“Ano Shaina, iiwan mo ako para sumama sa lalaking iyon?! Grabe na ba talaga ang pagkahibang mo? Napakatino kong tao tapos ipagpapalit mo lang ako sa gag*! Sana naman namili ka nang mas hihigit pa sa’kin,” galit na galit na wika ni Nikko, habang panay ang sunod sa nobyang nag-eempake ng mga damit nito.
“Ayoko na Nikko. Hindi na kita mahal. Pasensiya ka na kung sa palagay mo ipinagpalit lang kita kay Direk na gag*. Pero ito lang ang sinisiguro ko sa’yo, mas mahal niya ako kaysa sa mahal mo ako,” matigas na wika ni Shaina.
“Talaga ba?” Sarkastikong sambit ni Nikko. “Paano mo naman nasabing mas higit ang magmamahal niya kaysa sa pagmamahal ko? Dahil mas naibibigay niya ang mga luho mo tapos ako hindi? Gano’n ba ang ibig sabihin sa’yo ng pagmamahal, Shaina? Kung gano’n nga ay ngayon ko lang nalaman na napakababaw mo pala!” Nasasaktang dugtong ni Nikko.
“Mababaw na ako kung mababaw. Pero iiwan na kita at sasama na ako sa kaniya!” Singhal ni Shaina at nagmartsa palabas ng bahay nila.
“Sige! Umalis ka! Sana maging masaya kayong dalawa,” sigaw ni Nikko.
Kahit ang totoo ay nadudurog siya sa pag-alis ni Shaina. Pitong taon! Pitong taon ang sinayang nito para lang sa lalaking kakakilala lamang ng nobya. Nagsasama na sila sa iisang bahay at kasal na lang ang kulang nilang dalawa, pero hindi iyon nahintay ni Shaina.
Kahit masakit sa kalooban ay pinilit ni Nikko, ang tanggapin na lang na hindi na talaga siya ang mahal ng dating nobya. Ipinagpatuloy ni Nikko ang buhay at inabala ang sarili sa pagtatrabaho.
Isang araw ay mayroon siyang panauhing hindi inaasahan… si Direk, ang lalaking sinamahan ng kaniyang dating nobyang si Shaina.
“Bakit ka nandito?” Asik niya sa lalaki.
“Hindi ako nagpunta rito, Nikko, upang makipag-away. Naparito ako upang humingi ng tawad sa nagawa namin ni Shaina sa’yo,” malungkot na wika nito.
“Hinding-hindi ko kayo mapapatawad, Direk, lalong-lalo ka na. Dahil ikaw ang naging dahilan kaya nilayasan ako ni Shaina,” galot na sambit ni Nikko.
“Ako nga ang naging dahilan nang paghihiwalay niyo, Nikko, at iyon ang dahilan ko upang magpunta rito at hingin ang iyong kapatawaran. Pero gaya ng ginawa ni Shaina, sa’yo ay iniwan niya rin ako nang makahanap siya ng lalaking bagong mamahalin,” wika ni Direk at nagsimula ng umiyak sa harapan ni Nikko.
“H-ha? B-bakit naman? Sa anong dahilan?” Sunod-sunod na tanong ni Nikko, labis ang pagtataka sa sinabi ni Direk.
“Ang totoo ay kasalanan ko itong lahat. Kung hindi ko inakit si Shaina, hindi ka niya iiwan. Ginamit ko ang pera, Nikko, para paibigin si Shaina. Ang sabi niya kasi, hindi mo kayang tustusan ang mga luho niya, kung hindi ka lang niya mahal ay noon ka pa niya balak iwan.
Ginamit ko ang dahilan na iyon upang kunin sa’yo ang babaeng mahal mo at mahal ko rin. Ang buong akala ko’y nagtagumpay na ako nang pumayag siyang sumama sa’kin. Ngunit sadyang hindi pala talaga sapat ang salapi upang bilhin ang pag-ibig.
Binalak niya noong balikan ka, ngunit pinagbantaan ko siyang papat*yin kayong dalawa kapag ginawa niya. Akala ko ay sapat na ang takot niyang iyon upang habang buhay ko na siyang makasama. Ngunit nagkamali ako, Nikko.
Nakahanap siya ng ibang mamahalin at walang pagdadalawang-isip na iniwan ako at nagpakalayo-layo,” mahabang paliwanag ni Direk, habang walang humpay na nag-uunahan ang luha sa mga mata.
Biglang nakaramdam ng pagkahabag si Nikko para sa lalaking kinainisan noon. Naging hibang ito masyado sa pag-ibig na kaya nitong bilhin iyon sa pamamagitan ng salapi at sa kadahilanang iyon ay kinakaawaan niya ito.
Lumapit si Nikko sa lalaki at tinapik ito sa likuran. “Hindi ko pa rin kayang sabihin, pare, na pinapatawad na kita. Masyado akong nasaktan noong iniwan ako ni Shaina, at piniling sumama sa’yo.
Umabot pa sa puntong nagalit ako noon sa sarili ko dahil sa kakulangan ng aking kakayahan na ibigay sa babaeng mahal ko ang lahat. Pero pare, sana maging leksyon sa’ting lahat ang pangyayaring ito. Kailanman ay hindi maganda ang mang-agaw. Sabi nga nila, ang bagay na inagaw ay aagawin rin sa’yo at mas lalong hindi nabibili ang nararamdaman ng isang tao.
Makakahanap ka rin ng babaeng magmamahal sa’yo ng totoo pare— hindi dahil sa pera mo. Kung ‘di dahil totoong mahal ka niya,” wika ni Nikko. Ngayon ay tila nahugot ang patalim na ilang buwan niyang itinanim sa dibdib.
Gumaan ang kaniyang pakiramdam at nabawasan ang galit sa lalaking sumira sa relasyon nila ni Shaina. Hindi man nakabalik sa kaniya ang dating kasintahan ay masaya pa rin si Nikko. Gaya ng hiniling niya para kay Direk, iyon rin ang hinihiling niya para sa sarili.
Ang makahanap ng babaeng mamahalin siya nang wagas at walang kapalit.