Inday TrendingInday Trending
Duda ang Lahat sa Hangarin ng Binata sa Kaniyang Nobyang Higit ang Tanda sa Kaniya; Ganito Pinatunayan ng Lalaki ang Kaniyang Pag-Ibig

Duda ang Lahat sa Hangarin ng Binata sa Kaniyang Nobyang Higit ang Tanda sa Kaniya; Ganito Pinatunayan ng Lalaki ang Kaniyang Pag-Ibig

May-ari ng isang advertising agency si Margarette. Tanyag siya sa larangang ito dahil maraming kumpanya ang nagtitiwala sa kaniyang galing at kakayahan. Bata pa lamang si Margarette ay talagang matayog na ang kaniyang pangarap. Kapag mayroon siyang ninais ay ginagawa niya ang lahat upang mapagtagumpayan ito. At hindi naman siya nabigo.

Ngunit kaakibat ng kaniyang tagumpay ay ang lubusan niyang pagkaabala sa trabaho. Dahil dito ay nawalan siya ng panahon para sa pagmamahal. Sa edad na apatnapu’t lima ay wala pa rin siyang nagiging nobyo.

“Sis, napag-iiwanan ka na ng kalendaryo. Maayos na ang takbo ng buhay mo, siguro naman ay panahon na para isipin mo naman ang buhay pag-ibig mo,” saad ni Dahlia sa kaniyang matalik na kaibigan at ka-sosyong si Margarette habang sila ay nagkakape sa isang malapit na cafe.

“Parang wala na nga sa isip ko ‘yan. Napaglipasan na ng panahon ang puso ko, sis!” tugon ni Margarette.

“Ano ka ba, wala naman sa itsura mo ang edad mo. Bakit kasi hindi mo pa sagutin ‘yung isang executive na nanliligaw sa’yo? Matipuno na at masugid talagang manligaw sa’yo,” tukso ng kaibigan.

“Hindi mo rin ba nabalitaan na kakadiborsyo lang no’n sa asawa. Ayoko ng may sabit. Baka mamaya ay mas masakit pa sa ulo ‘yan kaysa sa trabaho natin,” pagbibiro ni Margarette.

“Tara na, sis. Bumalik na tayo sa opisina at marami pa akong kailangang pirmahan. Mas importante ang kumpanya ko kahit kanino pang lalaki d’yan!” dagdag pa nito.

Sa pagmamadali ni Margarette ay hindi niya sinasadya na makabangga ang waiter ng nasabing cafe.

“P-pasensiya na po, ma’am. Hindi ko po sinasadya!” natataranta na paghingi ng paumanhin ng binata.

“Naku, mabuti na lamang at malamig ang dala mong kape! Kung hindi ay nalapnos na ang balat nitong kaibigan ko. Ni hindi pa man nakakalasap ng makakayakap sa buhay ay malalapnos pa ang balat,” sambit ni Dahlia.

“Tigilan mo nga ako, Dahlia! Natapunan na nga ‘yung tao puro ka pa kalokohan d’yan!” wika ni Margarette habang pinupunasan niya ang kaniyang damit.

“Pasensiya na po talaga kayo, ma’am. Pangako, sinubukan ko po kayong iwasan. Patawad po!” halos lumuhod ang binata sa paghingi ng paumanhin.

“Huwag mo na itong alalahanin. Natapunan lang naman ako. Hindi naman ako nasaktan. Saka baka nga kasalanan ko rin kasi hindi ako nakatingin habang naglalakad,” saad ni Margarette. At tuluyan na silang bumalik sa opisina.

Ngunit hindi doon natatapos ang pagtatagpo ng dalawa. Habang mag-isang nagkakape si Margarette ay bigla na lamang may naglapag ng cake sa kaniyang mesa.

‘W-wala akong order na cake,” wika ni Margarette.

“Alam ko po. Ako po si Clint. Ako po ‘yung nakabangga ninyo dito sa cafe noong isang araw. Tanggapin po ninyo ang cake na ‘yan bilang paghingi ko ng paumanhin,” saad ng binata.

“Naku, sinabi ko naman sa’yo na balewala iyon. Magkano ba ang cake na ito at babayaran ko. Baka mamaya ay iawas pa ito sa sahod mo,” wika ni Margarette.

“Tanggapin nyo na po. Masarap ang cake na ‘yan. Sigurado po ako ay magugustuhan niyo,” sambit ni Clint.

Simula noon ay kapag naroon sa cafe si Margarette ay palagi na siyang binibigyan ni Clint ng cake. Doon ay nagsimula ang isang magandang pagkakaibigan. Alam ng binata na malayo ang agwat nila sa isa’t isa, hindi lamang sa katayuan sa buhay ngunit pati na rin sa edad. Si Clint ay dalawampu’t pitong taong gulang lamang.

