Inday TrendingInday Trending
Ang Sasabihin ng Iba ang Palaging Iniisip ng Dalaga; Isang Oportunidad Tuloy ang Kaniyang Nasayang

Ang Sasabihin ng Iba ang Palaging Iniisip ng Dalaga; Isang Oportunidad Tuloy ang Kaniyang Nasayang

“Mama, bakit mo naman ako pinapasama sa raket ni tito? Ano na lang sasabihin ng iba sa akin kung magtatrabaho ako kaagad?” inis na tanong ni Celestine sa ina, isang umaga nang mabasa niya ang mensahe ng kaniyang tito tungkol sa trabaho nilang dalawa bukas.

“Anak, bakasyon naman, eh, imbis na nakatambay ka lang d’yan at nagseselpon, magtrabaho ka na lang. Makakatulong ka pa sa gastusin natin dito sa bahay,” malumanay na paliwanag ng kaniyang ina.

“Ayoko nga, mama! Gusto mo bang kaawaan ako ng mga kaklase ko, ha? Ano na lang iisipin nila? Naghirap na tayo’t walang sapat na pera dahilan para magtrabaho ako sa murang edad?” sambit niya, bakas na sa kaniyang mukha ang galit sa ina.

“Celestine! Magising ka nga sa katotohanan! Matagal na tayong mahirap at nasa tamang edad ka na! Huwag kang umasta katulad nang mayayaman mong kaklase!” bulyaw nito sa kaniya dahil sa pagkakitid ng kaniyang utak.

“Basta, ayoko, kung gusto mo, ikaw na lang pumasok doon!” pagmamatigas niya dahilan upang mainis na rin ang kaniyang ina.

“Huwag kang iiyak-iyak d’yan kapag kumuha ng ibang modelo ang tito mo!” pagbabanta nito sa kaniya saka siya nilayasan, umirap lang siya’t agad na sinabihan ang kaniyang tiyuhin na ayaw niyang sumama rito.

Nasa ikalawa ng taon sa kolehiyo ang dalagang si Celestine. Sa awa ng Diyos, kahit pa hirap sila sa buhay ng kaniyang ina dahil sa pagkawala ng kaniyang ama, tatlong taon na ang nakakalipas, nagawa pa rin siya nitong pag-aralin ng kolehiyo at higit pa doon, sa pinapangarap niya pang unibersidad.

Ito ay dahil sa tulong sa kapatid ng kaniyang ina na nasa linya ng showbiz. Kung tutuusin kasi, hindi talaga kakayanin ng kaniyang ina na pag-aralin siya sa mamahaling unibersidad lalo pa’t kailangan ng malaking pera para sa kaniyang piniling kurso. Kahit pa isa itong call center agent na kumukita ng dalawampung libong piso kada buwan, kulang na kulang pa rin ang kinikita nito para sa gastusin at bayarin nila sa bahay.

Kaya naman, nang maghanap ng modelo ang kaniyang tiyuhin para sa isang brand ng damit, agad siyang pinasok ng kaniyang ina upang sila’y kumita at makatulong siya sa kanilang mga gastusin.

Ngunit imbis na matuwa katulad ng mga normal na dalagang may pangarap na sumikat, inuna niya pang isipin ang sasabihin ng kaniyang mayayamang kaklase kapag nalamang siya’y nagtatrabaho na at bilang isang mababang modelo pa dahilan upang tanggihan niya ang malinaw na perang ibabayad sana sa kaniya ng kumpanyang iyon.

Kinabukasan, labis na nagalit ang kaniyang ina nang malamang tinanggihan niya ang naturang trabaho. Walang sawa siya nitong pinagsabihan ngunit imbis na manghinayang sa trabahong pinalampas, pasok sa kanang tainga, labas sa kaliwa ang ginawa niya sa lahat ng sermon ng ina.

Wala siyang ginawa noong araw na ‘yon kung hindi makipag-usap sa mga sosyal niyang kaklase sa kaniyang selpon. Nagkukwento ang mga ito tungkol sa magagandang lugar na kanilang pinupuntahan ngayo’y bakasyon nila, tahimik lang siyang nakikinig. Kunwari’y nasisiyahan para sa mga karanasan ng kaklase, ngunit tanging inggit ang kaniyang nasa kalooban.

Pagkatapos nang pagkakamustahan nilang magkakaklase, agad siyang nagkulong sa kaniyang kwarto upang maglabas ng kalungkutan. Ngunit tila lalo pa itong nadagdagan nang tumawag ang kaniyang tiyuhin.

“Naku, Celestine! Ewan ko ba sa’yong bata ka bakit mo inayawan ang pagmomodelo! Ayun, ‘yong nakuha kong pumalit sa’yo, pagbabakasyon sa Maldives ang bayad sa kaniya bukod pa sa dalawampung libong piso’t mga damit na bigay sa kaniya! Nakakainis ka talaga!” balita nito dahilan upang labis siyang manghinayang at lalong humagulgol.

Agad siyang pinuntahan ng kaniyang ina nang marinig ang boses ng kaniyang tiyuhin, napailing na lang ito saka siya niyakap nang makitang mugtong-mugto na ang kaniyang mata.

“Anak ko, Celestine, hindi habang buhay ay nandito kami ni tito mo para punan lahat ng pangangailangan mo. Huwag mong isipin ang sasabihin ng iba, ang isipin mo, paano mo maaabot ang pangarap mo. May masasabi at masasabi naman ang mga tao sa paligid natin kahit anong gawin mo. Bakit hindi ka pa gagawa ng bagay na ikabubuti mo?” malumanay na sambit nito dahilan humagulgol siya sa balikat nito.

Simula nang pagkakataong iyon, natuto na siya sa buhay. Hindi man niya maibalik ang oportunidad na pinalagpas, matiyaga siyang naghintay sa bagong proyektong gagawin ng kaniyang tiyuhin.

Sa kabutihang palad naman, paglipas lang ng dalawang linggo, mayroon na agad itong bagong proyekto at hindi na niya pinalampas ang oportunidad na ito. Agad niyang tinanggap ang alok nito at hindi inintindi ang sasabihin ng iba.

Sa huli, dahil sa kaniyang kagalingan, agad siyang kinontrata ng naturang kumpanya upang maging kanilang pangunahing modelo na labis nilang ikinatuwa ng kaniyang ina.

Advertisement