Inday TrendingInday Trending
Ipinagtabuyan ng Pamilya ang Dalagang Napilitang Ibenta ang Sarili Matustusan Lamang ang Kanilang Pangangailangan; Isang Tunay na Pag-Ibig Pala ang Kaniyang Matatagpuan

Ipinagtabuyan ng Pamilya ang Dalagang Napilitang Ibenta ang Sarili Matustusan Lamang ang Kanilang Pangangailangan; Isang Tunay na Pag-Ibig Pala ang Kaniyang Matatagpuan

“Jessa, bakit hindi mo pa rin ipinapadala ang pambayad ng kuryente? Noong isang araw pa ‘yon dapat nabayaran. Aba’y mapuputulan na kami ng kuryente dito!” galit na sambit Aling Mely sa kaniyang dalagang anak na si Jessa.

“Nag-iipon pa po ako ng ipapadala, ‘nay. Kasi kakapadala ko lang po sa inyo noong nakaraang linggo, ‘di ba?” tugon ng dalaga.

“Ay, Jessa, sa tingin mo ba ay sasapat ang limang libong pinadala mo noong isang linggo para sa lahat ng gastusin namin dito sa bahay? Ni hindi ka pa nga nagpapadala ng pang matrikula ng kapatid mo. Nakautang pa tuloy ako sa kapitbahay para sa pang-baon niya,” bulyaw ng ina.

“Baka naman po p’wedeng kaunting tipid, ‘nay? Hirap din po kasi akong pagkasyahin ang sinasahod ko para sa gastusin niyo d’yan pati na rin po sa mga gastusin ko dito sa Maynila. Hayaan niyo po kapag nakaluwag ay dadagdagan ko ang padala,” pakiusap ni Jessa.

“Akala mo ba ay hindi namin tinitipid ang pinapadala mo, Jessa? Tingin mo siguro ay nagbubuhay mayaman kami porkit nagpapadala ka. Para sabihin ko sa iyo, kulang na kulang ang binibigay mo kaya huwag kang nanunumbat riyan!” galit na sambit ng ina.

“Hindi po ako nanunumbat, ‘nay, nakikiu–” hindi pa tapos ang sinasabi ng dalaga ay binabaan na siya ng telepono ng kaniyang ina.

Tubong probinsya si Jessa at lumuwas ng Maynila upang maghanap ng trabaho upang maipanustos sa kaniyang pamilya. Ngunit tila pakiramdam ng kaniyang pamilya ay nangibang bansa ang dalaga kung makahingi sila ng panggastos dito. Hirap man ay pinipilit ni Jessa na itawid ang lahat ng pangangailangan ng kaniyang pamilya.

“Girl, hindi talaga sasapat ang kinikita mo sa pabrika kahit anong pagba-budget pa ang gawin mo d’yan sa lakas ng gastos ng pamilya mo. Kung makahingi ng pera sa iyo ay daig mo pa ang bangko,” sambit ni Rose, kasama ni Jessa sa tinutuluyang dormitoryo.

“Marami kasi talaga rin silang pinagkakagastusan doon. Saka may sakit daw ang tatay ko, binibilhan pa ng nanay ko ng gamot,” pahayag ni Jessa.

“Kaya nga! Kaya para mapunan mo lahat ng pangangailangan nila ay kailangan mong magkaroon ng mahika para makagawa ng pera o ‘di kaya naman ay sumama ka na lang sa akin,” wika ni Rose.

“Hindi ba gusto mong kumita ng mas malaki? Sumama ka na lang sa akin sa bar at iwan mo na ang trabaho mo sa pabrika. Wala ka namang gagawin do’n. Uutuin mo lang ang mga lalaking umiinom. Tatabihan mo lang sila. Konting hipo lang at makukuha mo na ang lahat ng gusto mo,” pambubuyo pa ng kaibigan.

“H-hindi ko ata maaatim na gawin ‘yan!” saad ng dalaga.

