Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Pagiging Talakera ni Misis kaya Pinasok ni Mister ang Masagwang Trabaho; Ano Kaya ang Kahihinatnan Nito?

Dahil sa Pagiging Talakera ni Misis kaya Pinasok ni Mister ang Masagwang Trabaho; Ano Kaya ang Kahihinatnan Nito?

Labing limang taon ng nagsasama si Alma at si Victor, sa katunayan ay biniyayaan na sila ng dalawang anak. Ngunit mula noong natanggal ang asawa sa pinagtatrabahuan nito ay hindi na muling naghanap ng ibang trabaho si Victor, kaya ang lumalabas ngayon ay siya ang naging haligi ng kanilang pamilya.

“Nahihirapan na ako sa lahat ng gastos natin dito, Victor. Sana naman ay maghanap ka ng trabaho para naman may katuwang na ako sa gastusin,” mainit ang ulong wika ni Alma.

“Pero Alma, hindi ba’t mas maigi na ‘yong nandito lang ako sa bahay. May nag-aalaga kina Keean, at Kiarra,” wika ni Victor.

“Mas maganda pa rin iyong may trabaho ka, Victor. Ano, ganiyan na lang ba ang buhay na gusto mo? Ang tumambay rito sa bahay? Nagiging batugan ka na yata!” Galit pa ring sambit ni Alma. “Ayos lang sa’yong tawaging batugan at palamunin!”

“Tama na Alma, bukas na bukas ay maghahanap ako ng trabaho,” mahinang sambit ni Victor habang nakayuko.

Gaya nga nang ipinangako ni Victor kay Alma, kinabukasan ay maagang umalis si Victor upang maghanap ng trabaho. Ngunit kahit anong gawin niya’y wala nang tumatanggap sa kaniya dahil na rin sa kaniyang edad.

“Kumusta ang paghahanap ng trabaho Pareng Victor? Nakahanap ka na ba ulit ng magandang trabaho?” Tanong ni Henry ang kaibigan niya.

“Wala pa nga p’re e. Hindi kasi maintindihan ni Alma na mahihirapan na akong maghanap ngayon ng trabaho dahil bukod sa hindi na pasok ang edad ko’y medyo kulang na rin ako sa kakayahan,” nanghihinang sambit ni Victor.

“May raket ako para sa’yo p’re,” wika ni Henry na may ngiting makahulugan sa labi.

“Ano naman iyan?”

Makalipas ang dalawang linggo ay laking tuwa ni Alma nang abutan siya ni Victor ng kulang-kulang kinsemil.

“Wow! Mabuti naman ay may trabaho ka na, Victor. At least ngayon magtutulungan na tayo ulit,” masayang wika ni Alma.

“Oo naman, Alma,” sagot ni Victor habang panay ang lambing sa dalawang anak.

Nagdire-diretso ang trabaho ni Victor at madalas ay hindi na ito nakakauwi dahil ayon rito ay may biyahe sila at gagabihin kaya kinabukasan na lamang ito uuwi sa kanila.

Hanggang sa isang araw ay nagduda si Alma sa asawa. Palagi na lang kasi itong may biyahe at umuuwi lang upang mag-abot ng pera at babalik rin agad dahil sa panibagong biyahe na naman daw.

“Umamin ka nga sa’kin, Victor! Anong klase ba iyang trabaho mo? Bakit napapansin kong panay na lang ang pagbiyahe-biyahe mo?” asik na tanong ni Alma sa asawa.

“Ano ba naman, Alma, kapag wala akong trabaho nagagalit ka kasi batugan ako at walang kwenta dahil wala akong naiaabot na pera. Ngayon namang ay trabaho na ako, nagrereklamo ka pa rin! Saan ba ako lulugar sa’yo,” inis na wika ni Victor.

“Nakakapagtaka na kasi iyang ginagawa mo.”

“Hay naku! Praning ka lang,” anito sabay higa at ipinikit ang mga mata.

“Umamin ka nga sa’kin, Victor. Siguro may babae ka na ‘no? Ngayong may trabaho ka na’y ang lakas na ng loob mong mambabae. Samantalang noon pinapalamon lang naman kita!”

“Magdahan-dahan ka d’yan sa sinasabi mo, Alma. Pinalamon mo lang ako ng ilang buwan, pero para bang ikaw na ang bumuhay sa’kin mula pagkabata!” Galit na ring sambit ni Victor.

Talagang napupuno na siya rito. Sobra nang magsalita si Alma, inaapakan na nito pati pagkalalaki niya.

“Sige na! Aamin na ako! Oo wala akong trabaho, rumaraket lang ako, Alma! Nambab*kla para magka-pera lang. Sumasayaw na hubo’t hubad matugunan ko lang ang kailangan mong pera.

Ibinaba ko na ang pagkatao ko, tutal sobrang baba na rin naman ng tingin mo sa’kin! ‘Yang perang binibigay ko sa’yo. Galing ‘yan sa syota kong b*kla. Allowance na binibigay niya kapalit ang pagkalalaki ko!” Hindi na napigilan ni Victor ang mapaiyak ng malakas.

“Victor,” umiiyak na ring tawag ni Alma sa pangalan ng asawa.

“Alam mo ang dahilan kung bakit ako natanggal sa dati kong trabaho. Natanggal ako dahil na rin sa problema ko sa kalusugan, ngunit imbes na pakinggan ang sinasabi kong magnegosyo na lang ay sinasabihan mo akong batugan at walang kwenta, por que wala na akong trabaho.

Ang baba na nga ng tingin ko sa sarili ko, Alma, e. Pero imbes na unawain ako, binababa mo ako lalo,” humahagulhol na wika ni Victor.

Umiiyak na lumapit si Alma sa asawa at niyakap ito nang mahigpit. “Patawarin mo ako, Victor. Masyado akong naging makasarili at hindi ka inunawa. Patawarin mo ako,” tumatangis na rin nitong sambit.

Dahil sa kumprontasyon na iyon ay naunawaan ni Alma si Victor, kaya simula noon ay sinuportahan niya ang nais nitong magtayo na lamang ng sari-sari store at ito na ang magbabantay, kasama sa pag-aalaga sa mga bata habang nagta-trabaho naman si Alma.

Minsan nagiging makasarili tayo at hindi natin nagagawang pakinggan ang hinaing ng taong mahal natin. Kaya sa isang relasyon ay mahalaga talaga ang masinsinang usapan upang magkaintindihan.

Advertisement