
Parehong Nagkagusto sa Iisang Lalaki ang Magkaibigan; Ito na Ba ang Titibag sa Kanilang Samahan?
Maraming bisita ang dumating sa handaan ni Jenny kabilang na ang matatalik niyang kaibigang sina Queen, Iyaline, Kath at Ennie. Nasa unang taon pa lang sila ng high school ay pinag-usapan na nila ang mangyayari sa kanilang debut. Naroong pinapantasya nila ang kanilang magiging suot, kung gaano ka-engrande ang mangyayaring kaarawan at ang magiging escort para sa pinakamahalagang araw nila.
Bawat isa ay nagbigay ng kulay o motif ng debut. Kinikilig nilang in-imagine ang kanilang mga hitsura sa araw na iyon.
“Sana kami na ni Christian kapag nag-debut ako para siya ang partner ko,” wika ni noon Jenny na siyang pinaka-kikay sa barkada.
“Crush mo talaga siya, ‘no?” may bahid ng lungkot sa boses ni Ennie nang tanungin niya iyon.
Kaibigan nilang lahat si Christian. Mabait ito, maaalalahanin, masipag na mag-aral. Lahat-lahat yata ay magugustuhan ng isang babae ay nasa kaniya na. Ngunit hindi lang si Jenny ang nagkakagusto rito, maging si Ennie ay iniibig ang binata ngunit hindi nito masabi ang nararamdaman.
Sinabi na kasi ni Jenny na gusto niya si Christian. Sa maraming tao ay hindi ito nahiyang ipagsigawan na gusto niya si Christian.
“Christian, I love you. Do you hear me? I love you so much!” nakangiti si Jenny habang sinasabi niya ito. Napatingin si Ennie kay Christian at doon niya nakitang nakatingin din ito sa kaniya.
Napatungo si Ennie at nakikiramdam lang sa nangyayari. Break time nila at halos lahat ay sa classroom kumakain. Katabi ni Ennie ang ibang kaibigan at nasa kanan naman niya si Christian habang nakaupo si Jenny sa table ng teacher.
Lumapit si Jenny sa puwesto nila Ennie. Nang tumunghay siya ay nakita niyang nasa tapat na ito ni Christian.
“Gusto mo rin ba ako?” Sa tanong na iyon ni Jenny ay tila may kumirot sa dibdib ni Ennie. Napalingon siya sa kaibigang lalaki at ganoon na lang kalakas ang kabog ng dibdib niya.
“G-gusto kita, Jenny, pero bilang kaibigan lang,” saad ni Christian habang ang mata ay nasa kaibigang si Ennie.
Biglang nagtatakbo si Jenny palabas na agad sinundan ni Queen, Iyalyn at Kath. Napasunod rin si Ennie pero hinila ni Christian ang kamay nito. Napa-iling si Ennie.
“Ayokong masira kami ng kaibigan ko, Christian.” Bumitiw si Ennie sa pagkakakapit ni Christian at sinundan ang mga kaibigan.
Nagtapos silang lahat ng junior high school. Matapos nilang maka-graduate ay naghiwalay ang kanilang mga landas. Lumipat ng school si Christian, si Queen at Iyaline naman ay magkasamang nangibang bansa habang nagtuloy sa pagpasok si Jenny, Kath at Ennie.
Nasa kolehiyo na sila nang malaman nilang buntis si Jenny. Nagulat din ang lahat sa balita sakto pa namang malapit na ang kaarawan ito.
Lumipas ang buwan at kaarawan na ni Jenny, halata na rin ang tiyan ng kanilang kaibigan nang minsan silang magkita-kita muli. Kumustahan dito, kumustahan doon at kwentuhang walang humpay.
“Malapit na ang birthday ko, gusto ko naroon kayo, ha?” Iniabot nito ang invitation ngunit imbis na birthday invitation ay wedding invitation ang iniabot nito sa mga kaibigan.
‘Jenny Acosta and Christian Gustilo Nuptial’
Hindi alam ni Ennie kung paanong magre-react. Hindi niya maiikaila na mahal niya pa rin ang binata at hindi nagbago iyon. Nagparaya siya para sa kaibigan ngunit humihiling din siya na sana sa tamang panahon ay sila pa rin ni Christian ngunit hindi na mangyayari pa ‘yon.
Ikakasal na ito… Ikakasal sa matalik niyang kaibigan ang taong minamahal niya.
Lahat ay nagkakasiyahan sa kaarawan at kasal ng nag-isang dibdib kani-kanina lang na si Jenny at Christian. Maraming bisita ang dumating sa handaan ni Jenny kabilang na ang matatalik niyang kaibigan na sina Queen, Iyaline, Kath at Ennie. Pink ang motif ng kasal nina Jenny at Christian katulad ng gusto ni Jenny noon para sana sa kaniyang debut party na hindi na nila nagawa pang i-celebrate dati.
“Happy birthday, bessy!” masayang bati nila Kath ngunit kiming ngiti lang ang ibinigay ni Ennie.
“Bessy, usap tayo?” Napatingin si Ennie kay Jenny nang sabihin nito iyon. Napatango siya at umagwat sa ibang kaibigan.
“Alam ko ang ginawa mo para sa akin. Kinuwento niya sa akin. You both love each other but you chose not to hurt me. I’m sorry for being selfish. I’m sorry,” lumuluhang sabi ni Jenny. Niyakap ito ni Ennie, lumuluha rin.
“Importante ka sa akin. Mahal ko siya pero mas mahal ko kung anong mayroon tayo. Ingatan mo siya. Maging masaya kayo… para sa akin.” Pinunasan ni Ennie ang luhang hindi matigil sa pag-agos. Nagkalas sila ng yakap ni Jenny at saka muling nakihalubilo sa iba.
Napangiti na lang si Ennie ng tanawin niya ang bagong mag-asawa. Inaalalayan ni Christian si Jenny habang papunta sa unahan kung saan naroon ang table na para sa kanila. Kita kung gaano kasaya ang mag-asawa. Huminga nang malalim si Ennie. Nasaktan man siya, alam niyang talagang itinadhana sina Jenny at Christian para sa isaʼt isa. Masaya na siya para sa mga kaibigan at makapag-uumpisa nang muli ng panibagong buhay.