“Ikaw ang bahala. Basta pag-isipan mo. Tapos ay sabihan mo ako kapag nagbago ang isip mo,” wika ni Rose.

Kinaumagahan ay ginising si Jessa ng tawag ng kaniyang ina.

“Jessa! Puputulan na kami ng kuryente, ano ba? Kailan ka ba magpapadala talaga? Ang tatay mo kailangan pa ng gamot. Hindi rin nakapasok ang kapatid mo kahapon dahil walang baon. D’yos ko naman, Jessa, kanino mo ba gusto kong kuhain ang lahat ng kailangan namin?” walang tigil sa pagbubunganga si Aling Mely.

Nang tingnan ni Jessa ang kaniyang pitaka ay talagang wala na siyang natitirang pera kung hindi ang panggastos niya para sa tatlong araw hanggang sa makasahod siya. Dahil dito ay napilitan na rin siyang kagatin ang alok ng kaibigan.

Sa una ay nahihiya pa si Jessa. Hindi kasi siya sanay na magsuot ng maiiksing damit. Hindi rin siya sanay na mahawakan siya ng kahit sino. Ngunit nang makita niya ang kaniyang sahod ng araw na iyon ay nilunok na lang niya ang kaniyang dignidad at nagpatuloy sa ganitong hanapbuhay.

Naging malaki na ang perang ipinapadala niya sa kaniyang pamilya. Ni wala na siyang naririnig na sumbat at pagbubunganga sa kaniyang ina sapagkat sobra pa ang perang napupunta sa kaniyang pamilya.

“Sa tingin ko ay kailangan na rin nating ipagawa ang bahay na ito,” saad ni Aling Mely sa kaniyang anak.

“Sige, ‘nay, ako po ang bahala,” sagot ni Jessa.

Noong gabing iyon ay nakapagdesisyon na si Jessa na hindi na lang pagtabi sa mga kostumer ang kaniyang gagawin. Kahit na hindi niya alam kung paano atimin ay nagpakalasing na lamang siya nang sa gayon ay kung may nais na maglabas sa kaniya sa bar ay makakaya niyang gawin.

Marami ang nainom ni Jessa ng gabing iyon. Kaya nang yayain siya ni Alex, isang arkitekto at regular na kostumer ng dalaga sa bar ay agad siyang pumayag. Sa sobrang lango ni Jessa sa alak ay hindi na niya alam ang nangyari. Dinala siya ng binata sa isang hotel at doon ay may naganap sa pagitan ng dalawa. Hind makapaniwala ang binata na ito ang unang beses na karanasan ng dalaga.

Sa hindi inaasahang pangyayari ay may isang kalapit na bahay nila Jessa na nagtatrabaho rin sa Maynila malapit sa bar na pinagtatrabahuhan ng dalaga ang nakakita sa kaniya. Ipinagtanung-tanong na niya doon si Jessa at ang sabi nga ay isa itong babaeng bayaran.

Kumalat agad sa lugar nila Jessa sa probinsiya ang kaniyang ginagawa. Nang umuwi siya sa kanilang bahay upang dalawin ang pamilya ay pilit siyang pinagtabuyan ng kaniyang ina.

“Lumayas ka sa pamamahay na ito. Wala ka nang dinala sa pamilya na ito kung hindi kahihiyan. Marumi kang babae!” sambit ng ina habang kinakaladkad ang dalaga palabas ng bahay.

“Ginawa ko po ang lahat ng iyon para sa inyo. Para may maipadala ako at magkaroon kayo ng magandang buhay!” saad ni Jessa habang umiiyak.

“Ang tigas ng mukha mo at kami pa talaga ang sinisi mo sa kakatihan mo! Ang sabihin mo ay malandi ka lang talaga! Wala kang kahihiyan! Lumayas ka. Wala akong anak na bayaran!” giit ni Aling Mely.

