
Inakusahan Nila ang Babae na Gold Digger; Nagulat Sila nang Matuklasan ang Pagkatao Nito
Habang tahimik na nakasandal sa likurang bahagi ng elevator ay dinig na dinig ni Aubrey ang maagang tsismisan ng mga empleyado.
“Narinig niyo ba yung balita? Ngayong araw daw darating ‘yong batang batang asawa ng boss natin?”
“Ay oo, narinig ko nga ‘yan, naku malamang kahit kararating pa lang niyan ay mataas na kaagad ang posisyon niya sa kumpanya! Ikaw ba naman na maganda at bata, kumabit sa matanda, ewan ko na lang kung hindi ka magbuhay reyna!”
Narinig niya ang pagsang-ayon ng iba na sinundan ng malakas na tawanan ng mga ito.
Nahinto lamang ang mga ito nang dumating sila sa ikasampung palapag ng gusali at isa-isang maglabasan ang mga ito.
Napapalatak si Aubrey. Doon din kasi ang destinasyon niya. Napagtanto na ang mga tsimoso’t tsismosang nakasabay niya sa elevator ay pawang mga makakasama niya pala sa iisang opisina sa mga sususnod na buwan.
“Mrs. Ortega!” masiglang wika sa kaniya ni Mr. Jay Magtanggol, ang kilalang gwapong bisor ng palapag na iyon.
“Mr. Magtanggol,” pormal niyang bati dito, bago inabot ang palad nitong nakalahad.
Nang maramdaman ang marahang pagpisil ng binata sa kaniyang palad ay agad niyang binawi ang palad mula dito.
Tila wala naman iyon sa lalaki na malawak pa rin ang pagkakangiti.
Habang iginigiya siya ni Mr. Magtanggol sa kaniyang magiging opisina ay ramdam na ramdam ni Aubrey ang maapanuring tingin ng mga kaopisina.
“Team, halina muna kayo at may ipakikilala ako sa inyo!” Narinig niya ang malakas na sigaw nni Mr, Magtanggol. Marahil ay napansin nito ang kakaibang tingin na ipinupukol sa kaniya ng mga empleyado.
Isa-isang nagsilapitan ang mga empleyado. Nang masigurong nasa munting pagpupulong na ang lahat ay ipinakilala siya nito sa mga empleyado.
“Siya si Mrs. Aubrey Ortega. Siya ang bagong accounting manager ng team natin,” wika ng lalaki.
“Para sa mga nagtatanong, siya nga ang asawa ni Sir Manuel, ang presidente ng kompanya,” dagdag pa nito.
Mariing napapikit si Aubrey. Hindi niya kasi nabanggit sa lalaki na ayaw niya sanang may makaalam ng relasyon nila ng asawa. Ayaw niya na husgahan ng mga ito ang kakayahan niya.
“Kaya siguraduhin niyo na itatrato niyo siya nang maayos,” dire-diretsong pagsasalita pa rin lalaki, bagay na ikinainis niya.
“Mrs. Ortega, may nais ka bang sabihin?” Maya-maya ay tanong ng lalaki.
Huminga ng malalim si Aubrey bago nagsalita. “Ayoko ng special treatment. Itrato niya lang ako na katrabaho, at hindi asawa ng boss niyo. ‘Yun lang.” Pilit na ngiti ang iginawad niya sa lahat bago siya naglakad papunta sa kaniyang opisina.
Naiinis pa rin siya sa ginawa ni Mr. Magtanggol. Alam niya kasi na huhusgahan lang ng mga tao na napunta siya sa posisyon na iyon dahil may koneksiyon siya. Hindi dahil magaling siya.
Subalit hindi totoo iyon. Matagal na panahon ang ginugol niya upang aralin ang pasikot-sikot ng kompanya. Gusto niyang makatulong sa asawa na palaguin ang kompanya.
Isa pa, kung iniisip ng mga ito na pinakasalan niya ang matandang asawa dahil sa pera nito, maling-mali ang mga ito.
“Baka magulat sila ‘pag natuklasan nila ang totoo…” naiiling na bulong ni Aubrey habang inaayos ang lamesa ng kaniyang opisina.
Ang mga sumunod na araw ay hindi naging madali para kay Aubrey. Kagaya ng inaasahan, hindi naging maganda ang pagtanggap ng mga katrabaho sa kaniya.
“Anim na taon na akong nagtatrabaho rito, pero nang pumasok ang Aubrey na ‘yan, magkasingtaas lang ang posisyon namin?” Isang araw narinig niya ang pag-uusap ni Elvie at Vivian, pawang mga supervisor sa kanilang palapag.
“Elvs, wala ka naman masasabi sa performance ni Mrs. Ortega, kasi nagagawa niya naman ng maayos ang trabaho niya, kaya nga madalas siya mapuri ni Mr. Magtanggol, ‘di ba?” Narinig niya pagtatanggol ni Vivian sa kanya.
“Wala akong pakialam! Ginagamit niya ang ganda niya para umangat sa buhay!” asik ni Elivie sa kausap.
“‘Wag na masyado mainit ang ulo! Galingan na lang natin sa trabaho, para mas tumaas ang posisyon natin,” alo ni Vivian sa kaibigan.
Napabungtong hininga si Aubrey nang lumabas ng banyo. Halos pare-pareho ang iniisip ng mga ito sa kaniya.
