
Walang Ginawa ang Pamilya ng Binata Kundi Isumbat sa Kaniya ang Lahat ng Kanilang Naitulong; Pagsisihan Nila nang Malamang may Pinagdadaan din Pala ang Binata
“Dalawampu’t limang libo ang kailangan, Bernard, para sa pangmatrikula ng kapatid mong si Kiko. Hindi ko alam kung saang kamay ng Diyos ko hahagilapin ang malaking halaga na iyan,” sambit ni Remedios sa kaniyang panganay na anak.
“Hindi po ba nagpadala na ako ng pangmatrikula niya noong isang buwan? Saan na po iyon napunta?” tanong ni Bernard sa kaniyang ina.
“Alam mo namang maraming gastusin dito sa bahay. Tapos ang kapatid mong si Leslie kinailangan ng pera para sa pagpapagawa raw ng sasakyan nilang mag-asawa. Hindi pa ibinabalik ang pera. Kung mayroon naman akong ilalabas na salapi ay hindi ko na ito hihingin pa sa’yo. Kung nag-ipon lang sana ako habang nagpapakatulong sa ibang bansa ay sana’y hindi na ako ngayon naghihirap na manghingi sa anak ko,” wika pa ng ina.
“Nanay naman. Tama na po ‘yan. Sige po, magpapadala na ako ng pera para sa pangmatrikula ni Kiko. H’wag na po kayong ganiyan,” saad ni Bernard.
Isang inhinyero si Bernard at nakabase sa ibang bansa. Panganay siya sa tatlong magkakapatid. Ang kaniyang ina ay kagagaling lamang din sa ibang bansa at naging domestic helper doon ng labing dalawang taon. Nang makatapos na sa pag-aaral si Bernard ay umuwi na ito.
Bilang pagpapasalamat ni Bernard sa kaniyang mga magulang ay inako na niya ang pagpapaaral sa kaniyang bunsong kapatid na si Kiko. Ngunit nang makapagtrabaho na siya sa ibang bansa ay tila ipinaako na sa kaniya ang lahat ng responsibilidad pati na rin sa kaniyang kapatid na babae kahit na may asawa na ito.
May matagal nang nobya itong si Bernard. Kahit nga limang taon na silang magkasintahan ay hindi pa rin niya ito maaya ng kasal dahil inuuna niya ang kaniyang pamilya. Nais muna niyang mapagtapos ang bunso niyang kapatid bago siya lumagay sa tahimik.
“Bakit nakakunot na naman ang noo mo riyan?” tanong ni Danica sa kaniyang nobyong si Bernard.
“Wala, nagkukwenta lang ako ng mga kailangan kong ipadala sa Pilipinas.”
“Bakit? Ganoon ba kalaki ang kailangan mong ipadala at ganiyang hindi maipinta ang mukha mo?” dagdag pang tanong ng dalaga.
“Para kasing hindi natatapos ang mga bayarin. Tapos ngayon, dalawang kotse pa ang binabayaran ko dahil nakiusap ang kapatid kong babae na ako raw muna magbayad ng sasakyan nila. Alam ko namang hindi na ako babayaran ng mga iyon,” napapailing na lang na sambit ni Bernard.
“Bakit kasi pumapayag ka? Kahit gaanong kalaki ang kinikita mo rito sa ibang bansa bilang inhinyero ay hindi ka makakaipon kung lahat ay ibibigay mo sa kanila. Mabuti nga ay hindi kita inoobliga na pag-ipunan na ang kasal natin,” pahayag ni Danica
“Kaya nga nagpapasalamat ako na ikaw ang naging nobya ko,” saad ng binata.
“Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon, Bernard, ay maiintindihan ko. Kahit na hindi tayo magkatuluyan ay nais ko na may maipon ka para sa sarili mo,” sambit ng nobya.
“Siya nga pala, kumusta daw ang resulta ng check up mo? Alam na ba ng mga doktor kung bakit patuloy ang pagsakit ng tiyan mo?” dagdag pa ni Danica.
