
Todo Habol ang Dalagang Ito sa Binatang Minamahal, Natauhan Siya nang Makatamo ng Suntok Dito
“Love, naman, ‘wag mo namang gawin sa akin ‘to! Huwag mo akong iwan, parang awa mo na!” pagmamakaawa ni Chin, isang araw nang minsang makipaghiwalay ang kaniyang nobyo.
“Chin, huwag mo akong hayaang mainis. Kapag sinabi kong ayaw ko na, ayaw ko na. Hindi ka ba nanghihinayang sa mga taong pwede mong makilala kapag pinakawalan mo na ang sarili mo sa akin?” tugon nito habang abala sa pag-eempake ng mga gamit.
“Mas nanghihinayang ako sa tagal ng pagsasama natin, love! Isipin mo nga, walong taon na tayo, tapos bigla ka na lang aayaw? Alala ko ba ikakasal pa tayo?” mangiyakngiyak na ‘ika niya habang ibinabalik sa lalagyan ang lahat ng ineempake ng binata.
“Lahat ay pwedeng magbago, Chin, tama na ang kahibangan mo,” malumanay na sagot nito dahilan upang magtaas na siya ng boses.
“Hindi ako papayag! Ayokong mabalewala ang walong taong pagsasakripisyo ko sa’yo!” sigaw niya dahilan upang tumaas din ang boses ng binata.
“Chin, naman! Ayoko na nga, eh, ayoko na sa’yo, may mahal na akong iba!” pag-amin nito na ikinatigil ng kaniyang mundo.
Dahil nga sa tagal nang pagsasama ni Chin at ng kaniyang nobyo, nagpasiya na silang manirahan sa iisang bahay. Sang-ayon naman ang kani-kanilang pamilya dahil nga sila’y nasa tamang edad na. Hindi pa man kasal, unti-unti na nilang tinutupad ang pangarap nilang buhay.
Nasa unang taon pa lang siya sa kolehiyo nang mabuo ang kaniyang pagtingin sa naturang binata. Sa katunayan, lahat ginawa niya upang mapansin nito. Sumali siya sa pageant, naging manlalaro ng unibersidad, pati na nga pagiging lider ng isang organisasyon sa loob ng unibersidad, kaniya na niyang pinasok ngunit kahit pa ganoon, hindi pa rin siya mapansin-pansin nito.
At dahil nga ganoon na lang ang atraksyong nararamdaman niya para sa binata, kahit hindi siya pinapansin nito, naglakas loob siyang lumapit dito at magtapat ng tunay na nararamdaman. Tinanong niya pa nga ito, “Pwede ba kitang ligawan?” dahilan upang hangaan siya nito. Hindi naman kalaunan, sinagot na siya ng binata at tumagal ng walong taon ang kanilang pagsasama.
Labis siyang pinapaulanan nang katatawan at panghuhusga sa tuwing may makakaalam kung paano nabuo ang kanilang pagsasama, ngunit hindi niya ito dinadamdam bagkus lagi niyang sinasabi, “Gusto at mahal ko siya, eh, kaya lahat gagawin ko makuha ko lang siya,” aniya saka niya kikindatan ang binatang ngayo’y, minamahal na rin siya.
Halos perpekto na nga ang kanilang relasyon lalo pa nang sila’y magsama na sa iisang bahay.
Bukod sa may sapat silang ipon para sa pinagpaplanuhang pamilya, nakakatulong pa rin sila sa kani-kanilang magulang dahilan upang wala nang hilingin si Chin kung hindi ang makasama at makatuwang habang-buhay ang naturang binata.
Ngunit pagkalipas lang ng dalawang taon matapos nilang lumipat sa bago nilang bahay, bigla na lang nag-iba ang ugali ng binata. Palagi na siyang nasisigawan nito, madaling araw na kung umuwi at kung minsan pa nga, nasasabihan na siya nito nang masasakit na salita. Imbis na magalit at magdamdam, lahat ng ito’y isinisi niya sa sarili.
Noong araw na ‘yon, para bang narindi siya sa sinabi ng kaniyang nobyo. Hindi niya nais maniwala dahilan upang yakapin at halik-halikan niya ito.
Ngunit imbis na kumalma at magbago ang isip ng binata, itinulak lang siya nito palayo at nang muli niya itong yayakapin, bigla na siya nitong sinapok sa mukha saka sinabing, “Kung hindi ka makausap nang maayos, makakatikim ka talaga sa akin!” dahilan upang mapahagulgol na lang siya habang pinagmamasdang lumabas ng kanilang bahay ang lalaking pinaghirapan niya noong una pa lang.
Labis man ang emosyonal at pisikal na sakit ang nararamdaman niya, pinili niyang ikinalma ang sarili’t nanalangin. Iniiyak niya sa Panginoon lahat ng sakit na nararamdaman at doon niya napagtantong hindi niya kailangan ng pilit na pagmamahal.
“Siguro nga, masyado akong nagpakalunod sa maling pagmamahal. Hindi naman ganoon ang tunay na pag-ibig, eh, ang tunay na pag-ibig, ilalapit ka sa tagumpay, dumaan man sa ang saya’t paghihirap, hindi maghahanap ng iba, at lalo’t higit, hindi ka wawasakin,” hikbi niya habang ginagamot ang pasang natamo mula sa pagkakasuntok ng dating nobyo.
Hindi man siya agad na nakaahon mula sa pagkakalunod sa sakit na nararamdaman, unti-unti niyang binalik ang dating buhay na mayroon siya, walang inaasahang ibang taong magpapasaya sa kaniya bukod sa kaniyang pamilya.