Isa pang kinaiinisan niya ay si Mr. Magtanggol. Kahit alam nito na may asawa siyang tao ay makapal pa rin ang mukha nitong dumiga sa kaniya!
Sa paglipas ng mga araw ay hindi man lamang napalapit si Aubrey sa mga katrabaho kahit subukan niya.
Walang araw na hindi niya narinig sa mga katrabaho ang mga salitang “oportunista”, “gold digger”, “manggagamit”, at kung ano pang masasakit na salita.
“Team, bukas na ang party ng kompanya. As usual, darating na naman ang may-ari ng kompanya na si Mr. Agusto De Castro. Maari tayong mag-inom, magsaya, pero ineexpect ko na lahat ay hindi gagawa ng kahit na anong ikakasama ng department natin, maliwanag ba?”
Iyon ang sinabi ni Mr. Magtanggol bago sila umuwi ng gabing iyon.
“Yes, sir!” Masiglang sagot ng mga ito.
Kinaumagahan, malungkot na gumayak si Aubrey papuntang party.“Hon, sure ka ba na ayaw mo ako isama sa business trip na ‘yan?” Nakasimangot na tanong ni Aubrey sa asawa habang nag-eempake ito.
“Hon, ano ka ba naman, chance mo na ito para maka-bonding ang mga katrabaho mo. Saka isa pa, nandoon si Papa, tapos pareho tayong wala, nakakahiya naman,” mahinahong paliwanag ng asawa.
“Kung bakit naman kasi biglaan ‘yan eh!”
Natawa na lamang si Manuel sa asawa. Minsan ay parang bata pa rin itong umasta.
Malungkot na nagtungo si Aubrey sa venue ng party. Akala niya ay hindi siya mag-eenjoy subalit nagulat siya nang makipagbonding sa kaniya ang mga katrabaho. Masaya silang nagkwentuhan habang panaka-nakang umiinom ng alak.
“Aubrey, parang hindi ko nakikita si Mr. Ortega?” Usisa sa kaniya ni Mr. Magtanggol habang umiinom sila ng wine kasama ang mga kapwa nila supervisor.
“Ah, may biglaang business trip. Buti na lang nandito si pa– I mean si Mr. De Castro,” sagot niya rito.
Muling sumipsip ng wine si Aubrey kaya naman hindi niya napansin ang makahulugang palitan ng tingin ng mga katrabaho.
Ilang sandali lamang ay tila umiikot na ang kaniyang paningin. Init na init din ang kaniyang pakiramdam.
Halos hindi na maunawaan ni Aubrey ang nangyayari sa kaniyang paligid. Maya-maya ay naramdaman niya na lamang na may umaakay sa kaniya papunta sa isang madilim na bahagi ng parking lot.
“Sa wakas, nasolo rin kita…” Sa nanlalabong paningin ay nakita niya ang mala-demonyong ngisi ni Mr. Magtanggol.
“Bitiwan mo ako!” Inubos niya ang natitirang lakas upang itulak ang lalaki bago siya tumakbo.
Sa kabutihang palad ay muli siyang nakapasok sa pinagdadausan ng party kung kaya’t nakahingi siya ng tulong.
Nakahinga nang maluwag si Aubrey nang isang pamilyar na mukha ang nakita niya.
“Papa!”
“Mula sa pagkakaupo ay napatayo si Mr. De Castro nang makita ang ayos ng anak na si Aubrey.
“Papa!” Umiiyak na yumakap si Aubrey sa ama.
Madilim ang mukhang nag-usisa si Mr. De Castro.
“Anong nangyari sa iyo?”
Sa paputol-putol na kwento ay isiniwalat ni Aubrey ang naranasan.
Maya-maya ay humahangos na dumating si Mr. Magtanggol. Namutla ito nang makita ang babaeng tinangkang pagsamantalahan na nasa harap ng may-ari ng kumpanya na si Mr. De Castro.
“Aubrey!” Tawag niya rito, sinusubukang isalba ang sarili.
Isang malakas na suntok ang sumalubong sa mukha ni Mr. Magtanggol.
“Hayop ka! Sinubukan mong galawin ang anak ko?” Galit na galit na sigaw ng matanda.
“A-anak?” Mas lalo itong namutla.
“Oo, anak ko si Aubrey! At kung sino mang sumubok manakit sa kaniya ay ako ang makakalaban!” Mabagsik na sigaw ng matanda, binibigyang babala ang bawat isa.
Gulat na gulat naman ang mga empleyado. Inakala kasi nila na pinakasalan ni Aubrey ang matandang may mataas na posisyon sa kumpanya para sa pera, hindi alam ng mga ito na mas mayaman pa pala si Aubrey rito, dahil ito ang kaisa-isang tagapagmana ng kumpanya!
Nakamit ni Aubrey ang hustisya nang maipakulong ang lalaking nagtangkang manghal*y sa kaniya. Napatunayan din na iilan sa kaniyang katrabaho ang sangkot kaya naman nawalan ang mga ito ng trabaho.
Simula noon, hindi na kailanman naringgan ang kung sinuman nang kahit na anong masamang bagay tungkol sa kaniya. Marahil ay natutunan na ng mga ito na huwag humusga, lalo na at mahilig magbiro ang tadhana.