’s the president of RJ Multimedia Company,” tila nawiwirduhang sabi ni Mylene nang mapansin ang reaksyon nila.
“A-ah, good. Ahmm… ano Mylene, pagtimpla mo na lang si Mr. Ro- del Mundo ng kape, please.” Hindi pa nakakahuma sa pagkabigla si Julia nang marinig ang malakas na sigaw.
“Mommy! Mommy!” masayang tumakbo si Alex papalit kay Julia at yumakap dito. “Mommy, look! Nakakuha ako ng perfect score sa math oh!”
Hindi malaman ni Julia ang gagawin at pilit lang ang ngiting binigay sa anak. “V-very good! Ahm, anak, nasa meeting lang si mommy, punta ka muna kay Ms. Mylene,” sabi ni Julia at hinalikan sa noo ang anak na noon ay nakatingin na pala kay Roco.
“Hello po! Ako po si Alex! Magpakabait po kayo sa meeting ng mommy ko ha!” nakangiting sabi nito sabay takbo palabas. Si Roco naman ay nanlalaki ang mata at nanginginig ang ngiting nakatingin sa batang hindi mapagkakailang kamukhang-kamukha niya.
“J-julia… Bakit hindi mo sinabi?” nanghihinang tanong ni Roco kay Julia na noon ay napaluha na nang tuluyan. Lumapit si Roco sa babaeng hanggang ngayon ay laman pa rin ng kaniyang puso at lumuhod sa harap nito.
“Julia, patawarin mo ako… alam kong maaaring huli na ang lahat. Hindi kita naipaglaban noon,” nakayuko si Roco habang hawak ang kamay ni Julia. “At may naging bunga pa pala ang pagmamahalan natin, patawad na mag-isa mong binalikat lahat ng paghihirap at responsibilidad, mahal pa rin kita Julia…” tuluyan nang sumabog ang emosyon ni Roco nang muling makaharap ang dalaga.
Humiwalay siya sa pamilya at ngayon ay nagtayo ng sarili niyang kompanya. Balak niyang hanapin si Julia kapag naging matagumpay na siya. Ngayon na nahanap na niya ito, at nalaman pa niyang may anak na sila, ay mas lalong nag-igting ang pagnanais niyang makasama ito muli.
“Tama na, Roco! Minsan mo na akong pinakawalan! Sa tingin mo ganoon na lang kadaling kalimutan ang lahat? At wala kang karapatan kay Alex! Dahil wala ka naman sa tabi namin habang lumalaki siya!” Aaminin niyang napapabilis pa rin nito ang tibok ng puso niya, ngunit ngayon ay galit at takot ang nangunguna sa kaniya.
Bagsak ang balikat na lumabas si Roco sa kompanya ni Julia. Natutuwa siyang makita na nagtagumpay ito sa buhay, kahit pa habang pinapalaki ang anak nila. Nagpasya siyang gagawin ang lahat upang mabuo ang kanilang pamilya.
Simula noon ay palaging sumsulpot si Roco sa mga meetings ng kanilang mga kompanya kahit pa hindi naman ito kailangan doon. Nagsimula muli itong manligaw kay Julia, at madalas ding nakikipaglaro kay Alex. Wala namang reaksyon ang dalaga sa lahat ng pinapakita nito. Hanggang isang araw, isang malalang aksidente ang nangyari. Nabunggo ang school bus na sinasakyan ni Alex at kritikal ang kondisyon nito.
Nang malaman ang balita ay agad na sumugod sa ospital si Julia, ganun din si Roco. “Hindi ko kayang mawala si Alex… Roco, a-anong gagawin ko,” hagulgol si Julia habang yakap ni Roco na lumuluha na rin dahil sa pag-aalala.
“Kailangan niyang sumailalim sa operasyon at marami ring dugo ang nawala sa kaniya,” sabi ng doktor.
“Doc, handa po akong ibigay ang dugo ko, kahit gaano pa karami, basta mailigtas lang ang anak namin,” nagmamakaawang sabi ni Roco.
Naging matagumpay ang operasyon ni Alex, salamat sa dugong ibinigay ni Roco. Ilang araw lamang ay nagising na ito at masigla na ulit.
“Maraming salamat, Roco. Hindi ko alam ang gagawin ko kung may mangyari kay Alex, siya na lang ang meron ako… at sa pagsuporta sa a-akin,” nahihiyang sabi ni Julia.
“Alam mo namang mahal ko kayo ni Alex, Julia,” sa salitang iyon ay matamis na ngiti ang isinukli ni Julia at hinila ang kamay nito.
“T-teka, Julia—“
“Mommy! Tito Roco!” masayang bungad ni Alex sa kanila.
“Alex, may sasabihin sa’yo si Mommy, makinig ka mabuti ha? Si Tito Roco Alex, pareho kayo ng pangalan ‘di ba?” marahang sabi ni Julia sa batang noon ay matamang nakikinig sa kaniya. “Siya kasi ang tunay mo na daddy, anak,” sabi ni Julia na pinipilitan pigilan ang luha.
“Alex, ako ang daddy mo. Sorry kung ngayon lang tayo nagkakilala, promise babawi si daddy,’’ sabi ni Roco sabay yakak sa mag-ina.
Tuluyang nadugtungan ang pagmamahalan ni Roco at Julia, masayang-masaya si Alex na malamang mayroon pala siyang daddy katulad ng ibang bata. Ngayon, haharapin na nila ang pagsubok nang sabay at magkasama.