
Hindi Nagustuhan ng Ilan nang Malamang Kumakayod pa rin ang Lalaking May Kapansanan; Inaabuso Nga Ba Ito?
Totoo nga naman ang kasabihan na magtanim ay ‘di biro, maghapong nakayuko. Ngunit mas mahirap ang kalagayan ni Mang Aldrin, dahil sa kaniyang sakit na polio. Nahihirapan siyang maglakad nang maayos dahil sa kaniyang kalagayan, ngunit kainakailangan niyang kumayod para sa kaniyang pamilya.
“Vicente, aalis na muna ako. Pupunta ako sa taniman,” paalam ni Mang Aldrin sa kaniyang pamangkin.
“Tiyo, dito na lang kayo sa bahay. Baka pagalitan na naman ako nila mama at papa dahil pinayagan na naman kitang magtanim sa palayan,” nahihintakutang sambit ni Vicente.
“Akong bahala sa’yo mamaya. Sayang din ang mga iyon kung kakailanganin pa nilang umupa ng tauhan. Nandito naman ako. D’yan ka na,” aniya at akma na sanang aalis gamit ang dalawang kahoy upang maging alalay niya sa paglalakad.
“Tiyo naman e,” mangiyakngiyak na wika ni Vicente.
“Uuwi ako bago pa man sila makarating dito sa bahay. Hayaan mo na ako pamangkin, wala akong ibang maisip gawin rito sa bahay.”
“Basta uuwi ka bago pa man nila malaman ah,” paninigurado ng bata.
Isang tango at ngiti lamang ang isinukli ni Mang Aldrin saka tuluyang umalis. Dahil sa kapansanan niya kaya iniingatan siyang maigi ng kaniyang mga kapatid. Ngunit imbes na maging kumportable si Mang Aldrin ay mas lalo pa tuloy niyang nararamdaman na inutil siya.
“Oh Aldrin, bakit ikaw ang nagtatanim diyan?” Kausap sa kaniya ni Nestor. May taniman rin ang lalaki katabi sa taniman nila at katulad niya’y naparito rin ito upang magtanim.
“Mas gusto ko ang gumagalaw, Nestor, kaysa tumunganga na lamang. Inutil na nga ako’y ipaparamdam ko pa sa sarili kong napaka-inutil ko,” nakangiting wika ni Aldrin, na kahit nahihirapan ay pinipilit ang sariling gumalaw katulad ng mga normal.
Maliban sa pagtatanim ay nagtitinda-tinda rin si Aldrin ng kung ano-ano sa maliit na palengke sa kanilang lugar. Bitbit ang kaniyang saklay ay nakakakilos na rin naman siya ng maayos, kahit mabagal at nahihirapan ang mahalaga ay nakakausad. Ang mahalaga ay gumagalaw siya at hindi nakaasa na lang palagi.
Isang umaga ay may dumalaw sa bahay nila na ayon sa mga ito ay representative daw ng DSWD.
“Ikaw po ba si Mr. Aldrin Soriaga?” Tanong ng babaeng naka-uniporme ng DSWD.
“Ako nga po,” nakatingalang tugon ni Aldrin.
“Naparito po kami dahil sa isang report na inaabuso raw po kayo ng pamilya ninyo. Hinahayaan daw po nila kayong kumayod kahit nahihirapan kayo dahil sa kapansanan ninyo. At minsan daw ay pinagtitinda kayo ng kung ano-ano,” wika nito.
Wala sa loob na napalingon si Aldrin, sa kapatid na kulang na lang ay umiyak dahil sa maling paratang. “Sabi ko naman sa’yo kuya na dito na lang kayo sa bahay,” mangiyakngiyak na wika ni Alfonso.
Hindi na sinagot ni Aldrin ang kapatid, sa halip ay hinarap niya ang mga bisita saka nagsalita. “Ang totoo po, madam, ay nagpapasalamat ako sa concern na ipinakita ninyo sa’kin. Ngunit nais kong mainis doon sa taong nagbigay sa inyo ng maling impormasyon,” malungkot na pahayag ni Mang Aldrin, nanatili lamang tahimik ang mga bisita.
“Sa totoo lang po ay halos magmakaawa na sa’kin ang mga kapatid ko na huwag na akong gumalaw at pumarito na lamang sa bahay. Mag-relax, manuod ng palabas at tumambay na animo’y pensyonado. Ngunit ako naman sa sarili ko’y labis na nalulungkot.
Hindi ko naman ginustong maging ganito. Gusto ko ring gumalaw na tila isang normal at walang iniindang kapansanan. Nais kong kumilos na hindi naiiba sa inyo, kahit na alam kong imposible, dahil may polio ako. Ako ang kuya ngunit ako ang palamunin ng pamilya dahil nga ganito ako, inutil ako at walang silbi,” umiiyak na pahayag ni Mang Aldrin.
“Kaya kahit na nahihirapan ako sa pag-galaw ay sinikap kong kumayod sa marangal na paraan. Sinikap kong tulungan ang mga kapatid at pamangkin ko upang hindi lamang nila ako maalala bilang si Aldrin na may polio at inutil. Nais ko ring maalala nila ako bilang si Kuya Aldrin o Tiyo Aldrin na mahal na mahal sila at handang kumayod para sa kanila,” tumatangis na patuloy ni Mang Aldrin.
“Kuya,” agad na niyakap ni Alfonso ang kapatid. “Mahal ka rin namin at kailanman ay hindi ka naging pabigat,” umiiyak na ring sambit nito.
Hilam na rin sa luha ang lima pang bisita.
“Napakahirap ipaliwanag sa ibang tao na walang nag-utos sa’kin sa mga gusto kong gawin. Dahil iniisip nilang wala akong kakayahan dahil sa kapansanan ko,” wika ni Mang Aldrin na mas lalong kinaiyak ng lahat.
Imbes na parusahan ang kapatid ni Mang Aldrin dahil sa maling impormasyon na nakarating sa DSWD, nangako na lamang ang mga ito na tutulungan sila at makakatanggap si Mang Aldrin ng buwanang pinansyal mula sa kanila.
Hindi porket may kapansanan ay wala nang kakayahan.