Puno ng sama ng loob na bumalik ng Maynila si Jessa. Kahit na balot ng kalungkutan ay pilit na nagtrabaho na lang ang dalaga sa bar. Halata sa kaniyang mukha ang tinatagong lungkot.

“Gusto mo bang umalis dito at sumama sa akin? Tanggalin natin ang lungkot mo,” sambit ni Alex. Tumango lamang ang dalaga.

Ang akala ni Jessa ay muli siyang daldalhin ng binata sa isang hotel upang may mangyari sa kanila ngunit sa halip ay dinala siya nito sa isang mamahaling restawran. Ngayon pa lamang nakapasok sa ganitong kagarbong kainan ang dalaga.

“Bakit mo ako dito dinala?” pagtataka ni Jessa.

“Nais kong pasayahin ka. Alam ko sawa ka na sa buhay mo sa bar. Sa ingay, sa gulo at sa mga nangyayari doon,” wika ni Alex.

“Jessa, may gusto sana akong sabihin sa’yo. Gusto ko sanang maging nobyo mo,” sambit ng binata. Ikinabigla ng dalaga ang kaniyang narinig.

“Alam kong mabilis ang pagtatanong ko sa iyo. Ni hindi man lang kita naligawan ng pormal. Pero hindi ko na kasi maitanggi ang nararamdaman ko sa’yo. Kaya sana ay pumayag ka na maging nobya ko,” dagdag pa ni Alex.

“Hindi iyon, Alex. Hindi ka ba naiilang na ganito ang trabaho ko? Hindi mo ba naiisip na marami ng lalaki ang nakahawak sa akin? Hindi na ako malinis. Mabilis mo nga akong nakuha, e,” pahayag ng dalaga.

“Alam kong hindi mo gusto ang trabaho mo at napilitan ka lang dahil sa pamilya mo. Alam ko rin na kaya ka malungkot ngayon ay dahil pinagtabuyan ka sa inyo. Sinabi ni Rose ang lahat sa akin,” wika ng binata.

“Matagal na akong may gusto sa iyo. Hindi ka ba nakakahalata kung bakit halos gabi-gabi ay nagtutungo ako sa bar, umoorder ng alak ngunit hindi naman iniinom ang lahat? Ito ay dahil gusto kitang makasama. Ngunit nahihiya ako na baka tanggihan mo ang pag-ibig ko. Pero pangako ko sa’yo, Jessa, totoo ang hangarin ko sa’yo. Wala akong pakialam sa nakaraan mo. Basta hayaan mo akong maging parte ng kasalukuyan at hinaharap mo,” dagdag pa ng binata.

Pinatunayan ni Alex kay Jessa ang kaniyang nararamdaman. Dahil dito ay hindi na rin naiwasan ng dalaga na mahulog ang kaniyang loob sa binata. Agad niya itong sinagot upang maging kasintahan.

Simula nang magkaroon sila ng relasyon ng binata ay hindi na kinailangan pa ni Jessa na bumalik sa pagtatrabaho sa bar. Pilit na binago ng dalaga ang kaniyang buhay. Nag-apply siya bilang isang receptionist sa isang kumpanya at agad siyang natanggap.

Makalipas lamang ang ilang buwan ay niyaya na rin siya ni Alex na magpakasal at hindi na nagdalawang-isip pa ang dalaga. Tulad ng naging pangako ni Alex ay minahal niya ng buong-buo si Jessa at kahit kailan ay hindi niya sinumbat ang nakaraan nito.

Kahit na tinalikuran na si Jessa ng kaniyang pamilya ay nagkaroon naman siya ng isang lalaking tunay na magmamahal at tatanggap sa kaniya.

Hindi akalain din ni Jessa na sa kabila ng lahat ng kaniyang pinagdaanan ay isang katulad ni Alex ang makakasama niya habambuhay. Kahit na tinalikuran siya ng kaniyang pamilya ay nakatagpo naman siya ng lalaking tatanggap at magmamahal sa kaniya ng buong-buo.

Advertisement