Ngunit hindi niya maipaliwanag kung bakit ganoon na lamang ang pagkabighani niya kay Margarette. Kaya unti-unti niya itong niligawan. Marahil ay dahil sa angkin nitong kabaitan sa kabila ng tagumpay na nakamit nito.

Hindi rin maintindihan ni Margarette kung bakit ganoon na lamang din kabilis nahulog ang kaniyang loob sa binata.

“Hindi ko alam kung tama itong nararamdaman ko sa’yo, pero matanda na ako para itago ko pa. Oo, mahal din kita,” sambit ni Margarette.

Walang mapaglagyan ang kaligayahan ng dalawa ng araw na iyon.

Nang malaman ng nakararami ang kanilang relasyon ay hindi maiwasan na magtanong ang ilan sa tunay na intensyon ni Clint kay Margarette.

“Sigurado ka na ba sa binatang iyan? Baka pagdating ng panahon ay ipagpalit ka rin niyan sa mas bata,” pag-aalala ni Dahlia.

“Kalat na sa lahat ang relasyon niyo ng binatang iyan. Alam mo ba ang sabi nila? Baka sawa na raw sa pagtatrabaho sa cafe ang nobyo mo kaya pinatulan ka. Sabagay, hindi na niya kailangan pang magtrabaho kapag ikaw ang nakatuluyan niya,” dagdag pa ng kaibigan.

“Hindi ganoon si Clint. Iba siya sa lahat ng nakilala ko, sis. Kung lokohin niya ako sa katagalan ay ako naman ang masasaktan at hindi naman kayo, kaya pabayaan niyo na lang ang relasyon namin. Saka tama kayo, matanda na ako. Alam ko na siguro naman kung ano ang ginagawa ko,” pahayag ni Margarette.

Sa tuwing nakikita ang dalawa na magkasama ay makikita mo na hinuhusgahan sila. Ngunit wala silang pakialam sa iisipin ng mga tao. Basta sa kanilang dalawa ay alam nilang nagmamahalan sila.

Hindi pa siguro sapat ang mga panghuhusga ng mga tao, makalipas ang ilang buwan ay muling sinubok ang pagmamahalan ng dalawa nang si Margarette ay masangkot sa isang malalang aksidente. Sinalpok ng isang rumaragasang trak ang kaniyang sasakyan habang siya ay nagmamaneho papunta sa opisina.

May tinamaan sa buto sa likod ni Margarette kaya ito hindi na ito nakakagalaw pa. Kailangan din niyang dumaan sa matinding operasyon. Hindi pa rin ito nagkakamalay. Ang akala ng lahat ay sa panahon na iyon ay iiwan na ni Clint si Margarette. Ngunit hindi umalis ang binata sa kaniyang tabi.

Isinakripisyo ng binata ang kaniyang trabaho at ang kaniyang ipon para lang mabantayan niya at maalagaan ang kaniyang minamahal na nobya. Hindi siya bumitiw na isang araw ay magkakamalay ito.

At hindi nga nagkamali si Clint. Isang araw ay dahan-dahang iminulat ni Margarette ang kaniyang mga mata. Laking gulat din niya na makita si Clint sa kaniyang tabi. Nang maramdaman ni Clint na gising na ang kaniyang nobya ay agad siyang tumawag ng nars at doktor.

Pinaliwanag ng mga doktor ang mga nangyari sa kaniya at sa mga kailangan pa niyang pagdaanan.

“Kaya mo pa ba akong mahalin sa kabila ng kalagayan ko?” lumuluhang wika ni Margarette.

“Hindi mo lang alam kung gaano ako nagdasal sa Diyos para ibalik ka Niyang muli sa akin, mahal ko. Hindi kita minahal dahil sa itsura mo o ano man ang katayuan mo sa buhay. Kaya kahit ano pa man ang maging kalagayan mo, narito ako para sa’yo. Ikaw at ikaw lang ang pipiliin ko na mahalin,” hindi na rin napigilan pa ni Clint ang pagtulo ng kaniyang mga luha habang hawak ang kamay ng kaniyang nobya.

Hindi umalis si Clint sa tabi ni Margarette upang siya ay alagaan. Nakita ng lahat kung paano ginugol ng binata ang kaniyang oras sa pag-aalaga sa kaniyang nobya. Dahil sa ipinamalas niya ay nagbago ang tingin ng lahat sa binata. Napatunay nilang tunay nga at wagas ang kanilang pagmamahalan.

Nang tuluyang bumuti ang kalagayan ni Margarette ay niyaya siya ni Clint na magpakasal. Hindi na nagdalawang-isip pa ang nobya dahil ramdam na ramdam niya ang tunay na pagmamahal sa kaniya ng binata. Hanggang sa tuluyan na ngang nagpakasal ang dalawa at nagsama ng matiwasay.

Pinatunayan ng dalawa na ang pag-ibig ay walang kinikilalang edad at kahit anong katayuan sa buhay.

Advertisement