“Mamaya ko pa lang makukuha ang resulta. Samahan mo ako kung p’wede?” tanong ng nobyo. Isang matamis na ngiti ang naging tugon ng dalaga.
Maya-maya ay muling nakatanggap ni Bernard ng tawag mula sa kaniyang ina. Kailangan daw muli ng kaniyang kapatid ng pera para sa pag-aaral nito. Nanghihiram muli ang kaniyang sumunod na kapatid para sa kaarawan ng kaniyang anak at ang kaniyang ina naman ay nagpapabili ng bag na nakita niya sa kaniyang kumare.
“Naisip ko lang naman na baka may mas mura diyan, anak. At alam ko namang mas maganda at orihinal kapag galing diyan. Naglalambing lang ang nanay mo,” wika ni Remedios sa anak.
“Nay, baka ‘yung kay Kiko na lamang po muna ang maipadala ko. May mga kailangan din kasi akong bayaran dito,” pakiusap ni Bernard sa ina.
“Hindi ba sagot ng kumpanya mo ang lahat ng gastusin mo riyan? Anong kailangan mong bayaran?” pag-usisa ng ina.
“Iyong mga ibang pangangailangan ko rin po, ‘nay. Saka utang po kasi sa credit card ang nakaraang balik bayan box na ipinadala ko riyan,” paliwanag ng anak.
“Malaki naman ang sahod mo. Kayang-kaya mo ‘yan! Sige na, anak. Ibili mo na ako ng bag na sinasabi ko sa’yo. Hay, kung may naipon lang sana ako sa pagtatrabaho ko sa ibang bansa ay mabibili ko ang lahat ng nais ko. Pero wala kasi inuna ko kayong mga anak ko. Inuna ko ang pagpapaaral sa iyo. Sinasabihan na nga ako noon ng mga kasamahan ko na magtira ako kahit paano para sa sarili ko, pero hindi ko ginawa dahil kailangan mong makatapos ng pag-aaral. At tingnan mo saan ang narating mo dahil sa pagsasakripisyo ko sa ibang bansa,” sambit ng kaniyang ina.
Sa tuwing ganito na ang banat ni Aling Remedios ay tumitiklop na ang binata. Malaki kasi ang kailangan niyang tanawin na utang na loob sa inang nalayo sa pamilya para siya ay mapag-aral at marating ang kinaroroonan niya ngayon.
“Sige po, ‘nay. Hahanapin ko po ang gusto niyong bag at ipapadala ko riyan,” tugon ni Bernard.
“Salamat, anak. Napakabuti mo talaga. Saka ‘wag mo rin kalimutan ang para sa dalawang kapatid mo,” dagdag pa ng ina.
Kinahapunan ay nagtungo ang magkasintahan sa ospital upang kuhain ang resulta ng ginawang pagsusuri kay Bernard dahil sa matindi at madalas na pananakit ng tiyan nito. Hindi siya makapaniwala ng sabihin ng doktor na mayroon siyang k*nser.
“Baka nagkakamali lang ang mga doktor, Bernard. Gusto mo bang pumunta tayo sa ibang ospital para humingi ng isa pang opinyon?” sambit ni Danica.
“Narinig mo naman ang sinabi ng doktor, ‘di ba? Kaya natagalan ang resulta ay hiningan pa nila ng ibang opinyon ang ilang espesiyalista at bumalik na ganoon pa rin ang resulta. Kailangan ko na lang sigurong simulan ang gamutan na sinasabi nila. Malay mo, magmilagro at gumaling pa ako,” malungkot na tugon ng binata.
Agad na sumailalim sa gamutan si Bernard lingid sa kaalaman ng kaniyang pamilya. Kahit na nasa ospital at hindi magandang kalagayan ay iniisip niya pa rin ang kaniyang ina at mga kapatid. Nagawa pa nitong padalhan ang mga ito ng kanilang mga hinihiling.
