
Ginagamit ng Dalagang Ito ang Yaman Upang Makuha ang Lahat ng Nais, Nanlambot Siya nang sa Huli ay sa Piitan Niya Natagpuan ang Sarili
“Excuse me, ikaw ba si Rosalinda? Ang bagong kasintahan ni Jayson Cruz?” ika ni Criselda sa dalagang nakita niyang abala sa pagdidilig ng halaman, isang araw nang magtungo siya sa bahay ng dating kasintahan.
“Ah, eh, opo, bakit po?” nakangiting tugon nito dahilan upang mapangisi siya.
“Totoo pala ang balitang pinagpalit niya ako sa isa sa kanilang mga katulong,” sambit niya dahilan upang mapakunot ang noo ng dalagang kausap, “Magkano ka ba? Kahit ilang milyon, bibigyan kita ‘wag ka lang makiapid sa relasyon namin,” sambit niya pa.
“Hindi naman ako nakikiapid, eh, sadyang hindi mo lang matanggap ang katotohanang ayaw na sa’yo ni Jayson. Matagal na kayong hiwalay, ‘di ba?” depensa nito, tila nawala ang galang sa pananalita nito dahilan upang magalit siya.
“Hoy, hampaslupa, anong karapatan mong pagsabihan ako ng ganiyan? Saka ka na magsalita nang ganyan kapag may dalawampung libo ka na sa bulsa mo,” pagyayabang niya saka ipinangpaypay ang humigit kumulang na dalawampung libong pisong papel.
“Ngayon naiintindihan ko na siya kung bakit napagod at nagsawa siya sa’yo. Mapera ka nga, masama naman ang ugali mo,” sagot pa nito na lalo niyang ikinagalit.
“Ah, ganoon? Masama talaga ang ugali ko!” sigaw niya saka initsa sa mukha ng dalaga ang perang hawak at isinubsob niya ito sa lupa’t pinagtatadyakan, “Ayan, amoy lupang hampaslupa ka na, pwe!” dagdag niya pa saka dinuran ang mangiyakngiyak na dalaga.
Isa sa mga pinakamayayamang pamilya ang kinabibilangan ng dalagang si Criselda. Sa sobrang yaman ng kaniyang mga magulang, sa edad na walong taong gulang may sarili na siyang bahay at lupa. May sarili siyang katulong at tagapagmaneho doon, may maliit na swimming pool at may agaw pansing palaruan dahilan upang mawili siya’t doon na magdesisyong tuluyang tumira.
Sa murang edad na ito, mag-isa niyang inaaliw ang sarili. Ni hindi siya magabayan ng kaniyang mga magulang dahil abala ang mga ito sa kani-kanilang mga trabaho.
Ngunit kahit pa ganoon, masaya siyang nabuhay mag-isa dahil lahat ng gusto niya, kaniya agad nakukuha. Agad siyang nag-aamok sa tuwing hindi niya makuha ang gusto niya. Sa katunayan pa nga, nang hindi niya makuha ang mataas na gradong nais niya noong nasa hayskul siya, pinamudmudan niya ng pera lahat ng gurong nagtatrabaho sa kaniyang pinapasukang paaralan dahilan upang kahit papaano, tumaas ang grado niya kumpara sa mga estudyanteng walang sapat na pera. Ang pag-uugali niyang ito, nadala hanggang ngayong tapos na siya sa pag-aaral.
Kaya ganoon na lang ang sama ng loob niya nang minsan siyang hiwalayan ng kaniyang kasintahan. Wala na siyang ibang paraang maisip kung hindi suhulan ng pera ang nobya nitong usap-usapang katulong din nito sa bahay.
“Tiyak, pera lang ang habol niya kay Jayson, e ‘di bibigyan ko na lang siya,” sambit niya bago pa magtungo sa bahay ng dating nobyo.
Noong araw na ‘yon, matapos niyang saktan ang naturang dalaga, agad siyang umuwi sa kaniyang bahay at pinahimasmasan ang sarili.
Ilang linggo lang ang nakalipas, may mga pulis na pumunta sa kaniyang bahay at nais siyang isama sa presinto dahilan upang labis siyang kabahan.
“Sa presinto na lang po kayo magpaliwanag, ma’am,” ‘ika ng isang pulis saka siya maingat na pinosasan.
Nadatnan niyang mugtong-mugto ang mata ng kaniyang ina sa naturang presinto. Nakayuko lang ito dahilan upang agad niya itong puntahan. Doon niya nalamang dahil sa ginawa niya sa dalagang si Rosalinda, pinaimbestigahan ng dati niyang nobyo ang negosyo ng kaniyang mga magulang dahilan upang mabunyag na hindi pala basta-bastang produkto ang ibinebenta ng mga ito.
Naggagandahang babae at ipinagbabawal na gamot pala ang binebenta ng mga ito sa mga foreigner dahilan upang limasin ng mga pulis ang lahat ng kanilang ari-arian at ikulong silang tatlo dahil ang isang sikretong kumpanya ay ipinangalan pa sa kaniya ng kaniyang ama kaya naman pati siya, sa bilangguan maninirahan.
Ganoon na lang ang kaniyang pagsisisi sa ginawang pananakit sa dalagang iyon. ‘Ika niya, “Kung tinanggap ko na lang sana na hindi lahat ng bagay, makukuha ko, e ‘di sana wala kami sa kulungan ng mga magulang ko at kung alam ko lang sana ang negosyong bumubuhay sa akin, sana noon pa man, hindi na ako nagyabang. Sana hindi na ako natuwa sa mga perang nasa kamay ko na mula naman sa maling gawain,” hikbi niya habang himas-himas ang rehas na nasa kaniyang harapan, tanaw-tanaw ang dati niyang nobyong nagsuplong sa kanila.