Ilang araw ang nakalipas ay tumawag na naman ang ina ni Bernard at nanghihingi muli ng pera sa kaniyang anak para panggastos at pantustos sa lahat bayarin, gayong lahat ng ito ay naipadala na ng binata.
Nang hindi nakapagpadala si Bernard makalipas ang tatlong araw ay agad siyang tinawagan ng ina at sumbat agad ang bungad niya dito.
“Napakahirap mong hingan, Bernard. Kung ako sana ang may trabaho na ganiyan at pera na katulad ng kinikita mo ay hindi ko ipagdadamot sa pamilya ko. Kung hindi naman dahil sa akin ay hindi ka makakapagtapos. Tumanaw ka naman ng utang na loob,” sambit ng ina.
Hindi alam ni Remedios na si Danica ang nakasagot ng telepono.
“Mawalang galang lang po sa inyo. Si Danica po ito, nobya ni Bernard. Napakasakit niyo namang magsalita. At bilang isang ina ay hindi niyo dapat isinusumbat sa kaniya ang lahat ng sakripisyo na ginawa ninyo dahil responsibilidad niyo ‘yun bilang isang magulang. Hindi niyo alam kung anong paghihirap ang kinakaharap ng anak ninyo habang kayo ay walang ginawa kung hindi hingan siya nang hingan,” saad ng dalaga.
“Tinanong nyo man lang po ba siya kung kumusta na siya? Lagi ninyong bungad ay ang mga kailangan niyo. Asan po ba kayo ngayong kailangan niya kayo?” dagdag ng dalaga.
“Bakit? Ano ba ang nangyari d’yan kay Bernard at kung makapagsalita ka riyan ay akala mo kung sino ka?” tugon ni Remedios.
“May malubhang sakit po ang anak ninyo. May k*nser po siya at hindi na siya nakakapagtrabaho dahil kailangan niyang sumailalim kaagad-agad sa matinding gamutan. Kailangan po ng malaking halaga para po sa gamutan niya,” wika pa ni Danica.
Lubusang ikinabigla ni Remedios ang kaniyang narinig. Lalo na nang sabihin ni Danica na wala nang kapera-pera itong si Bernard dahil ipinapadala ng anak ang lahat ng sweldo nito sa kanila. Nakonsensiya ang ina sa lahat ng kaniyang pinaggagagawa. Natauhan siya sa lahat ng sinabi sa kaniya ng nobya ng anak.
“Pero huwag kayong mag-aalala. Ako ang bahala sa nobyo ko. Pero sinisigurado ko po sa inyo na hindi niyo na siya mabibigyan ng sama ng loob kahit kailan,” saad ng dalaga sabay baba ng telepono.
Pilit na iginapang ni Danica ang gamutan ni Bernard ngunit matindi na ang pagkalat ng k*nser sa katawan ng nobyo. Ilang buwan ang nakalipas ay binawian na rin ng buhay si Bernard.
Hindi akalain ni Remedios na abo na nang makakuwi sa kanila ang panganay na anak. Lubusan niyang pinagsisisihan na sa mga huling sandali nito ay wala man lamang siya sa tabi nito upang alagaan siya bagkus ay puro sakit ng ulo at panunumbat pa ang kaniyang sinabi sa anak.
Magsisi man si Remedios buong buhay niya ay hindi na nito maibabalik pa ang buhay ni Bernard. Hindi man lamang niya nagawang magpasalamat dito. Hindi na rin maibabalik ang mga panahon na sana ay nagpaka-ina siya sa binata. Ngunit ang lalong masakit ay hinding-hindi na niya mababawi pa ang mga sumbat na kaniyang binitawan sa anak.

Lumuhod sa Harap Niya at Nagsakripisyo Para sa Anak Nila ang Lalaking Nang-iwan sa Kaniya Noon; Matanggap Kaya Niya Ito Muli?
